2017
Pagtulong kay Mirta na Makabalik
March 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Pagtulong kay Mirta na Makabalik

Tinawag akong maglingkod bilang tagapayo sa Relief Society sa bagong ward namin ng pamilya ko. Sa mga presidency meeting namin, pinapasadahan namin ang listahan ng mga pangalan ng kababaihan ng Relief Society sa ward namin at iniisip kung paano sila matutulungan at ang pamilya nila.

Nabaling ang pansin ko sa isang sister sa ward na nagngangalang Mirta. Maraming taon na siyang miyembro ng Simbahan, ngunit sa kung anong dahilan, ilang taon nang hindi nagsisimba si Mirta.

Napansin ko na ang asawa niya ang elders quorum president ngunit ang mga anak nila, na mga miyembro din ng Simbahan, ay hindi rin nagsisimba. Bawat Linggo nakikita ko ang asawa niya na mag-isang dumadalo.

Nadama ko na kailangan naming tulungan ang pamilyang ito na sama-samang makabalik sa simbahan at matamasa ang mga pagpapalang nais ibigay ng Panginoon sa kanila. Sa sumunod na mga presidency meeting, binanggit ko ang pag-asa kong matulungan si Mirta na makabalik sa simbahan. Nagplano kami ng mga aktibidad kung saan maisasama namin siya sa espesyal na paraan, at natukoy namin ang ilang tungkuling maibibigay namin sa kanya.

Nang bisitahin namin siya, tinanggap niya ang bawat isa sa mga tungkulin at lubos na ginampanan ang mga ito pagkatapos. Napansin namin na sabik siyang naghihintay na sunduin ng isa sa amin papunta sa mga aktibidad ng Relief Society.

Nang ayusin namin ang mga visiting teaching companionship bilang panguluhan, hiniling ko sa iba na isaalang-alang ang posibilidad na maging magkompanyon kami ni Mirta. Bawat buwan, walang palya kaming nag-visiting teaching ni Mirta. Bawat paglabas namin para bisitahin ang mga sister ay isang oportunidad na makausap at makilala pa naming lalo ang isa’t isa.

Tuwing yayayain ko siyang magsimba, sinasabi lang niyang, “Kapag nadama kong handa na ako, magsisimba ako.” Hindi ko naunawaan iyon, ngunit iginalang ko ang desisyon niya. Kalaunan ang sagot niya ay naging, “Siguro magsisimba ako sa Linggo.”

Buong pananabik ko siyang hinintay tuwing Linggo. Hindi siya dumating kahit kailan, ngunit patuloy ko siyang isinama sa aking mga dalangin. Dahil sa biglaang paglipat ng pamilya ko, nabalik kami sa dating tinirhan namin, at hindi na ako nakapagpaalam kay Mirta. Nang lisanin namin ang ward, hindi pa rin siya nakakabalik sa simbahan.

Makaraan ang ilang buwan sinabihan ako na nakabalik na si Mirta sa simbahan at siya na ang tagapayo sa Relief Society.

Itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Hindi ninyo alam kung gaanong buti ang dulot ninyo. Pagpapalain ng inyong pagsisikap ang buhay ng isang tao” (“Sa Kababaihan ng Simbahan,” Liahona, Nob. 2003, 115).

Maraming beses ay hindi katulad ng inaasahan natin ang mga resulta at hindi dumarating ang mga ito kapag inasahan. Huwag tayong tumigil sa pagpapagal; ito ang gawain ng Panginoon, at tayo ang Kanyang mga kasangkapan na pinili upang baguhin ang buhay ng maraming tao.