2017
Pinagpala ng Aking Matapat na Kapatid
March 2017


Pinagpala ng Aking Matapat na Kapatid

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Hindi ako ganito ngayon kung hindi dahil sa mabuting impluwensya ng ate ko.

Thelma and Rafael

Mapalad akong magkaroon ng mabubuting babae sa buhay ko: isang mapag-aruga at matapang na ina, matatalino at matatapat na kapatid na babae, at isang mapagmahal at mapagsuportang kabiyak. Nais kong parangalan ang isa sa maimpluwensyang mga babaeng ito, ang ate kong si Thelma, para sa impluwensya niya sa buhay ko dahil sa patuloy na pagpapakita niya ng mabuting halimbawa.

Noong bata pa ako, itinuro sa akin ni Itay na sundin si ate Thelma kapag wala sila ni Inay, at walang hanggan ang pasasalamat ko sa payong ito.

Pagkakaroon ng Matibay na Determinasyong Matuto

Tatlo sa walong kapatid ko ang kasabay kong sumapi sa Simbahan sa El Salvador. Si ate Thelma ay 14 na taong gulang noon at panganay kong kapatid nang mabinyagan kami. Ako naman ay 8 taong gulang noon at bunso sa pamilya, kaya siya ang lider namin.

Nalaman namin ang tungkol sa simbahan sa kapitbahay naming kumakanta ng mga awiting nalaman namin kalaunan na mga himno. Nagkuwento sa amin ang kapitbahay namin tungkol sa isang magandang lugar na tinatawag na Primary, kung saan natututong kumanta ang bata. Kinontak ang mga missionary, at nagsimula silang bumisita sa bahay namin para turuan kami.

Gayunman, ayaw na ayaw ni Itay sa Simbahan at ayaw niyang paturuan ang mga anak niya sa mga missionary. Dahil musmos pa ako, hindi ko naunawaan kailanman ang pinagdaanan ng dalawang Elder na iyon para maihatid ang ebanghelyo sa aming buhay. Pinalalayas sila ni Itay kapag nakikita niya sila sa bahay namin, at sadya niyang pinapatay ang mga ilaw kapag dumaraan ang mga elder sa gabi. Tulad ng walang-humpay na pagpigil ni Itay sa mga missionary na magturo, doble naman ang determinasyon ni ate Thelma na matuto tungkol sa ebanghelyo at basahin ang Aklat ni Mormon. Hindi sumuko si ate Thelma at ang mga elder kailanman, at pinasasalamatan ko ito.

Mahirap makasimba dahil pinipigilan kami ni Itay sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang taktika, tulad ng pagpapagawa sa amin ng mga gawaing-bahay bago kami payagang magsimba.

May isang Linggo ng umaga na talagang nahirapan kami. Ayaw niya kaming paalisin, pero hindi kami nagpapigil. Sinipa niya ang basurahan at ibinuhos ang laman nito sa buong sahig na kalilinis lang namin. Tahimik na pinulot ni ate Thelma ang basura nang walang reklamo. Matapos niyang linising muli ang sahig, itinanong niya kung puwede na kaming magsimba. Katatapos lang naming gawin ang lahat ng gawaing-bahay at iba pa, pero ayaw pa rin niya kaming payagan. Sa huli diretsahan niyang itinanong, “Bakit ba mapilit kayong magsimba roon?” Sa gayon ay malakas na nagpatotoo si ate Thelma tungkol sa katotohanan ng ebanghelyo at ng mensahe ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Nang magtapos siya, hindi na tumutol si Itay at pinayagan na kami.

Hindi na kami tinangkang pigilan ni Itay pagkatapos niyon at sa huli, kahit hindi niya gusto, pinayagan na niya kaming sumapi sa Simbahan.

