Paghahanda ng Isang Espirituwal na Piging
Ang awtor ay naninirahan sa Dominican Republic.
Nang tinawag ako bilang unang tagapayo sa bishopric, nabawasan ang dumadalo sa sacrament meeting sa ward namin. Bilang bishopric, nagpasiya kaming mag-ayuno nang taimtim at manalangin sa Ama sa Langit para ipaalam sa amin kung paano palalakasin ang mga miyembro.
Binigyang-inspirasyon kami ng Panginoon na ipaliwanag na ang sacrament meeting ay isang espirituwal na piging, kaya nakaisip kami ng paraan para maanyayahan ang mga miyembro at ang mga kaibigan at kapitbahay nila na dumalo sa sacrament meeting at makibahagi sa isang espirituwal na piging. Gumawa kami ng mga imbitasyon na nagsasabing, “Halina’t pakinggan, tingnan, at damhin ang presensya ng Panginoon sa isang espirituwal na piging” at ibinigay namin ang mga ito sa bawat miyembro, pati na sa mga kabataang lalaki at babae.
Naghanda rin kami ng maliit na ward choir na may waluhang tinig. Mapanalangin kaming pumili ng mga espirituwal na himno at mga tagapagsalita at inanyayahan namin ang mga miyembro na tumulong na maging mapitagan ang okasyon.
Lahat ay handa na para sa espirituwal na piging! Kabilang sa mga dumalo noong linggong iyon ang 42 investigator at mga di-gaanong aktibong miyembro. Sa pangalawang espirituwal na piging, 64 na investigator at di-gaanong aktibong miyembro ang naroon. Makalipas ang tatlong buwan hindi na kami magkasya sa chapel, at anim na buwan kalaunan lumaki na nang husto ang ward namin kaya naghahanda na kaming mahati ito sa dalawang ward.
Nalaman namin na ang pagturing sa sacrament meeting na hindi lamang basta isang pulong sa araw ng Linggo kundi isang sagradong karanasan ay nagbigay sa amin ng napakagandang pagkakataong hikayatin ang aming mga mahal sa buhay na lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng isang sagradong espirituwal na piging.
Ang paghahanda naming pagbutihin pa ang kalidad ng diwa at pagpipitagan sa sacrament meeting ay nakatulong para paramihin ang mga dumadalo na kailanma’y hindi nag-akalang makadama ng galak sa pamamagitan ng pagpunta upang tingnan, damhin, at matagpuan ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.