2017
Ang Ebanghelyo at ang Magandang Buhay
March 2017


Ang Ebanghelyo at ang Magandang Buhay

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “The Good Life,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho, noong Disyembre 18, 2015. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Sa pinakamalulungkot na sitwasyon, kapag parang mali ang mga nangyayari, mahalaga ang pamilya at ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Father and daughters

Maraming mensahe ang nagbibigay-diin sa pagkakamit ng mga pangarap at kinahihiligan. Kinikilala ko ang mga mithiing iyon, ngunit gusto kong pagnilayan ninyo ang isang mas dakilang layunin sa buhay ninyo.

Pasasalamat sa mga Pagpapala

Sa pagsisimula, sana’y pasalamatan ninyo ang inyong mga pagpapala—lalo na ang inyong pamana. Malapit ang kaugnayan ng pasasalamat sa pagpapakumbaba. Nabubuhay tayo sa panahon na sarili lamang ang iniisip ng tao. Ang social media, lalo na, ay madaling gamitin para sa sariling kapakinabangan. Mas mahalaga ngayong maging mapagpasalamat at mapagpakumbaba kaysa rati. Yaong may ganitong mga katangian ay nagpapasalamat para sa kanilang mga pagpapala kapag sinusunod nila ang halimbawa ng Tagapagligtas.

Sinabi ng kaibigan kong Harvard professor na si Roger B. Porter, na matapat na miyembro ng Simbahan, sa isa sa mga pagtatapos sa Harvard noong Mayo 2015 na ang pasasalamat ay “nangangailangan na kilalanin natin ang ating utang-na-loob sa iba,” at “ito kadalasan ay kinapapalooban ng mapagpakumbabang sagot para sa mga kaloob na hindi pinaghirapan o hindi nararapat matanggap.” Pagtatapos niya: “Kung tatanggapin ninyo na mahalagang bahagi ng inyong buhay ang pasasalamat, makakabuti ito sa inyo. Tutulungan kayo nitong labanan ang tuksong maging palalo at makadama na marapat kayo para dito. Tutulungan kayo nitong makita ang mabuti at tanggapin ang positibo. Tutulungan kayo nitong maunawaan ang mga pagsubok sa daan at ang paghihirap na mararanasan ninyo paminsan-minsan. Tutulungan kayo nitong magtuon ng pansin sa mga taong di-gaanong mapalad kumpara sa inyo na mapagpapala ninyo ang buhay.”1

Grandfather and grandson washing dishes

Palagay ko kailangan tayong magpasalamat lalo na para sa ating pamana. Kapag tayo ay nabiyayaan ng mabubuting magulang, dapat tayong magpasalamat. Ito ang utang-na-loob ng bawat isa sa ating pamana. Mababasa sa isang lumang kawikaan ng mga Intsik, “Sa pag-inom mo ng tubig, huwag kalimutan ang balon na pinanggalingan nito.”

Malinaw sa mga banal na kasulatan na dapat nating igalang ang ating mga magulang. Sabi sa Mga Kawikaan, “Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina” (Mga Kawikaan 6:20). Itinuro sa atin sa Mga Taga Efeso na “igalang mo ang iyong ama at ina” (tingnan sa Mga Taga Efeso 6:2–3; tingnan din sa Exodo 20:12). Ganito ang pagkasabi rito ng dakilang German philosopher na si Goethe, “Anumang hiniram na pamana mula sa iyong ama, sikaping matamo itong muli, upang tunay itong maangkin!”2 Malinaw na kailangang pasalamatan natin ang ating mga magulang at gumawa tayo ng mabuti upang makamit ang nais nilang ipagkaloob sa atin.

Mga Walang-Hanggang Alituntunin Laban sa mga Makamundong Pilosopiya

Bukod pa sa paghikayat sa inyo na magpasalamat, gusto kong magbigay ng praktikal na payo na makakatulong sa inyo na maging kapwa maligaya at matagumpay sa pagkakaroon ng makabuluhang buhay, na madalas tukuyin na “magandang buhay.”

