2017
Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya
March 2017


Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya

Mula sa mensahe sa isang debosyonal, “An Example of the Believers,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Hunyo 14, 2016. Para sa buong mensahe sa Ingles, magpunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

Paano ninyo pinakamainam na maituturo at maipagtatanggol ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo habang nagpapakita ng pagmamahal, kabaitan, at pag-unawa?

Young adults

Mayroong kuwento tungkol sa isang maliit na army unit na naatasan ng napakahirap na misyon sa loob ng teritoryo ng kaaway. Habang papalapit ang unit sa pakay nito, nalaman ng kalabang mga unit na naroon sila. Mabilis na pinaligiran ng mas malalakas na puwersa ang grupo at nagsimulang magpaputok ang mga ito mula sa lahat ng dako. Nang matuklasan nila na napaligiran na sila at agad na pinaputukan, tumingala ang mga miyembro ng maliit na army unit na ito at nakita ang kumander nila na nakatayo sa ibabaw ng isang malaking bato, at pinagbibilinan sila.

Habang nakatingin sa kanyang mga tauhan, sumigaw ang kumander: “Mga bata, nahulog na sila sa bitag natin. Puwede na kayong magpaputok sa anumang direksyon!”

Mahirap din ang misyon natin sa mundo ngayon. Ito ay ang ituro at ipagtanggol ang mga katotohanang nakapaloob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa daigdig na ating ginagalawan, alam ko na mahirap maunawaan kung ano ang pinakamainam na paraan ng pakikitungo sa iba, lalo na kapag napaligiran kayo ng maraming tinig na handang humamon sa katotohanan. Kadalasa’y maaaring napakaraming pag-atake mula sa iba’t ibang panig kaya mahirap malaman kung paano tumugon.

Gusto kong magsalita tungkol sa ibig sabihin ng tinawag ni Apostol Pablo na maging “uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12)—ang ibig sabihin ng ituro at ipagtanggol ang walang-hanggang katotohanan sa paraang nais ng ating Ama sa Langit habang nagpapakita rin ng halimbawa ng paggalang, pagkahabag, at matinding pagmamahal na ipinakita ni Cristo; ang ibig sabihin ng buong sigasig na ipagtanggol ang alam nating tama nang hindi lang nagpapaputok nang walang habas sa anumang direksyon sa isang inaakalang kaaway.

Tunay ngang tila madalas na magkasalungat ang dalawang alituntuning iyon, hindi ba? Itinuro sa atin na kailangan nating kalabanin ang “espirituwal na kasamaan” (Mga Taga Efeso 6:12) sa lahat ng anyo nito, na kailangan tayong “tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9), at na kailangan ay hindi natin “ikinahihiya ang evangelio ni Cristo” kailanman (Mga Taga Roma 1:16). Subalit itinuro din sa atin na dapat nating iwasang makipagtalo at huwag kailanman “pukawin ang mga puso ng tao nang may galit” (3 Nephi 11:30), na hindi lang tayo dapat “[mamuhay nang payapa] sa lahat ng tao” (Mga Taga Roma 12:18) kundi dapat ay aktibo rin nating “sundin ang mga bagay na makapapayapa” (Mga Taga Roma 14:19).

Kaya paano natin susundin ang utos ng Diyos sa atin na manatiling matatag sa ebanghelyo at ituro sa iba ang katotohanan nang hindi nagiging sanhi ng pagtatalo at galit? Tila ang pagsasabi ng anuman, lalo na sa pagharap sa mga kontrobersyal na isyu ng panahon, ay maaaring humantong kaagad sa away at pagtatalo. Tulad ng alam na alam ninyo, tila kakatiting ang pasensya ng mundo ngayon sa sinumang nais magpahayag ng pananaw na hindi naaayon sa mga bagong uso.