Paglilingkod sa Simula pa Lang

Wala akong problema sa pagsisimba tuwing Linggo, pero hindi ako gaanong masigasig sa pagdalo sa Primary dahil Sabado ng umaga iyon idinaraos noon. Noong 10 taong gulang na ako, umuwi si ate Thelma isang araw ng Sabado at sinabi sa iba kong mga kapatid na may laban ng soccer sa pagitan ng mga deacon at Blazers (11-taong-gulang na mga Scout). Ipinaliwanag niya na minalas akong hindi mapanood ang laro dahil hindi ako dumadalo sa Primary. Hindi na kailangang sabihin na sumama ako nang sumunod na Sabado (suot ang sapatos kong pang-soccer) at hindi ko na ito pinalagpas pang muli.

Noong 16 anyos si ate Thelma, tinawag siya bilang Primary president. Matagal nang naghahanap ang bishop namin ng mag-aasikaso sa maraming hamon na kinakaharap ng organisasyon ng Primary. Malaki ang sakop ng ward, at mahirap at magastos para sa maraming pamilyang may maliliit na anak na sumakay ng bus papuntang simbahan tuwing Sabado para sa Primary at tuwing Linggo. Marami sa mga batang iyon ang hindi dumadalo sa Primary, at wala pang makitang solusyon. Nahikayat ang bishop na tawagan si ate Thelma pero hindi niya ito magawa dahil napakabata pa nito. Patuloy na dumating ang panghihikayat, at matapos mapapayag ang stake president, ibinigay ng bishop ang tungkulin kay ate.

Pinatunayan nito na inspirado ang desisyon, at pinagpala nito ang maraming bata—pati na ako. Ginampanan ni ate Thelma ang kanyang tungkulin sa pamamagitan ng pagsunod sa inspirasyon, gamit ang sentido-komun, at sa pagpapatupad ng mahuhusay na ideya para magkaroon ng mga training program sa pagtuturo ng ebanghelyo sa mga bata. Pinakiusapan niya ang kanyang mga counselor at guro na idaos ang mga Primary meeting sa ilang lugar na mas malapit sa mga bahay nila, at nagbigay siya ng patuloy na training sa mga guro. Dahil sa solusyong ito nakatipid ng oras at pera ang mga miyembro at natanggap ng mga batang dati-rati’y hindi dumadalo sa Primary ang mga pagpapala ng magandang organisasyong ito.

Pagpapakita ng Halimbawa ng Pananampalataya

Thelma and Rafael

Patuloy naming sinunod na magkakapatid si ate Thelma habang lumalaon. Nagdaos kami ng mga family home evening at dumalo sa lahat ng miting namin sa Simbahan. Hindi nagtagal matapos akong maorden na deacon, binalingan ako ni ate Thelma sa isang family home evening at kinilala ako bilang mayhawak ng priesthood sa pamilya. Ang pangyayaring ito ay nagturo sa akin ng mahalagang aral tungkol sa paggalang sa priesthood.

Tiniyak din niya na sapat ang wastong panghihikayat sa akin at marami akong dahilan para dumalo sa aking mga priesthood meeting o gampanan ang aking mga responsibilidad. Halimbawa, ginamit ni ate Thelma ang lahat ng maingay at masiglang paraan para gisingin ako tuwing Linggo ng umaga upang dumalo sa priesthood meeting. Tinuruan din niya akong asamin ang mga pag-unlad ko sa Aaronic Priesthood.

Sa Mutual at seminary okey lang na lagi akong makilala bilang “kapatid ni Thelma.” Ang ilan sa mga kaibigan ko ay suportado ng mga magulang nila sa Simbahan, pero suportado ako ng bishop ko, ng mga lider ng Young Men, at ni ate Thelma.

Patuloy na naging halimbawa sa akin si ate Thelma sa iba’t ibang tungkuling hinawakan niya hanggang sa magmisyon siya. Marangal siyang naglingkod sa Guatemala Quetzaltenango Mission, at kasama sa mga bunga ng kanyang mga pagsisikap ang binyag ng aming ina dalawang araw pagkauwi ni ate Thelma. Napuspos kami ng kagalakan nang isagawa ko, na noon ay isang priest, ang sagradong ordenansang ito. Sa pagsunod sa halimbawa ni ate Thelma, nagsumigasig akong maghandang maglingkod sa misyon.