Sa isang sanaysay kamakailan, ipinahayag ni Lord Jonathan Sacks, ang dating Chief Rabbi ng United Hebrew Congregations of the British Commonwealth, ang pag-aalala ko tungkol sa pinaliit na papel ng pananampalataya, moralidad, at kahulugan sa makabagong buhay. Sabi niya:

“Kung may isang bagay na hindi ginagawa ng malalaking institusyon ng makabagong daigdig, ito ay ang magbigay ng kahulugan. …

“Dahil sa siyensya, teknolohiya, malayang merkado at … demokratikong estado, walang-katulad ang ating tagumpay sa kaalaman, kalayaan, pag-asang mabuhay at kasaganaan. Kabilang ang mga ito sa pinakamalalaking tagumpay ng sibilisasyon ng tao at kailangang ipagtanggol at itangi.

“Pero hindi nito sinasagot ang tatlong bagay na itatanong ng bawat taong nagmumuni-muni sa kanyang buhay: Sino ako? Bakit ako narito? Paano ako mamumuhay? Ang resulta ay na nag-iwan sa atin ang ika-21 siglo ng napakaraming pagpipilian at kakatiting na kahulugan.”3

Ipinapahayag ng siping ito sa marangyang paraan ang kahulugan ng aking mensahe. Labis akong nag-aalala na ang magandang buhay na batay sa buhay at mga turo ni Jesucristo ay pumapangalawa na lamang ngayon sa pagtingin ng mundo sa magandang buhay.

Para sa atin na mga miyembro ng Simbahan, ang ebanghelyo ni Jesucristo at ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala ang pundasyon ng lahat ng mahalaga, at nagbibigay rin ito ng kahulugan sa buhay na ito. Binigyang-inspirasyon ng Tagapagligtas ang mga paniniwala at itinalagang mga pamantayan ng pag-uugali tungkol sa kung ano ang moral, matwid, at kanais-nais at nauuwi iyan sa magandang buhay. Gayunman, ang mga alituntunin at moralidad na itinuro ng Tagapagligtas ay labis na tinutuligsa sa mundo ngayon. Ang Kristiyanismo mismo ay tinutuligsa.

Ang konseptong ito ay hindi na bago. Ang resipe para sa magandang buhay ay pinagtalunan na sa loob ng maraming siglo. Noong nasa Athens si Apostol Pablo, nakaharap niya ang “mga pilosopong Epicureo, at Estoico” (Mga Gawa 17:18). Ang mga Estoico ay naniniwalang ang pinakamainam sa lahat ay kabanalan, at ang mga Epicureo ay naniniwalang ang pinakamainam ay kasiyahan. Maraming Estoico ang naging mapagmataas at ginamit ang kanilang pilosopiya bilang “paraan upang mapagtakpan ang … ambisyon at kasamaan.” Maraming Epicureo ang nahilig sa kasiyahan at layaw ng katawan at ang sawikain nila ay, “Magsikain at magsiinom tayo yamang bukas tayo’y mangamamatay.”4 Marami sa unibersidad ang nagtuturo na ang adhikain ni Aristotle na matalinong pag-iisip ang gabay sa magandang buhay. Kapansin-pansin na marami sa ganito ring makamundong mga pilosopiya na salungat sa naunang Kristiyanismo ang naroon pa rin pero medyo naiiba ang mga anyo ngayon.

Bukod pa rito, maraming bagong pilosopiya na tuwirang salungat sa ebanghelyo ni Jesucristo. Mabilis itong nangyari. Gamit ang pananalita sa Aklat ni Mormon, “sa loob ng ilang taon lamang” (Helaman 7:6), karamihan sa mundo ay tinatawag ngayon ang “masama na mabuti, at [ang] mabuti na masama” (2 Nephi 15:20). Katunayan, makikita sa dalawang pariralang ito sa banal na kasulatan kung ano ang nangyayari sa ating panahon. Ang itinuturing na moral ay matuling nagbago. Nagkaroon ng pambihirang paglayo sa moral na pag-uugali bilang batayan ng magandang buhay. Hinahamak ng ilan ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kathang-isip na sa Kristiyanismo, hindi ka liligaya sa buhay na ito kundi sa langit lamang.5 Tinitiyak ko sa inyo na ang pagsunod sa Tagapagligtas ay nagdudulot ng kaligayahan sa buhay na ito at sa langit.

