7 Bagay na Kinatatakutan Natin Tungkol sa Pagsisisi
at Bakit Hindi Natin Dapat Katakutan ang mga Ito
Madalas tayong matakot na magsisi. Ngunit maaari tayong makahugot ng lakas-ng-loob sa katotohanan.
Alam nating lahat na bawat tao ay kailangan ng pagsisisi (tingnan sa Mga Taga Roma 3:23). Alam natin na kailangan nating magsisi para mahanap ang tunay na kagalakan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo (tingnan sa Alma 36:24). Alam din natin na ang pagpapaliban sa pagsisisi ay masamang ideya (tingnan sa Alma 34:32–34). Subalit ito mismo ang ginagawa ng marami sa atin. Bakit? Mas alam natin, ’di ba?
Ang isang posibleng sagot ay takot. Kung nakagawa man tayo ng mabigat na kasalanan na kailangan nating ipagtapat sa ating bishop o may mga gawi, pag-uugali, o asal tayo na humahadlang sa atin na maging lubos na tapat sa ebanghelyo ng Panginoon at sa mga pamantayan nito, takot ang maaaring humadlang sa atin upang gawin ang kailangan nating gawin para baguhin ang ating buhay.
Narito ang pitong takot na maaaring maging dahilan upang ipagpaliban natin ang pagsisisi, gayundin ang ilang ideya at turo na makakatulong sa atin na magkaroon ng lakas-ng-loob na gawin ang alam nating magdudulot ng kapayapaan at kaligayahan sa atin.
1. Takot na Mapahiya
Kung sasabihin ko sa bishop ko ang nagawa ko, masyado siyang madidismaya—at mapapahiya ako nang husto. Paano kung kailangan kong sabihin sa mga magulang ko? Paano kung malaman ng iba?
May mas matitindi pang bagay kaysa mapahiya, tulad ng espirituwal na pasanin dahil sa kasalanang hindi napagsisihan at pagkawala ng patnubay sa Espiritu Santo. Anuman ang madama mong kahihiyan sa pagtatapat sa bishop mo ay panandalian lamang at tuluyan na itong mapapawi ng kapanatagan at kagalakan. Mapapatunayan ito ng sinumang nakapagtapat na ng kasalanan sa bishop nila.
2. Takot sa mga Ibubunga
Kung sasabihin ko sa bishop ko ang mga kasalanan ko, maaaring masama ang ibunga nito—hindi puwedeng makibahagi ng sakramento, hindi puwedeng magbasbas o magpasa ng sakramento, hindi puwedeng magmisyon kapag gusto ko. Masyado nitong guguluhin ang buhay ko.
Tandaan na ang mga positibong bunga ng pagsisisi ay mas marami kaysa tila mga negatibong bunga nito. Magtuon sa mabubuting bagay na ipinangako ng Panginoon sa mga nagtatapat at nagsisisi.
3. Takot na Magsikap
Parang napakahirap gawin ng mga pagbabagong kailangan kong gawin. Baka matagalan din ito.
Anumang bagay na makabuluhan ay kailangang pagsikapan. Ang kapatawaran, kapayapaan, at espirituwal na pag-unlad ay kabilang sa mga bagay na makabuluhan.
4. Takot na Masira ang Reputasyon
Isa ako sa “mabubuting bata.” Kung aaminin ko na nakagawa ako ng mga pagkakamali, tapos na ako—hindi na ako “mabuting bata.” Ano na ako? Sino na ako? Mas gugustuhin ko pang kalimutan na lang ito at magpatuloy na para bang walang nagbago.
Kailangan nating buong pagpapakumbabang aminin ang ating kasalanan sa harapan ng Diyos para magawa Niya “ang mahihinang bagay na maging malakas” para sa atin (Eter 12:27). At ang imaheng dapat ninyong sikaping taglayin sa inyong sarili ay yaong tingin sa inyo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo: isang anak ng Diyos na may walang hanggan at banal na potensyal, bagama’t hindi perpekto, sa pamamagitan ng Kanilang tulong.
5. Takot na Mawala ang Iyong Personalidad
Kung susunod ako sa mga pamantayan ng Simbahan, tatalikuran ko ang ilan sa mga bagay na bumubuo sa aking pagkatao, gaya ng mga paborito kong pelikula, palabas sa TV, musika, at mga paraan ng pagpapahayag ng aking sarili. Magiging katulad na lang ako ng iba pang mga Mormon. Mas gugustuhin kong manatiling ganito.
Sa pamamagitan ng pagsisisi, mapapasaiyo ang Banal na Espiritu. At sa pamamagitan ng Espiritu, matutuklasan mo ang mas malalim, mas tapat, at mas mabuting pagkatao. Ibabatay ito sa maaari mong kahinatnan sa paningin ng Diyos sa halip na sa anumang naitayo sa mabubuway na saligan ng mga panlasa, preperensya, gawi, at pagiging kaiba.
6. Takot na Mabigo
Maraming beses ko nang sinikap na magbago pero iyon pa rin ang nagagawa kong mga kamalian. Siguro naibigay na sa akin ang lahat ng pagkakataon. Siguro hindi na ako magbabago kailanman. Kung magsisikap pa akong minsan at mabibigo, hindi ba patunay na iyon?
Hindi madaling magsisi. Hindi ito nilayon na maging madali. Ngunit ito ang inyong landas tungo sa kagalakan, kaya patuloy na gawin ito. Walang hangganan ang taos-pusong pagsisisi (tingnan sa Mosias 26:30). Ibinigay ng Anak ng Diyos ang Kanyang Sarili bilang walang-katapusan at walang-hanggang sakripisyo upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan para mapatawad tayo kung tayo ay sasampalataya at magsisisi (tingnan sa Alma 34:9–16). Naintindihan mo ba iyon? Walang katapusan at walang hanggan. Saklaw ka pa rin ng Kanyang Pagbabayad-sala, dahil wala itong hangganan. Patuloy na magsikap.
Ano kaya kung talagang kaya kong baguhin ang buhay ko? Baka mas malaki ang asahan sa akin. Siguro mas mabuting may kapintasan at maging karaniwan na lang ako para hindi sila umasa na tatanggap ako ng mas maraming responsibilidad.
Ang pagkatakot sa mas matataas na inaasahan o mas maraming responsibilidad ay maaaring magmula sa katamaran o pagkaligalig. Ngunit ang plano ng Ama sa Langit ay paghusay at pag-unlad. Tinanggap ninyo ang planong iyon bago ang buhay na ito; tanggapin ito ngayon sa pamamagitan ng pagiging masigasig at pagsampalataya. Sikaping makita ang uri ng tao na nais ng Ama sa Langit na kahinatnan ninyo at ang uri ng buhay na nais Niyang matamasa ninyo. Kung talagang makikita ninyo ang potensyal ninyong mararating, mahihirapan kayong paniwalaan man lang ito. Sa tulong ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas, abot-kamay ninyo ito.