Pagkatapos ng kanyang misyon, lumipat si ate Thelma sa Estados Unidos para mag-aral sa Brigham Young University, sa kabila ng kakapusan namin sa buhay. Nanatili siyang malakas na impluwensya sa akin kahit malayo siya.

Pag-uwi ko mula sa paglilingkod sa Guatemala Guatemala City Mission, nagpunta rin ako sa Provo, Utah, para mag-aral sa BYU. Nagpapasalamat ako sa kabaitan at suporta ng napakaraming taong tumulong sa akin na makarating doon. Gayunman, kakapusin pa rin ako sa pera.

Pagkarating ko sa Provo, tiningnan namin ni ate Thelma ang sitwasyon ng kabuhayan namin. Nalaman namin na kahit nagtatrabaho ako nang part-time, hindi pa sapat ang pera namin para bayaran ang renta namin para sa buong school year. Hindi nag-alinlangan si ate Thelma kailanman na malalagpasan namin ang pagsubok na iyon. Nagtiwala siya na gagawa ng paraan ang Panginoon. Wala pang isang linggo kalaunan, nakatanggap ng liham si ate Thelma mula sa Spanish department ng BYU. Nang buksan niya ito, bumaling siya sa akin at bumulalas, “Ito! Ito ang paraan para mabayaran natin ang renta mo!” Nalaman niya sa liham na natanggap siya bilang teacher’s assistant, kaya madaragdagan ang kita niya.

Pagharap sa Isang Problema sa Kalusugan

Sa pagdaan ng mga taon, patuloy kong pinagkunan ng inspirasyon si ate Thelma. Mas mahusay siyang tumugon sa kagipitan kaysa sinumang kilala ko. Inaalagaan niya ang mabait na anak niyang may Down syndrome, ang matanda naming ina, at ang asawa niyang malubha ang kalagayan sa kalusugan Gayundin, kung hindi pa sapat ang mga iyon, may sarili pa siyang mga problema sa kalusugan.

Ilang taon pa lang ang nakararaan, inoperahan si ate Thelma sa utak para maibsan ang sakit na dulot ng bukol sa kanyang utak. Dahil sa mga pangangailangan ng kanyang mga mahal sa buhay, nakakatakot ang posibilidad na magkaroon siya ng kumplikasyon. Humiling siya ng tulong at inspirasyon sa panalangin at bumisita sa templo. Sa lahat ng ito, hindi nanghina ang kanyang pananampalataya, ngunit nag-alinlangan siyang ipaubaya ang buhay niya sa mga doktor na magsasagawa ng maselang operasyon. Kinausap ni ate Thelma ang isang mahal na kaibigan sa panahong ito at ipinagtapat ang mga alalahanin niya tungkol sa mga operasyon. Tinanong ng kaibigan ni ate Thelma ang pangalan ng doktor at nang malaman ito, sinabi ng kaibigan ni ate Thelma na miyembro ng ward nila ang doktor. Sinabi niya kay ate Thelma na isa itong matapat na miyembro ng Simbahan at karapat-dapat na maytaglay ng priesthood. Madalas siyang magpatugtog ng mga himno ng Simbahan habang nag-oopera. Bagama’t simpleng impormasyon lang iyon, magiliw na sagot iyon sa mga panalangin ni ate Thelma. Ang buhay at mga espirituwal na karanasan ni ate Thelma ay patuloy kong pinagkunan ng lakas at patotoo sa sarili kong buhay.

Naiisip ko ang mga batang lalaki na maaaring dumaranas ng pagpapalaking katulad ng sa akin. Naiisip ko ang mga tao na walang lalaking matutularan sa tahanan, na makakahanap lamang ng kanlungan sa Simbahan, at ang mga nagsisilaki sa magugulong bansa. Sinasabi ko sa kanila: Huwag kayong susuko; manatiling malapit sa Panginoon at sa Kanyang mga lingkod. Nagpapasalamat ako na naglaan ang Panginoon ng suportang kailangan ko para mahikayat akong isakatuparan ang aking mga mithiin at maging kung sino ako ngayon.