Sulit ang Paghihintay
Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.
Bakit hindi ako maaaring binyagan ngayon?
“Magpabinyag para sa gayon, sundin ang Panginoon” (Aklat ng mga Awit Pambata, 54).
“Ngayo’y pag-aaralan natin ang isang bagong awitin,” sabi ni Sister Reid. “Ang pamagat nito ay ‘Pagbibinyag.’ Pumikit kayong lahat at makinig sa musika.”
Pumikit ako at pumanatag sa silya ko. Sinimulang tugtugin ng piyanista ang himig na banayad at elegante, na parang dumadaloy na tubig. Pagkatapos ay nagsimulang kumanta si Sister Reid: “Nagtungo kay Juan Bautista, si Jesus sa Judea, at S’ya ay sa Ilog Jordan, nilubog, nabinyagan.”
Nadama kong may pumatak na luha sa aking pisngi. Sinikap kong pahirin ito bago makita ni Inay, pero huli na ang lahat. Si Inay ang Primary president, at kita niya palagi ang lahat. Nakita kong tumingin sa akin si Inay at malungkot na ngumiti. Alam niya kung bakit ako umiiyak.
Pagkatapos magsimba, hinimig ng bunso kong kapatid na si Julie ang awitin sa buong biyahe pauwi. Nanatili akong tahimik.
“Gusto mo bang magkulay tayo?” tanong ni Julie nang makauwi na kami.
Umiling ako. “Mamaya na lang siguro. May gagawin pa ako.”
Nakita ko si Itay sa sala. Nakaupo siya sa paborito niyang silya na may nakabukas na aklat sa kanyang kandungan. Hilig niyang magbasa habang nasa simbahan kami nina Julie at Inay.
Huminga ako nang malalim. “Itay?” sabi ko. “Puwede po ba akong mabinyagan?”
Isinara ni Itay ang aklat at pinaupo ako sa tabi niya.
“Ah, Sadie. Napag-usapan na natin ito. Hindi pa rin ang sagot ko,” sabi niya.
“Pero gusto ko po talaga!” sabi ko. “Nag-walong taong gulang na po ako ilang buwan na ang nakalipas, at napag-isipan ko na po itong mabuti. Alam ko pong totoo ang Simbahan, at habang tumatagal ang paghihintay ko, lalo ko pong nalalaman na gusto kong magpabinyag.”
Umiling si Itay. “Palagay ko napakabata mo pa rin para gumawa ng gayon kalaking desisyon. Pero alam mong mahal kita.”
“Alam ko po,” sabi ko. Alam kong gusto ni Itay ang pinakamabuti para sa akin. Ipinalagay lang niya na hindi pa ako handang gawin ang desisyong ito.
Tumakbo ako sa silid ko at yumuko. Nagdasal ako nang mas taimtim kaysa rati. “Ama sa langit, talaga pong gusto kong magpabinyag. Tulungan po Ninyong makaunawa si Itay.”
Noong una ay walang nangyari, pero nanatili akong nakaluhod. Pumasok sa isip ko ang himig ng “Pagbibinyag.” Di-nagtagal, hindi na ako gaanong nalungkot. Sa halip, payapa ang kalooban ko. Sinimulan kong isipin ang lahat ng bagay na magagawa ko, kahit hindi pa ako puwedeng binyagan.
Puwede akong magpatuloy sa pagdarasal at pagpunta sa Primary. Maaari akong maging halimbawa kay Julie, at siguro puwede ko pang hilingin kay Inay na ipag-ayuno ako sa susunod na linggo.
Nanatiling payapa ang kalooban ko nang bumaba ako para maghapunan. Hindi ko alam kung kailan, pero balang-araw ay mabibinyagan ako. At magiging sulit ang paghihintay.
Makalipas ang anim na buwan, dalawang araw bago sumapit ang kanyang ikasiyam na kaarawan, pumayag na ang tatay ni Sadie na mabinyagan siya.