Mga Katangiang Nakasulat sa Eulogy Laban sa mga Katangiang Nakasulat sa Résumé

Family scripture study

Ang ilang hamon ay hindi lamang tungkol sa mabuti at masama. Pinapipili tayo ng ilan batay sa kung ano ang pinakamabuti, hindi sa kung ano lamang ang mabuti.6

Binuo ni David Brooks, sa isang editoryal na pinamagatang “The Moral Bucket List,” ang konsepto na may “dalawang grupo ng mga katangian, ang mga katangiang nakasulat sa résumé at ang mga katangiang nakasulat sa eulogy. Ang mga katangiang nakasulat sa résumé ay ang mga kasanayang kailangan ninyo para makapagtrabaho. Ang mga katangiang nakasulat sa eulogy ay ang mga pinag-uusapan sa burol ninyo tungkol sa inyo.”7 Tama ang sinabi ni Brooks na ang mga katangiang nakasulat sa eulogy ay mas mahalaga. Personal ang kabuluhan nito sa akin dahil may naranasan ako noong mid-20s ko na nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Tungkol ito sa mga burol ng dalawang butihing lalaki na ilang araw lang ang pagitan. Totoo ang kuwentong ito, pero binago ko ang mga pangalan at sinadya kong palabuin ang ilang pangyayari.

Noon ay 25 anyos ako, nagtapos sa Stanford Law School, at kasisimula ko pa lang magtrabaho sa isang law firm. Nakatrabaho ko ang mga edukadong tao na nagpayaman sa mga materyal na ari-arian. Mababait sila at karaniwa’y mapagbigay at kaakit-akit na mga tao.

Ang mga miyembro ng Simbahan na nakaugnayan ko ay mas magkakaiba. Karamihan sa kanila ay kakaunti ang materyal na pag-aari. Mababait silang tao, at karamihan ay may kabuluhan sa buhay. Sa panahong ito pumanaw ang dalawang nakatatanda at retiradong lalaking maraming taon ko nang kilala. Ilang araw lang ang pagitan ng kanilang burol, at pareho kong pinuntahan ang burol nila. Nagpasiya akong tawagin ang isa na si Mayaman at ang isa naman ay si Matapat. Tandang-tanda ko pa ang dalawang burol na iyon dahil nilinaw nito ang kahalagahan ng mga pagpapasiya ng lahat ng taong nauna sa kanila, lalo na ang mga kabataan. Ipinamamalas din nito ang pagiging kumplikado ng pagkakaiba ng mga katangiang nakasulat sa résumé at ang mga katangiang nakasulat sa eulogy.

Si Mayaman at si Matapat ay parehong nagmisyon noong binata sila. Ayon sa sabi-sabi, kapwa sila naging matapat na missionary. Nang makatapos sila sa kolehiyo, nagsimulang magkaiba ang buhay nila. Nakasal si Mayaman sa isang magandang babae na sa paglipas ng panahon ay naging di-gaanong aktibo sa Simbahan. Nakasal si Matapat sa isa ring magandang babae na naging lubos na aktibo sa Simbahan. Higit pa sa anumang dahilan, ang desisyong ito ang naging pundasyon ng natitira pang mga desisyon sa buhay nila. Sa aking karanasan, kapag nanatiling tunay at tapat ang mga mag-asawa sa Tagapagligtas at sa walang-hanggang kahalagahan ng pamilya, halos palaging naiingatan ang mga katangiang nakasulat sa eulogy.

Ikukuwento ko ang iba pa tungkol kay Mayaman. Mahusay siyang makitungo sa mga tao at matindi ang malasakit niya sa kanila. Nagsimula siyang magtrabaho sa isang malaking korporasyon sa U.S. at sa huli ay naging presidente ng kumpanyang iyon. Malaki ang kita niya at nakatira siya sa isang malaki at magandang bahay na nakatayo sa maluwang na bakuran. Kaya ko ipinasiya na tawagin siyang Mayaman. Tama lang sabihin na hindi lang maganda o mas maganda ang propesyong pinili niya kundi pinakamaganda.

