2017
Paano Haharapin ang mga Pagsubok sa Pananampalataya
March 2017


Mga Sagot mula sa mga Pinuno ng Simbahan

Paano HARAPIN ang mga Pagsubok sa Pananampalataya

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2012.

Youth class

Ang matitinding pagsubok ay magpapalakas sa inyo, ngunit kaya nitong bawasan o sirain pa ang inyong tiwala sa Anak ng Diyos at pahinain ang determinasyon ninyong tuparin ang inyong mga pangako sa Kanya. Ang mga pagsubok na ito kadalasan ay nakabalat-kayo, kaya mahirap itong matukoy. Nagsisimula ito sa ating mga kahinaan, pagiging maramdamin, pagiging sensitibo, o sa mga bagay na pinakamahalaga sa atin. Ang tunay ngunit kakayaning pagsubok sa isang tao ay maaaring matinding pagsubok sa iba.

Paano kayo mananatiling “matatag at di natitinag” (Alma 1:25) sa oras ng pagsubok sa inyong pananampalataya? Magtuon kayo sa mismong mga bagay na nagpalakas sa inyong pananampalataya: manampalataya kay Cristo, manalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatan, magsisi, magsimba at makibahagi ng sakramento, sundin ang mga kautusan, at maglingkod sa kapwa.

Kapag sinubok ang inyong pananampalataya—anuman ang gawin ninyo, huwag kayong lumayo sa Simbahan! Ang paglayo ninyo sa kaharian ng Diyos sa oras ng pagsubok sa pananampalataya ay parang pag-alis sa ligtas na kanlungan nang matanaw ninyo ang buhawi.

Sabi ni Apostol Pablo, “Hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan ng Dios” (Mga Taga Efeso 2:19). Sa loob ng santuwaryo ng Simbahan natin napoprotektahan ang ating pananampalataya. Sa pakikipagpulong sa mga ibang nananalig, tayo ay nagdarasal at nakasusumpong ng mga sagot sa ating mga dalangin; sumasamba sa pamamagitan ng musika, nagbabahagi ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas, naglilingkod sa isa’t isa, at nadarama natin ang Espiritu ng Panginoon. Tayo ay nakikibahagi ng sakramento, tumatanggap ng mga pagpapala ng priesthood, at dumadalo sa templo. Ipinahayag ng Panginoon, “Sa mga ordenansa … , ang kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (D at T 84:20). Kapag naharap kayo sa isang pagsubok sa pananampalataya, manatiling ligtas sa loob ng sambahayan ng Diyos. Laging may lugar dito para sa inyo. Walang pagsubok na napakalaki na hindi natin makakayang daigin nang sama-sama (tingnan sa Mosias 18:8–10).