Napakagandang Pakiramdam
Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.
Nagkamali na si Paulo. Ano ang gagawin niya?
Pagkatapos umahon ni Paulo mula sa tubig, nagpalit na sila ni Itay ng tuyong damit. Pagkatapos ay ipinatong ni Itay at ni Lolo at ng bishop ang kanilang mga kamay sa kanyang ulunan at kinumpirma siya. Miyembro na siya ngayon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
“Ang ganda ng pakiramdam ko,” sabi ni Paulo. Hinipo niya ang dibdib niya. “Dito.”
Niyakap siya ni Inay nang mahigpit. “Kasi natanggap mo ang kaloob na Espiritu Santo nang ikumpirma ka.”
Tumango si Paulo. Ayaw niyang gumawa ng anumang bagay na magtataboy sa napakagandang pakiramdam na iyon.
Ngunit kinabukasan mismo, nasira ng bunsong kapatid niyang si Carlo ang laruang eroplano ni Paulo. Isang buong buwan iyong pinag-ipunan ni Paulo para mabili!
“Tingnan mo ang ginawa mo!” sigaw ni Paulo. “Bakit ba ayaw mong layuan ang mga gamit ko?”
“Sori,” sabi ni Carlo. Tumulo ang mga luha sa mga pisngi nito. “Baka puwede nating ayusin ito.”
“Hindi na ito katulad ng dati!”
Patakbong lumabas ng kuwarto si Carlo na umiiyak.
Hindi maganda ang pakiramdam ni Paulo. Alam niya na hindi sisigaw o magagalit si Jesus. Gaganda kayang muli ang pakiramdam niya na gaya noong matapos siyang mabinyagan?
“Nangako ako na sisikapin kong tularan si Jesus,” sabi niya kay Inay, na nanginginig ang boses. “Pero nagkamali na po ako.”
“May ginawa kang mali,” marahang sabi ni Inay. “Pero binigyan din tayo ni Jesus ng paraan para muling mapasaatin ang Espiritu Santo kapag nagkamali tayo.”
Alam na ni Paulo ang sasabihin niya. “Alam ko po. Pagsisisi. Kailangan ko pong humingi ng tawad.”
Tumango si Inay. “At kapag nakikibahagi ka ng sakramento, paninibaguhin mo ang pangako mong sundin si Jesus. At magiging malinis ka na tulad noong binyagan ka at ikumpirma.”
Hinanap ni Paulo si Carlo. “Sori, sinigawan kita,” sabi niya. “Halika’t ayusin natin ang eroplano.”
Ngumiti si Carlo, at nadama ni Paulo na nagawa niya ang gagawin ni Jesus. Nang magdasal siya nang gabing iyon, hiniling niya sa Ama sa Langit na patawarin siya at tulungan siyang maging mas mabait kay Carlo. Napanatag ang kanyang kalooban.
Nang Linggong iyon sa simbahan, mas nagtuon ng pansin si Paulo sa mga panalangin sa sakramento. Pinakinggan niyang mabuti ang mga salita. Nang makibahagi siya ng tinapay at tubig, nadama niya ang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa kanya. Tama si Inay. Bumalik ang napakagandang pakiramdam na iyon!