Gayunman, ang mga pagpapasiya niya tungkol sa kanyang pamilya at sa Simbahan ay di-gaanong maganda. Isa siyang mabuting tao at hindi gumawa ng mga pagpapasiya na masasabing masama, pero ang mga pagpapasiya at impluwensya niya sa kanyang mga anak ay nakatuon lamang halos sa pag-aaral at pagtatrabaho, na siyang mga katangiang nakasulat sa résumé na lubhang pinahahalagahan sa trabaho. Maganda rin ang mga propesyon ng kanyang mga anak. Gayunman, hindi sila nanatiling aktibo sa Simbahan, at nakasal sila sa mga dalagang hindi miyembro. Hindi ko alam ang lahat ng nangyari sa mga anak niya, pero sa bawat sitwasyon ay nagwakas sa diborsyo ang dalawang mag-asawang ito.

Si Mayaman at ang kanyang asawa ay naging di-gaanong aktibo rin. Kabahagi sila ng mga kapuna-punang aktibidad sa lipunan at komunidad. Itinuring niya palagi ang kanyang sarili na LDS at ipinagmalaki niya ang kanyang misyon, pero hindi siya nagsisimba. Paminsan-minsan, nag-aambag siya sa pagtatayo ng mga gusali ng Simbahan at tumutulong sa mga miyembrong LDS sa kanilang propesyon. Bukod pa rito, isa siyang impluwensya sa katapatan, integridad, at kabutihang-loob sa lahat ng katungkulang hinawakan niya.

Idinaos ang burol niya sa isang kapilya sa sementeryo na ginagamit ng lahat ng relihiyon. Maraming nangungunang executive at opisyal ang dumalo sa burol, pati na ang gobernador ng estado kung saan siya nakatira. Maliban sa amin ng kanyang mga anak at apo, lahat ng dumalo ay mahigit 50 na ang edad. Sa kabuuan, malungkot ang burol na iyon. Hindi itinuro ang mga pangunahing alituntunin ng plano ng kaligayahan, at kakaunti ang sinabi tungkol kay Jesucristo. Ang buhay ni Mayaman ay batay lamang halos sa mga katangiang nakasulat sa résumé.

Ang mga desisyon ni Matapat sa trabaho ay di-gaanong matagumpay. Hindi nagtagumpay ang una niyang sariling maliit na negosyo dahil nasunog ito at nawala sa kanya ang lahat. Kalaunan ay bumuo siya ng isang maliit na negosyo pero halos hindi niya makayang bayaran ang kanyang mga bayarin. Nagkaroon siya ng maliit na bahay na sapat-sapat lang. Masaya siya sa trabaho niya at sa pakikisalamuha sa mga tao. Maganda ang kanyang propesyon at tiyak na kasiya-siya pero hindi ito kilala o matatawag na pinakamaganda. Hindi iyon isang propesyon na nakabatay sa mga katangiang nakasulat sa résumé.

Ang mga desisyon niya tungkol sa kanyang pamilya at sa Simbahan, sa kabilang dako, ay talagang pinakamaganda. Silang mag-asawa ay lubos na aktibo sa Simbahan. Naglingkod siya kung saan siya tinawag, kadalasa’y bilang guro, dumalo sa templo nang madalas, at naging matapat na maytaglay ng priesthood. Kahanga-hanga ang mga pakikipag-ugnayan niya, lalo na sa kanyang malaking pamilya at maraming apo. Lahat sila ay edukado, pero ang unang pinagtuunan niya sa kanila ay ang pamumuhay na katulad ni Cristo. Nang magretiro siya, magkasama silang nagmisyon ng kanyang asawa. Bagama’t naharap siya sa mga pagsubok, kabilang na ang pagkamatay ng isang anak na lalaki noong World War II, nasiyahan at nagalak siya sa buong buhay niya dahil sa layunin at kabuluhang inilaan ng kanyang pamilya at ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Maraming dumalo sa burol niya sa ward meetinghouse at masaya iyon. Dumalo ang mga tao na iba’t iba ang edad, kabilang na ang maraming apo at kabataang pinaglingkuran niya. Itinuro ang plano ng kaligayahan, at ang Tagapagligtas ang nasa sentro ng paglilingkod. Dapat tularan ang burol na iyon ng isang Banal sa mga Huling Araw. Ang mga mensahe ay tungkol sa kanyang pagkatao, kabaitan, pag-aalala para sa iba, at pananampalataya at pagmamahal sa Panginoong Jesucristo.

