2017
Nasasandatahan ng Kabutihan
March 2017


Mensahe ng Unang Panguluhan

Nasasandatahan ng Kabutihan

Family reading scriptures

Ipinahayag ng propeta ng Diyos sa lupa na si Pangulong Thomas S. Monson, “Ngayon, tayo ay nagkakampo laban sa pinakamalaking hanay ng kasalanan, bisyo, at kasamaan na ngayon lamang nagsama-sama sa ating harapan.”1

Magugulat ba kayong malaman na sinambit ni Pangulong Monson ang mga salitang iyon 50 taon na ang nakararaan? Kung nagkampo tayo laban sa walang-katulad na puwersa ng kasamaan noon, gaano katindi pa kaya ang banta sa atin ng kasamaan ngayon? Sa magandang kadahilanan, ipinahayag ng Panginoon ang tungkol sa ating dispensasyon na, “Masdan, ang kaaway ay nagsama-sama” (D at T 38:12).

Ang digmaan kung saan “tayong lahat ay kabilang”2 ay nagsimula bago tayo isinilang sa lupa. Nagsimula ito bago pa man nilikha ang mundo. Nagsimula ito maraming milenyo na ang nakararaan sa premortal na mundo, kung saan si Satanas ay naghimagsik at “naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao” (Moises 4:3).

Natalo si Satanas sa digmaang iyon at “inihagis sa lupa” (Apocalipsis 12:9), kung saan ipinagpapatuloy niya ang kanyang pakikibaka ngayon. Dito sa lupa “siya ay nakidigma sa mga banal ng Diyos, at pinaligiran sila” (D at T 76:29) ng mga kasinungalingan, pandaraya, at tukso.

Kinakalaban niya ang mga propeta at apostol. Kinakalaban niya ang batas ng kalinisang-puri at ang kabanalan ng kasal. Kinakalaban niya ang pamilya at ang templo. Kinakalaban niya ang mabuti, banal, at sagrado.

Paano natin lalabanan ang gayong kaaway? Paano natin lalabanan ang kasamaan na mukhang bumabalot sa ating mundo? Ano ang sandata natin? Sino ang mga kaanib natin?

Ang Kapangyarihan ng Kordero

Itinuro ni Propetang Joseph Smith na may kapangyarihan lamang sa atin si Satanas kung tutulutan natin siya.3

Nang makita ang ating panahon, “namasdan [ni Nephi] ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo, at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Paano natin sasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ang ating sarili? Panatilihin nating banal ang araw ng Sabbath at igalang natin ang priesthood. Gumawa at tumupad tayo ng mga sagradong tipan, gawin natin ang ating family history, at dumalo tayo sa templo. Patuloy nating sikaping magsisi at sumamo sa Panginoon na “gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang [tayo] ay makatanggap ng kapatawaran sa [ating] mga kasalanan” (Mosias 4:2). Manalangin at maglingkod at magpatotoo at sumampalataya tayo kay Jesucristo.

Sandatahan din natin ng kabutihan at kapangyarihan ang ating sarili habang “[pinagyayaman] sa [ating] mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay” (D at T 84:85). Pahalagahan natin ang mga salitang iyon sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at mga salita ng mga piling lingkod ng Panginoon, na magbabahagi ng Kanyang kalooban, kaisipan, at tinig (tingnan sa D at T 68:4) sa pangkalahatang kumperensya sa susunod na buwan.

Sa ating pakikibaka laban sa kasamaan, lagi nating tandaan na may matatanggap tayong tulong mula sa magkabilang panig ng tabing. Kabilang sa ating mga kaanib ang Diyos Amang Walang Hanggan, ang Panginoong Jesucristo, at ang Espiritu Santo.

Kabilang din sa ating mga kaanib ang di-nakikitang mga hukbo ng langit. “Huwag kang matakot,” sabi ni Eliseo sa isang nahihintakutan na binata nang makaharap nila ang isang hukbo ng masasama, “sapagka’t ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila” (tingnan sa II Mga Hari 6:15–16).

Hindi tayo kailangang matakot. Mahal ng Diyos ang Kanyang mga Banal. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan.

Alam ko na natupad na ng Diyos, bilang sagot sa panalangin, ang aking mga pakiusap na iligtas ako mula sa kasamaan. Pinatototohanan ko na sa tulong ng Diyos Ama, ng Tagapagligtas ng sanlibutan, at ng Espiritu Santo, makatitiyak tayo na bibigyan tayo ng higit na kapangyarihang labanan ang anumang puwersa ng kasamaang kinakaharap natin.

Nawa’y lagi tayong masandatahan ng kabutihan upang magkaroon tayo ng tiwala na magtatagumpay tayo sa huli.

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Correlation Brings Blessings,” Relief Society Magazine, Abr. 1967, 247.

  2. “Tayo ay Kasapi,” Mga Himno, blg. 152.

  3. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 248.