ANG MISMONG Inireseta ng Doktor
Ang pagsisisi ay isang reseta, hindi isang parusa.
Ayaw kong pumupunta sa doktor. Ayaw ko ng nahihirapan, ng naghihintay, ng iniksyon, ng mga utos na “relaks ka lang.” Noong bata pa ako, naisip ko na malupit ang mga nars at doktor na ang akala ay tusukan ako ng karayom, pero nang lumaki na ako nalaman ko na hindi sila masama; tumutulong sila. At halos palaging gumaganda ang pakiramdam ko matapos akong makipagkita sa kanila. Gaano man ako kainip sa waiting room, gaano man ako kalakas sumigaw kapag iniiniksyunan ako, o gaano man ako kalungkot kapag sinabihan ako ng doktor na kailangan kong magpahinga, sa huli, palaging sulit ito.
Kung minsan ang pagsisisi ay medyo parang pakikipagkita sa doktor.
Kagalakan o Sakit?
Sa halip na matakot kapag naisip ninyo ang nakakasukang lasa ng gamot o ang turok ng karayom, natatakot ba kayo nang kaunti kapag naririnig ninyo ang mga katagang “giniyagis ng walang hanggang parusa,” “pinarusahan ng mga pasakit ng impiyerno,” at “kasukdulan ng kapaitan”? (tingnan sa Alma 36:12–18). Ganyan inilarawan ni Alma ang simula ng kanyang pagsisisi, hindi ba?
Matapos magpakita ang anghel kay Alma at sa mga anak ni Mosias, naalala ni Alma ang lahat ng kanyang kasalanan at nakita kung paano siya naghimagsik laban sa Diyos. Napakamiserable ng buhay niya kaya ninais niyang “mawasak kapwa kaluluwa at katawan” (Alma 36:15). Aray. Parang mga halik tuloy ng walang-malay na sanggol ang masasakit na pagturok ng iniksyon ng doktor. Kaya bakit magpapagal si Alma “nang walang tigil, upang makapagdala [siya] ng mga kaluluwa tungo sa pagsisisi”? (Alma 36:24). Bakit niya nanaising maranasan ng ibang tao ang isang bagay na naging napakasakit sa kanya?
Siguro’y dahil sa sumunod na nangyari.
Naalala niya ang Kanyang Tagapagligtas na si Jesucristo.
“Nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako. …
“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.
“At o, anong galak, at anong kagila-gilalas na liwanag ang namasdan ko; oo, ang kaluluwa ko’y napuspos ng kagalakan na kasingsidhi ng aking pasakit!” (Alma 36:18–20; idinagdag ang pagbibigay-diin). Nalaman ni Alma na bagama’t mahirap at masakit pang tanggapin ang ating mga kasalanan, ang galak na madarama natin pagkatapos ay sulit. Ang galak na nadama niya ay mas masidhi at matamis kaysa anumang nadama niya bago iyon (tingnan sa Alma 36:21).
Walang Dapat Ikatakot
Kung natatakot ang mga tao kapag naiisip ang pagsisisi, siguro ay dahil nakatuon sila sa masakit na bahagi nito. Kadalasan ang pagsisisi ay nangangailangan ng oras at kung minsan ay kailangang magpakumbaba at magsikap nang husto para maitama ang maling nagawa, ngunit tulad ng itinuro ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan. Ito ang landas na puno ng pag-asa tungo sa mas maluwalhating kinabukasan.”1 Tinatawag ito ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na, “ang matamis na pagpapala ng pagsisisi.”2 Sa madaling salita, walang dahilan para katakutan o iwasan ang anumang aspeto ng pagsisisi. Gaano man kahirap tanggapin at ituwid ang ating mga kasalanan, laging nariyan ang kapangyarihang magpagaling ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala para makaraos tayo, at ang kagalakang nadarama natin ay lubusang daraig at gagapi sa anumang sakit, kahihiyan, o kalungkutan na maaaring nadama natin noon.
Para sa Inyong Ikabubuti
Alam ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng mga katagang Primum non nocere? Kung doktor kayo, malamang ay alam ninyo ito. Ang Primum non nocere ay salitang Latin para sa “huwag munang manakit.” Ito ay isang alituntuning gumagabay sa lahat ng medical practitioner, isang pangakong ginagawa nila. Hindi niyan ibig sabihin na nangangako silang hindi kailanman mananakit, kundi sa halip lahat ng ginagawa nila ay palaging para sa ikabubuti ng pasyente nila.
Palagay ba ninyo gumagawa ng mga pangakong kagaya niyan ang Diyos at si Jesucristo? Siyempre! Tingnan na lang ninyo sa Isaias 1:18; Isaias 41:13; Mga Taga Roma 8:28; at 3 Nephi 13:14. (Seryoso, basahin ninyo ang mga ito. At ilan lamang iyan sa mga ito!) Ang kaibhan ay, maaaring magkamali ang mga tao kung minsan. Ngunit si Jesucristo at ang Ama sa Langit ay perpekto, kaya talagang makatitiyak kayo na lahat ng ipinagagawa Nila sa inyo ay para sa ikabubuti ninyo. Palagi. Kaya kapag sinabi ng Diyos na magsisi kayo, iyon ay dahil alam Niya na pagpapalain nito ang inyong buhay. Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan. Ito ay pagpapagaling, pagtatagumpay laban sa kahinaan, paghubad sa likas na tao, at pagtalikod sa kasalanan upang bumaling sa Diyos.
“Tanggapin ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ang pagsisisi nang maluwag sa kalooban at iangkop sa inyong buhay araw-araw batay sa utos ng Dakilang Manggagamot,” sabi ni Elder Jörg Klebingat ng Pitumpu. “Ugaliin ang patuloy, masaya, nakagagalak na pagsisisi at gawin itong uri ng pamumuhay na pinili ninyo.”3
Kapag ang Dakilang Manggagamot, na si Jesucristo, ay nagreseta sa inyo ng pagsisisi, huwag hayaang maging hadlang ang inyong takot na masaktan o mapahiya. Magtiwala sa Kanyang mga pangako na kahit maaari kayong masaktan sandali, buong awa Niya kayong titipunin (tingnan sa 3 Nephi 22:7), at tulad ni Alma, labis kayong mapupuspos ng galak na tulad ng sakit na nadama ninyo (tingnan sa Alma 36:19–20).