2017
Visiting Teaching, Family History, at mga Ina
March 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Visiting Teaching, Family History, at mga Ina

Photo and letters

Sumapi ako sa Simbahan noong 20 anyos ako. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pinakasalan ko ang isang tao mula sa ward, at lumipat kami dahil sa trabaho. Noong 22 anyos ako, isinilang ang panganay naming anak na lalaki. Noong panahong iyon, sinimulan akong bisitahin nang regular ng mga visiting teacher ko, kahit nakatira kami sa dulo ng hangganan ng ward.

Dahil kapapanganak ko noon, idinikta ng konsiyensya ko na kailangan kong kontakin ang aking ina. Ngunit walong taon ko nang pinutol ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa kanya nang magdiborsyo ang mga magulang ko. Tuwing dadalaw ang mga visiting teacher ko, pinag-uusapan namin iyon, at nadama kong hinihimok ako ng Espiritu na gawin ang mahirap na hakbang na ito.

Pinag-usapan namin kung paano ko sisimulang buuing muli ang relasyon namin yamang hindi miyembro ng Simbahan ang aking ina. Malaki na ang ipinagbago ng buhay ko sa nakalipas na walong taon mula nang hindi na kami mag-usap. Dahil malakas ang mga pahiwatig ng Espiritu, nagpasiya akong kontakin muna ang lola ko sa ina. Bulag ang lola ko, kaya ipinadala ko ang sulat ko sa kanya sa tita kong nag-aalaga sa kanya.

Napakaganda ng natanggap kong sagot sa liham ko, at nagpunta kami para kausapin ang lola at tita ko. Nagulat at masaya ang lola ko at hiniling lang niya na dumaan ako para makipagkita sa kanyang anak—ang aking ina—kapag pauwi na kami. Masayang-masaya siya.

Ang lola ko ay isang Lutheran, at mahal niya ang Tagapagligtas. Habang naroon kami sa kanila, binabasahan siya ng asawa ko tuwing umaga mula sa Aklat ni Mormon. Talagang nagustuhan niya iyon. Pagkaraan ng ilang umaga, napuspos ng Espiritu ang asawa ko at ang lola ko kaya pumunta ang lola ko sa mesa niya at inilabas ang isang genealogy book na pag-aari ng yumao kong lolo at ipinakita ito sa kanya. Walong henerasyon ang nakalista roon nang maayos, pati nga ang mga trabaho nila. Masayang-masaya ang lola ko habang naroon kami sa kanya, at nangako ako sa kanya na bibisitahin ko ang aking ina bago kami umuwi, na ginawa ko naman.

Limang linggo pagkaraan naming bisitahin ang lola ko, naistrok siya at namatay. Pagkaraan ng dalawang taon isinagawa ko ang gawain sa templo para sa aking mga ninuno mula sa impormasyong ibinigay ng lola ko.

Ngayo’y maganda na ang relasyon ko sa aking ina. Nakatira kami sa iisang bayan, at tinutulungan niya ako sa mga anak ko kung minsan.

Kung hindi dahil sa regular na pagbisita ng mga visiting teacher ko, na humikayat at sumuporta sa akin sa panahong ito, hinding-hindi ako maglalakas-loob na gawin ang hakbang na ito para maisaayos ang ugnayan ko sa aking ina. Hindi lamang ako kundi maraming henerasyon din ang napagpala.