2017
Ang Kapangyarihan ng Pagtuturo ng Doktrina
March 2017


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang Kapangyarihan ng Pagtuturo ng Doktrina

Paano natin mapag-iibayo ang ating kakayahang ituro ang doktrina nang may kapangyarihan at awtoridad?

Woman in classroom

Bilang bagong mission president, dumating ako sa aming assigned mission na may malaking pag-asam sa mga missionary meeting na puspos ng Espiritu gaya ng naalala ko noong missionary ako. Ngunit nang makumpleto ang unang round ng aming mga zone conference, nadismaya ako. Hindi naging sagana ang Espiritu na katulad ng inasam-asam ko, at parang hindi interesado ang ilang missionary.

Nang pagbulayan at ipagdasal naming mag-asawa kung paano mas maaanyayahan ang espiritu sa buhay namin at ng mga missionary, nabigyan kami ng inspirasyon na ituon ang pagtuturo namin sa doktrina ni Cristo at kapangyarihan nitong baguhin tayo. Nang sundin namin ang planong ito sa sumunod na mga buwan, may ilang missionary na lumapit sa akin na nagsisisi sa mga ginawa nila noong araw at nagpapahayag ng hangaring maging mas masigasig sa pagsunod sa mga patakaran ng misyon at sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Ano ang Naging Sanhi ng Pagbabagong Ito?

Madalas ituro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na magpapabuti ng pag-uugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali.”1 Alam ko na ito noon pa man, pero kasunod ng karanasang ito sa aking mga missionary, nagkaroon ako ng higit na pagpapahalaga sa kapangyarihan at bisa ng salita ng Diyos na baguhin ang mga puso (tingnan sa Alma 31:5). Habang lumalaon ang aming misyon at patuloy kaming nakatuon sa pagtuturo ng doktrina, nagbago ang kanilang puso at gayon din ang sa amin. Dahil naunawaan namin ang doktrina, naunawaan namin “kung bakit” tayo sumusunod, hindi lamang “kung ano” ang iniuutos at “kung paano” tayo susunod.

Bakit Lubhang Makapangyarihan ang Pagtuturo ng Doktrina?

Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na “ang salita ng Diyos ang doktrinang itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga propeta.”2 Ang tunay na doktrina ay nakasentro kay Cristo. Ang Kanyang doktrina, kapag itinuro at tinanggap sa pamamagitan ng Espiritu, ay laging magpapaibayo ng pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa Alma 32:28–43; Moroni 7:25, 31–32).3 Pananampalataya “ang naggaganyak sa lahat ng pagkilos” o pag-uugali.4 Kapag inihayag sa atin ang Ama at Anak sa pamamagitan ng mga salitang puspos ng Espiritu, lumalago ang ating pananampalataya, nag-iibayo ang ating hangaring magsisi at sumunod, at nagbabago tayo.

Ang kapangyarihang baguhin ang mga puso ay wala sa guro, kundi nasa “bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5). Ang mga letra sa isang pahina o mga tunog na nagmumula sa isang bibig ay walang likas na kapangyarihang baguhin ang mga puso, ngunit kapag ang mga tunay na salita ay puspos ng Banal na Espiritu ng Diyos, maaaring maging sanhi iyon ng malaking pagbabago ng puso (tingnan sa I Mga Taga Corinto 2:4; I Mga Taga Tesalonica 1:5; Mosias 5:2; Alma 5:7; D at T 68:4). Kapag itinuro natin ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Espiritu, inihahatid ng Espiritu Santo ang liwanag at katotohanan sa puso ng mag-aaral (tingnan sa Juan 6:63; 2 Nephi 33:1; D at T 84:45). Kapag binuksan ng mga mag-aaral ang kanilang puso para tanggapin ang salita, pinaliliwanag ng Espiritu ang kanilang isipan at binabago ang kanilang puso—ang kanilang mga layon at pag-uugali.

Ang Aklat ni Mormon ay isang malakas na patotoo na “ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali.” Narito ang ilang halimbawa.

  • Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang mga salitang natanggap niya mula sa isang anghel, at naghatid ang Espiritu ng malaking pagbabago sa kanilang puso kaya sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2).

  • Tulad ng itinuro ni Nakatatandang Alma sa mga tao, “ang kanilang mga kaluluwa ay naliwanagan sa pamamagitan ng liwanag ng walang hanggang salita,” at sila ay nangaligtas (Alma 5:7; tingnan din sa talata 9).

  • Ang mga anak ni Mosias, “dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita” (Alma 26:13), ay tumulong na isakatuparan ang lubos na pagbabago ng puso ng libu-libong Lamanita (tingnan sa Alma 17:14–17; 53:10).

