2017
Lasapin ang Mundo sa South Africa
March 2017


Mga Young Adult Profile

Lasapin ang Mundo sa South Africa

Ang awtor ay nakatira sa Utah, USA

Ang magkakaibang pinagmulan at kultura ay hindi hadlang sa mga Banal ng South Africa para pangalagaan ang isa’t isa.

Ross Mpye

Maaliwalas ang Sabado ng umaga sa Neighborgoods Market. Naglalakad ka habang nasa ilalim ng makukulay na payong na dugtung-dugtong sa labas ng pasukan at nakikinig sa live music habang naghahanap ka ng masarap na pagkain. Ang tradisyonal na isinisilbi sa South Africa ay mula sa isang potjie pot o kaldero—pesto, mga talaba, gulay, supot ng mga rekado, terrines (halu-halong lutong karne, gulay at isda)—gusto mong subukan ang lahat.

Welcome sa Johannesburg.

“Ito ay isang lugar na maalinsangan, ngunit mainit ang pagtanggap dito,” sabi ni Ross Mpye, 28 anyos. Ang pambihirang enerhiya ng “Joburg” ay nakakagulat kung minsan sa mga bisita, na maaaring hindi umaasang makakita ng nagtataasang mga gusali. “Wala kayong makikitang mga leon na gumagala sa mga lansangan,” sabi ni Ross.

Isang estudyante sa unibersidad na nag-aaral ng communications at diborsyadang ina ng limang-taong-gulang na si Nate, si Ross ay nagtatrabaho bilang production support analyst. Mula sa hilig niya sa maanghang na pagkain hanggang sa mga pagsisikap niyang maglingkod sa iba, mahilig siyang makipagsapalaran, mabait, at tapat sa kanyang pang-araw-araw na buhay.

Ang mga Banal sa Johannesburg ay nagtutulungan at tumutulong sa mga nasa paligid nila. Halimbawa, nang bahain ang bahay ng kaibigan ni Ross na si Tumi, maraming kaibigan sa simbahan ang tumulong sa paglilimas ng tubig at pagpapasaya sa pamilya. “Ito ang nagpabago sa buhay ng ina ni Tumi, na hindi miyembro,” paliwanag ni Ross. “Nagsimula siyang makipagkita sa mga missionary, at ngayo’y miyembro na siya at isang guro sa Relief Society.” Ang gayong mapagmahal na pangangalaga ay medyo karaniwan, dahil kapatid ang turing ng mga miyembro sa South Africa sa isa’t isa. “Tumutulong kami na para bang problema rin namin ito,” sabi ni Ross.

Tulad ng alam ni Ross, ang pagdamay na ito ay ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. “Ito ang uri ng pagmamahal na ibinibigay sa atin ng Ama sa Langit. Nauunawaan at batid Niya ang aking mga kagalakan at kalungkutan bilang isang kabataan ngayon na nagdaraan sa mga hamon na tinitiyak Niyang madaraig ko,” sabi niya.

Naaapektuhan ng relasyon ni Ross sa Tagapagligtas ang kanyang buhay sa maraming paraan, mula sa kanyang mga pakikisalamuha sa mga kasama niya sa trabaho hanggang sa kanyang personal na pag-aaral. “Maaaring hindi maganda ang mga kapaligiran natin sa trabaho,” sabi niya. “Ang ilan ay nagmumura at ang ilan ay hindi tapat sa kanilang mga desisyon, sa pag-aakalang hindi iyon mahalaga. Mapalad ako na mayroon akong mga alituntunin ng ebanghelyo at mga turo ng mga propeta sa buhay ko. Kapag sinisimulan ko ang araw ko sa pag-aaral ng banal na kasulatan at pagdarasal, tinutulungan ako nitong mapanatili ang Espiritu sa buhay ko sa lahat ng pagkakataon. Kapag nahaharap ako sa mga tukso, ipinapaalala sa akin ng marahan at banayad na tinig kung sino ako at ano ang pinaninindigan ko. Tinutulungan ako nitong manatiling tapat sa aking mga pamantayan.”

Ang Neighborgoods Market ay kumakatawan sa diwa ng kasanayan ng Johannesburg sa iba’t ibang kultura. Para kay Ross, mas malalim ang isinasagisag ng katotohanan ng ebanghelyo—ang pangako ng buhay na walang hanggan.