2017
Ang Ngiti ng Estranghero
March 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Ngiti ng Estranghero

Family at restaurant

Karaniwan ay iniiwasan ko siya—isang gusgusing lalaki na naglalaro ng baraha sa isang mesa sa palaruan ng isang lokal na fast-food restaurant. May banayad na ngiti sa kanyang malungkot na mukha habang pinanonood niyang maglaro ang mga bata. “Baka nagpapainit lang siya dahil malamig ang panahon,” naisip ko pagdaan ko sa mesa niya para itapon ang pagkaing hindi naubos ng anak ko. Nang mapansin ko ang kanyang mesa, na walang anumang pinagbalutan ng pagkain o mga paper cup, ibinulong sa akin ng marahan at banayad na tinig na, “Ibili mo siya ng makakain.”

Nagbalik ako sa mesa ko na may kaunti pang pera sa bulsa. “Baka mapahiya siya,” sabi ko sa sarili ko. Pagkatapos ay nakadama ako ng kapayapaan, at napanatag ako sa magiliw na bulong ng Espiritu: “Ibili mo siya ng makakain.”

Hindi ko sinabi sa mga anak ko ang ginagawa ko; dinampot ko lang ang ilang kalat at lumabas ako para itapon ito para makalapit ako sa mesa ng lalaki nang hindi nalalaman ng kaibigan kong kasalo ko.

Yumuko ako nang kaunti at nagtanong, “Puwede ko ba kayong ibili ng pananghalian?”

Mukhang nagulat siya at marahang sumagot, “Kung gusto mo.”

Dinukot ko sa aking bulsa ang natitira kong kaunting pera—na sapat lang para sa pagkain at maiinom—at ibinigay ko ito sa lalaki. Bumalik ako sa aking upuan, nang hindi napapansin ng mga abalang ina sa paligid ko, at minasdan ko ang pagtindig ng lalaki para bumili ng kanyang pagkain.

Nang isakay ko sa kotse ang mga anak ko para makauwi na kami, tumanaw ako sa bintana at nakita ko ang lalaki na may dalang trey ng pagkain pabalik sa kanyang bakanteng mesa. May ngiti na sa kanyang dati’y malungkot na mukha.

Ang napakalamig na hangin ng taglamig na umiihip sa aking mukha ay hindi na gayon kalamig. Nagalak ako sa magiliw at kasiya-siyang Espiritu na pumuspos sa akin mula ulo hanggang paa. Naalala ko ang turo ng Tagapagligtas:

“Sapagkat ako’y nagutom, at ako’y inyong pinakain; ako’y nauhaw, at ako’y inyong pinainom …

“Kung magkagayoʼy sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka? …

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:35, 37, 40).

Nagpapasalamat ako sa ngiti ng isang estranghero na nakatulong sa akin na magkaroon ng lakas-ng-loob na gawin ang tama.