Mga Pagpapasiya at ang Magandang Buhay

Family at the temple

Nabanggit ko na ang dalawang burol na ito ay nangyari sa isang mahalagang panahon para sa akin. Naglingkod ako sa mission, at minahal ko ang Simbahan. Nagsisimula pa lang ako sa aking propesyon at napapahanga ako sa mga taong nagtatagumpay sa kabuhayan at sa trabaho. Natanto ko na ang aking mga pagpili ang magdudulot sa akin ng kaligayahan sa buhay na ito at magpapasiya sa pamanang iiwanan ko. Natanto ko rin ang walang-hanggang kahalagahan ng mga pagpapasiya ng mga nauna sa akin. Naging malinaw sa akin na ang pagpapasiya ay may walang-hanggang kahalagahan. Ang pinakamahalaga sa akin tungkol sa buhay na kalalarawan ko ay na natanto ko na ang pinakamahahalagang pagpapasiya ay magagawa ng lahat, anuman ang kanilang mga talento, kakayahan, oportunidad, o kabuhayan. Natanto ko na para sa akin, sa aking magiging mga anak, at sa lahat na magkakaroon ako ng pagkakataong impluwensyahan, mahalagang unahin ang Tagapagligtas, ang aking pamilya, at ang Simbahan. Sa paggawa nito, gaganda ang buhay.

Sa pinakamalungkot na sitwasyon, kapag parang mali ang mga nangyayari, mahalaga ang pamilya at ang ebanghelyo ni Jesucristo. Isipin si Amang Lehi sa Aklat ni Mormon, kung saan inilarawan kung paano siya “lumisan patungo sa ilang. At iniwan niya ang kanyang tahanan, at ang lupaing kanyang mana, at ang kanyang ginto, at ang kanyang pilak, at ang kanyang mahahalagang bagay, at wala siyang dinala maliban sa kanyang mag-anak” (1 Nephi 2:4).

Ang hamon sa henerasyong ito ay protektahan ang kanilang pananampalataya at pamilya. Ginunita ng isang researcher ang sinaunang India at Greece at sinabi na bawat populasyon sa kasaysayan na walang relihiyon ay bumagsak ang demograpiya.8 Itinampok sa news media kamakailan ang bumababang bilang ng mga isinisilang sa halos buong mundo ngayon. Ipinahayag ng Wall Street Journal sa isang artikulo sa harapang pahina ang, “The World’s New Population Time Bomb: Too Few People.” Ipinahayag sa artikulong ito na noong 2016, “sa unang pagkakataon simula noong 1950, … bababa ang pinagsama-samang populasyon na nagtatrabaho.”9

Malinaw na magkaugnay ang kawalan ng pananampalataya at ang pagbaba ng populasyon. Ang walang-hanggang plano ng Ama para sa Kanyang mga anak ay nakasalalay kapwa sa pananampalataya at sa mga pamilya. Nagpapasalamat ako na ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa sunud-sunod na survey, ay nananatiling sumasampalataya sa Panginoong Jesucristo at patuloy na nag-aasawa at nagkakaanak.

Ang ilan ay maaaring walang pagkakataong makapag-asawa o magkaanak. Ngunit ang mga taong sumusunod nang matwid sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga utos—at naglilingkod sa mga anak ng ating Ama nang hindi iniisip ang sarili—“ay tatanggapin ang lahat ng ipinangakong pagpapala sa mga kawalang-hanggan.”10

Kapag naharap tayo sa mga paghihirap at pagsubok sa buhay, maraming pangyayaring nagaganap na di-gaano o ni hindi natin makontrol. Ngunit pagdating sa alituntunin, pag-uugali, pagsamba ayon sa relihiyon, at matwid na pamumuhay, tayo ang may kontrol. Ang ating pananampalataya at pagsamba sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo ay isang pagpapasiyang tayo ang gumagawa.

