2017
Alanganing Maging Matapat, Pinagpala nang Sagana
March 2017


Mula sa Misyon

Alanganing Maging Matapat, Pinagpala nang Sagana

Ang awtor ay naninirahan sa Guerrero, Mexico.

Bilang missionary sa Mexico, may naranasan ako na nakatulong para makita ko ang “magagandang bunga” na maaaring dumating kapag kumilos tayo ayon sa ating pananampalataya.

Missionaries meeting woman

Isang aktibidad ng mga missionary ang naiplano sa stake kung saan ako naglilingkod. Magbibigay kami ng kompanyon ko ng maikling paliwanag tungkol sa isang alituntunin ng ebanghelyo sa mga investigator na dadalo. Gayunman, pagdating namin sa meetinghouse, natuklasan namin na halos walang dumating na mga investigator. Sa halip na ituro ang alituntunin tulad ng aming orihinal na plano, pinalabas kami sa kalye at pinaimbitahan sa amin ang mga taong dumaraan na dumalo at makibahagi sa aktibidad.

Sa totoo lang, hindi ko maiwasang isipin na, “Hindi ito uubra.” Nadama ko na mawawalan ng saysay ang mga pagsisikap namin—na walang tatanggap sa imbitasyon naming dumalo sa aktibidad, lalo na sa gayon kaikling abiso.

Ngunit naunawaan namin ang kahalagahan ng pagsunod, kaya sinikap namin ng kompanyon ko na imbitahang pumasok ang mga tao. Maya-maya pa, dumaan ang isang babae at ang kanyang anak na babae at kasintahan nito. Inimbitahan namin silang pumasok. Sa una ay nag-atubili sila, pero sa huli’y tinanggap din nila ang paanyaya at nakihalubilo sa grupong nasa loob. Nagulat ako pero masayang-masaya ako.

Nagsimula ang aktibidad: isang musical presentation na nakasentro sa ebanghelyo. Tumagal ang aktibidad nang mahigit isang oras. Nag-alala ako na baka nagalit ang mga panauhin namin dahil tumagal nang husto ang aktibidad, pero taimtim kong ipinagdasal na maging maayos ang lahat.

Nang matapos ang aktibidad, kinausap ko sila para humingi ng paumanhin dahil natagalan kami. Bago pa ako nakapagsalita sa kanila, sinabi ng babae, “Salamat. Maraming salamat. Napakaganda. Salamat.”

Nagulat ako; nagpapasalamat sila sa naranasan nila, at hindi sila nag-alala sa oras. Kagila-gilalas, at masayang-masaya ako. (At isipin na lang na sinabi ko pa na hindi uubra ang pag-imbita sa mga tao sa kalye!) Gusto pang malaman ng babae ang tungkol sa Simbahan at dumalo sa mga miting namin sa araw ng Linggo.

Malaki ang natutuhan ko sa karanasang ito: ang kaunting pagsampalataya, kahit naisin lang na maniwala, ay maaaring magdulot ng maraming bunga (tingnan sa Alma 32:27–28).

Binago ng karanasang ito ang pag-uugali ko sa buong misyon ko. Mula noon, sa bawat aktibidad ng mga missionary, nakikita ko ang mga bunga ng aking pagpapagod kapag humayo ako nang may pag-asa at pananampalataya.

Kung mananampalataya tayo, kahit iniisip natin na hindi ito mangyayari, magtatamo tayo ng masasarap na bunga. Ang nakikita nating imposible ay hindi imposible sa Diyos.