Kapag dumarating sa atin ang gayong mga hamon, ginagawa natin kadalasan ang isa sa dalawang bagay: Iniiwasan nating sumali sa mga talakayan, at pinipiling huwag makihalo sa isang kapaligiran na maaaring agad na maging hindi komportable o masama; o kaya’y ipinagtatanggol natin ang ating pananaw sa pakikipagdebate na kawili-wiling panoorin ngunit lumilikha lamang ng galit kaysa kaliwanagan.

Mas mabuting pag-aralan ang mga bagay-bagay sa ating isipan (tingnan sa D at T 9:8) at pagkatapos ay pakinggang mabuti ang patnubay ng langit. Magpakatapang at gamitin ang liwanag na nasa inyong kalooban.

Maaari ko bang liwanagin ang ilang bagay na kailangang isaalang-alang habang ginagawa natin ang lahat para ituro at ipagtanggol ang salita ng Diyos samantalang nagpapakita tayo ng pagmamahal at pagkahabag sa lahat ng tao?

Ipagtanggol ang Salita

Una, magtatagumpay tayong mabuti kapag personal nating kinausap ang ibang tao nang sarilinan. Sa panahong ito na tahasang magkasalungat ang pananaw ng mga tao at patuloy na nagtatagisan ng talino ang bawat isa, karaniwan ay kakaunti ang nagagawa sa mainitang pagtatagisan ng mga grupo. Totoo ito lalo na sa social media, kung saan kailangan tayong mag-ingat na magbigay ng mga kuru-kuro ukol sa maseselang isyu sa lipunan na hindi lihis sa diwang nais ni Cristo na iparating natin.

Kung hahayaan nating malimita tayo sa 140 characters online, kadalasan ay hindi tayo mauunawaan. Karaniwan, mas maraming magagawa ang makipag-usap nang sarilinan, nang harapan, habang inuunawa ng mga tao ang isa’t isa. Iyan mismo ang paraang itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson sa pagtulong at pagsagip natin—isa-isa. At kadalasa’y ganito tumulong at umantig ng buhay ang Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo sa lupa.

Pangalawa, bagama’t walang dudang labis kayong matutuwa kung makikita kaagad ng ibang tao ang liwanag at papayag silang tanggapin ang mga missionary kinabukasan, hindi kailangang iyan ang maging unang mithiin natin. Ang unang mithiin natin ay unawain ang opinyon ng ibang tao—igalang sila bilang mga tao at unawain ang kanilang mga pananaw. Sa gayong paraan lamang natin epektibong makakaugnayan ang iba, na hindi na pinapansin ang mga paratang at di-pagkakaunawaan na madalas mangibabaw sa ating mga talakayan.

Pangatlo, humanap tayo ng mga paraan na maigagalang natin ang magkakaibang pananaw at makapamuhay pa rin nang magkakasama sa lipunan. Sa halip na basta mamuhay ayon sa sarili nating mga pananaw nang hindi nanghihimasok sa kalayaan ng iba, subukan natin ang isang mas mainam na paraan—isang bagay na mahalaga sa isang lipunan na iba-iba ang paniniwala ng mga tao kung nais nating pakitunguhan nang maayos ang lahat. Kailangan nating ipagtanggol ang mga karapatan ng iba, kilalanin ang karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga opinyon at ipagtanggol ang kanilang paniniwala, kung umaasa tayong ipagtatanggol ng iba ang ating mga karapatan.

Sa huli, bihirang mangyari na magkaunawaan ang dalawang tao sa isang paghaharap lamang. Ito ay isang proseso—na madalas mangailangan ng mahabang panahon. Maaaring hindi tanggapin ng iba ang ating mga pananaw, ngunit maaari nating sikaping itigil ang paggamit ng mga salitang tulad ng panatiko at poot. Ituring nating likas na mabuti at makatwiran ang bawat isa, kahit hindi tanggapin ng iba ang ating mga pananaw kailanman.