Paano Tayo Magpapakabuti?

May mga bagay na magagawa nating lahat upang mag-ibayo ang kakayahan nating ituro ang doktrina nang may kapangyarihan at awtoridad (tingnan sa Alma 17:3; Helaman 5:18). Hindi tayo kailangang magkamit ng doctorate degree sa pagtuturo o sa pag-aaral ng relihiyon, ngunit kailangan nating magsikap. Ang sumusunod na mga ideya ay maaaring makatulong sa paghahangad ninyong anyayahan ang kapangyarihan ng doktrina sa inyong pagtuturo.

  1. Pahalagahan ang salita at mamuhay ayon dito. Para maituro ang doktrina nang may kapangyarihan at awtoridad, kailangan nating malaman ang doktrina. Sinabi ng Tagapagligtas kina Joseph at Hyrum Smith na bago nila hangaring ipahayag ang Kanyang salita, hangarin muna nilang matamo ito. Pagkatapos ay mapapasakanila ang Kanyang Espiritu at Kanyang salita, “ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (D at T 11:21). Ang ganitong klase ng pag-unawa “ay nangangailangan ng higit pa sa kaswal na pagbabasa,” ayon sa turo ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95). Kailangan dito ang araw-araw at purong pag-aaral.5

    Hindi sapat ang mag-aral lang. Kung nais nating malaman ang doktrina, kailangan din natin itong ipamuhay (tingnan sa Juan 7:17; Alma 12:9). Masigasig na pag-aaral at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta ang paraan upang ang kapangyarihan ng Kanyang salita ay “mapasaatin” (Alma 26:13; tingnan din sa Alma 17:2–3; 32:42).

  2. Ituro ang doktrina. Kailangan tayong mag-ingat na totoong doktrina lamang ang ating ituturo. Ang Espiritu Santo “ang Espiritu ng katotohanan” (Juan 15:26). Madarama ng mga mag-aaral ang Kanyang pagpapatibay kapag ipinahayag natin na “walang ibang bagay maliban sa mga propeta at apostol” (D at T 52:36) at iniwasan natin ang haka-haka at personal na interpretasyon. Isa sa pinakamaiinam na paraan para maiwasan kahit ang muntikang pagtuturo ng maling doktrina ay panatilihing simple ang ating pagtuturo (tingnan sa Mosias 25:22; 3 Nephi 11:39–40). Bukod pa rito, dapat nating iugnay ang mga puna at karanasang ibinabahagi ng mga miyembro ng klase sa mga doktrinang pinag-aaralan natin.

  3. Magturo sa pamamagitan ng Espiritu. Kailangan nating tandaan na ang pagtuturo ay hindi kailanman tungkol sa atin. Kailangan nating ituon ang ating mga mata sa Diyos. Hindi tayo naroon para libangin sila o para isipin nila na eksperto tayo sa ebanghelyo. Sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na kapareho niya silang “may kahinaan, at may katakutan, at may lubhang panginginig” (I Mga Taga Corinto 2:3; tingnan din sa talata 4). Mukhang hindi naman pinraktis at kinabisa ni Pablo ang inilahad niya.

    Kung magiging kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos para baguhin ang puso, huwag tayong humadlang at hayaan nating ang Espiritu Santo ang magturo ng katotohanan. Sa paghahanda ninyong magturo, alalahanin na ang magiging pinakamahalaga sa klase ninyo ay ang presensya ng Espiritu Santo. Gawin ninyo ang lahat para maanyayahan ang Espiritu sa klase ninyo. Sa pagtuturo ninyo, huwag matakot na tumigil sandali para mapakinggan at madama ang patnubay ng Espiritu.

Kapag nagpakabusog at namuhay tayo ayon sa bawat salita ng Diyos at totoong doktrina lamang ang ating itinuro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, matutuklasan natin na binabago ng Panginoon ang puso natin at ng mga tinuturuan natin. Pinasasalamatan ko ang Diyos bawat araw para sa pagbabagong hatid ng Kanyang salita sa puso ko at para sa mga gurong nagturo sa akin ng tunay na doktrina nang may kapangyarihan at awtoridad.

Mga Tala

  1. Boyd K. Packer, “Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17.

  2. Henry B. Eyring, “The Power of Teaching Doctrine,” Liahona, Hulyo 1999, 85.

  3. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang doktrina ni Jesucristo ay nilayon ng Panginoon na makapagpalakas ng ating pananampalataya” (“Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2014, 29).

  4. Lectures on Faith (1985), 1–2.

  5. Tingnan sa Howard W. Hunter, “Reading the Scriptures,Ensign, Nob. 1979, 64.