Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Natagpuan Ako ng Aking mga Visiting Teacher
Noong bata pa akong ina at dalawang-taong-gulang pa lang ang anak ko, tumira ako sandali sa Santa Catarina, Brazil, at iilan lang ang nakilala kong mga miyembro ng Simbahan doon. Nakatira ako sa isang umuunlad ngunit liblib na lugar, kaya walang gaanong kapitbahay na malapit sa bahay ko.
Isang araw ay nagsimulang sumama ang pakiramdam ko at agad akong naubusan ng tubig sa katawan. Di nagtagal ay hindi na ako makatayo para alagaan ang anak ko o pumunta sa pinakamalapit na telepono sa kalye para tawagan ang asawa ko. Nagsimula akong magdasal, ngunit sa bawat pagtatangka kong tumayo, lalo akong nanghihina.
Hindi nagtagal ay kumatok sa pintuan ang aking mga visiting teacher. Kaagad nilang natanto na ginabayan sila ng Ama sa Langit para matagpuan ako. Naghanda sila ng lunas para sa akin, tinulungan ako sa pag-aalaga sa aking anak, at hinugasan ang mga pinggan. Pagkatapos ay sinabi nila sa akin na matagal-tagal na silang naglalakad para hanapin ang bahay ko at naisip na nilang sumuko, ngunit sinabihan sila ng Espiritu na huwag tumigil.
Nang umalis na sila, medyo maganda na ang pakiramdam ko. Bago sila umalis, sama-sama kaming nagdasal.
Hindi siguro nila alam kung gaano ang nagawa nilang tulong sa akin at pinakain nila ang aking espiritu sa kanilang halimbawa ng kabaitan at pagiging alisto sa pakikinig at pagsunod sa tinig ng Espiritu.