Kumilos na Tulad ng Tagapagligtas

Bible video scene of Jesus and child

Kapag nahaharap kayo sa mahihirap na sitwasyon kung saan ipinagtatanggol ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo, sana’y lagi ninyong alalahaning kumilos na tulad Niya. Tulad ng itinuro ni Apostol Pablo, ang maging “uliran ng mga nagsisisampalataya” ay higit pa sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo para makita ng iba. Sinabi sa atin ni Pablo na ang mga alituntunin ding iyon ng ebanghelyo ay kailangang maging bahagi ng ating pag-uusap, bahagi ng ating pagmamahal sa iba, bahagi ng diwang ipinararating natin, at bahagi ng pananampalatayang naglalarawan kung sino tayo (tingnan sa I Kay Timoteo 4:12).

Sa huli, hindi naman talaga magkasalungat ang dalawang dakilang alituntunin ng ebanghelyo—kapag naunawaan nang wasto—na manindigan sa katotohanan habang iginagalang at minamahal ang iba. Ang matatag nating pananalig sa katotohanan ay hindi dapat maging dahilan kailanman para kumilos tayo nang walang galang o pagalit sa iba. Ngunit kasabay nito, ang hangarin nating magpakita ng kabaitan at pagmamahal sa lahat ay hindi dapat makabawas kailanman sa tungkulin nating manindigan sa katotohanan.

Ang dalawang alituntuning ito ay talagang magkabilang panig lang ng iisang barya. Nasa isang panig ng barya ang tungkulin nating ipaliwanag at matatag na ipagtanggol ang doktrina ng Diyos. Nasa kabilang panig naman ng baryang iyon ang tungkulin nating kumilos na tulad ni Cristo, na palaging nagpapakita ng paggalang at pagmamahal.

Ganito ang sabi ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ang pagpaparaya at paggalang natin sa iba at sa kanilang mga paniniwala ay hindi dahilan para kalimutan natin ang ating katapatan sa mga katotohanang nauunawaan natin at sa mga tipang ginawa natin. … Dapat tayong manindigan sa katotohanan, bagama’t nagpaparaya tayo at iginagalang [natin] ang mga paniniwala at ideyang naiiba sa atin at ang mga taong nagtataglay nito. …

“Ang babalang ito na binigyang-inspirasyon ay nagpapaalala sa atin na para sa mga taong naniniwala sa lubos na katotohanan, ang pagpaparaya sa pag-uugali ay parang baryang may magkabilang panig. Ang pagpaparaya o paggalang ay nasa isang panig ng barya, ngunit ang katotohanan ay palaging nasa kabila.”1

Sa isang mundo na mabilis na nahahati ang mga pananaw at dumarami ang pagtatalo—kung saan ang pag-atake kadalasan ay tila nagmumula sa lahat ng dako—maaari ko ba kayong hamunin na kumustahin ninyo ang sarili ninyo sa magkabilang panig na ito? Sa bawat sitwasyon ninyo sa buhay, itanong sa sarili ninyo kung paano ninyo pinakamainam na maituturo at maipagtatanggol ang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo habang nagpapakita rin kayo ng pagmamahal, kabaitan, at pag-unawa sa isang taong maaaring hindi tanggapin ang doktrinang iyon.

Sa paggawa nito, pinatototohanan ko na tutulungan at papatnubayan kayo ng ating Ama sa Langit. Madarama ninyo na inaakay Niya kayo, inilalagay Niya ang mga ideya sa inyong isipan, ang damdamin sa inyong puso, at ang mga salita sa inyong bibig sa mismong sandaling kailangan ninyo ito. Aakayin at gagabayan kayo ng Kanyang Espiritu, gagawin kayong tunay na “halimbawa ng mga nagsisisampalataya”—hindi lamang bilang isang taong ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo kundi isang taong ipinagtatanggol at ipinaliliwanag ang doktrina nito sa matatag ngunit mapagmahal at magiliw na paraan.

Tala

  1. Dallin H. Oaks, “Pagbabalanse ng Katotohanan at Pagpaparaya,” Liahona, Peb. 2013, 32.