Ipinahayag ito ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, nang banggitin niya ang sinabi ni William Law, isang English clergyman noong ika-18 siglo, sa napakalinaw na paraan: “Kung hindi pa ninyo inuuna ang kaharian ng Diyos, wala nang kaibhan sa huli ang napili ninyong unahin.”11

Father working at computer

PAGLALARAWAN NI Paul Conrath/The Image Bank/Getty Images

Unawain sana ninyo na sa pagbigkas ng mga totoong kuwento ng mga lalaking tinawag kong sina Mayaman at Matapat, hindi ako naghihikayat na huwag kayong gaanong maging interesado sa mga mithiing nauugnay sa pag-aaral o trabaho. Ang totoo, dapat nating gawin ang lahat para isulong ang mga nagawa natin sa dalawang aspetong ito. Ang sinasabi ko ay na kapag inuna natin ang mga mithiing nauugnay sa pag-aaral at trabaho kaysa sa pamilya at sa Simbahan at sa patotoo tungkol sa Tagapagligtas, maaaring lubhang makasama ang di-sadyang mga bunga ng labis na pagbibigay-diin sa mga katangiang nakasulat sa résumé.

Tiwala ako na makakamtan ninyo ang kagalakan at kaligayahang hangad ninyo at hangad ng Diyos para sa inyo kung kayo ay:

  • Nagpapasalamat para sa inyong mga pagpapala—lalo na sa inyong pamana.

  • Tapat sa walang-hanggang mga alituntuning magdudulot ng kahulugan sa inyong buhay.

  • Determinadong panaigin ang mga katangiang nakasulat sa inyong eulogy kaysa mga katangiang nakasulat sa inyong résumé.

  • Handang mag-ulat sa Tagapagligtas na naging maganda ang buhay ninyo.

Ang pinakamahalagang pulong na dadaluhan natin sa kabilang panig ng tabing ay kasama ang Tagapagligtas, “ang tanod ng pasukan” (2 Nephi 9:41). Sinuman ang ating mga ninuno at mayaman man tayo o mahirap, mag-uulat tayo tungkol sa pagsunod natin sa mga kautusang ibinigay sa atin. Dapat tayong mamuhay sa paraan na tayo ay maaaring “magsipasok … sa kaniyang mga pintuang-daan na may pasasalamat, at sa kaniyang looban na may papuri: mangagpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang kaniyang pangalan” (Awit 100:4).

Nanaisin nating iulat nang may galak na naging maganda ang ating buhay.

Mga Tala

  1. Roger B. Porter, mensahe sa pagtatapos, Dunster Bahay, Harvard University, Mayo 28, 2015.

  2. Johann Wolfgang von Goethe, Faust, trans. Bayard Taylor (1912), 1:28.

  3. Jonathan Sacks, “How to Defeat Religious Violence,” Wall Street Journal, Okt. 2, 2015, C2; tingnan din sa Jonathan Sacks, Not in God’s Name: Confronting Religious Violence (2015), 13.

  4. Tingnan sa Frederic W. Farrar, The Life and Work of St. Paul (1895), 304.

  5. Tingnan sa Carl Cederstrom, “The Dangers of Happiness,” New York Times, Hulyo 18, 2015, 8.

  6. Tingnan sa Dallin H. Oaks, “Maganda, Mas Maganda, Pinakamaganda,” Liahona, Nob. 2007, 104–08.

  7. David Brooks, “Moral Bucket List,” New York Times, Abr. 11, 2015, SR1, nytimes.com; tingnan din sa David Brooks, The Road to Character (2015), xi.

  8. Tingnan sa Michael Blume, sa David Brooks, “Peace within the Texts,” New York Times, Nob. 17, 2015, A23, nytimes.com.

  9. Greg Ip, “The World’s New Population Time Bomb: Too Few People,” Wall Street Journal, Nob. 24, 2015, 1.

  10. Handbook 2: Administering the Church (2010), 1.3.3.

  11. Neal A. Maxwell, “Response to a Call,” Ensign, Mayo 1974, 112; tingnan din sa William Law, in The Quotable Lewis, inedit nina Wayne Martindale at Jerry Root (1989), 172.