Isang Pagbuhos ng Espiritu
Ang interbyung ito ay isinagawa ni LaRene Porter Gaunt, Mga Magasin ng Simbahan. Impormasyon sa time line at sidebar ni Kate Holbrook, Church History Department.
Nagsasalita nang magiliw at may kapangyarihan sa ika-175 anibersaryo ng Relief Society, ibinahagi ng General Presidency ang kanilang mga damdamin, ideya, at patotoo sa atin bilang kababaihan ng Relief Society.
Mahal namin ang kababaihan sa buong Simbahan,” sabi ni Linda K. Burton, General President ng Relief Society, nang magsalita para sa kanyang sarili at sa kanyang mga tagapayo—sina Carole M. Stephens, Unang Tagapayo, at Linda S. Reeves, Pangalawang Tagapayo. “Ano pa ang maaari nating naisin maliban sa tulungan ang isa’t isa sa pagtahak sa landas ng tipan tungo sa buhay na walang hanggan? Inihayag ng Diyos ang Kanyang layunin sa Moises 1:39: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” Sa Relief Society tumutulong tayong ihanda ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagpapaibayo ng pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, pagpapalakas sa mga indibiduwal, pamilya, at tahanan sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan, at pakikiisa sa pagtulong sa mga nangangailangan.1
“Kapag inalaala at ipinamuhay natin ang layunin ng Relief Society, tayo bilang kababaihang Banal sa mga Huling Araw ay magiging ‘natatangi at kakaiba—sa masayang paraan,’2 na nagbubunga ng malaking impluwensya sa kabutihan sa buong mundo. Iyan ang nais natin para sa ating kababaihan sa Relief Society.”
Dito, sa isang interbyu sa mga kawani ng mga magasin ng Simbahan, sinagot ng mga miyembro ng Relief Society General Presidency ang mga problema sa ngayon at ibinahagi ang kanilang pananaw tungkol sa hinaharap.
1. Ano ang mayroon sa Relief Society na dahilan ng pagkakaisa ng kababaihan mula sa iba’t ibang kultura at iba’t ibang sitwasyon?
Sister Burton: Ang pagkaalam tungkol sa at pamumuhay ayon sa ating layunin ay pinagkakaisa tayo sa kabila ng pagkakaiba ng ating mga kultura. Nakilala ko ang isang babae sa Uruguay noong isang taon na nagsabi sa akin kung paano siya tinawag na maging Relief Society president sa pinakamahirap na panahon ng kanyang buhay. Natukso siyang sabihing, “Hindi ko po kayang gawin ito ngayon mismo.” Pero dahil nakagawa siya ng mga sagradong tipan, sabi niya, “Gagawin ko ang ipinagagawa sa akin. Sumasampalataya ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Alam ko sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala na magagawa ko ito.” Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Naghatid ng liwanag sa buhay ko ang aking tungkulin nang maglingkod ako sa aking mga kapatid. Umasa ako sa Panginoon, at pinagpala Niya ako.”
Naunawaan ko ang layunin ng Relief Society sa kuwento niya. Tinulungan siya ng kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.” Nakagawa siya ng mga sagradong tipan at ninais niyang tuparin ang mga ito. Nang makiisa siya sa bishop, tinupad niya ang kanyang tungkulin. Ngayon ay may patotoo na siya na pinagpapala tayo ng Panginoon kapag nagtitiwala tayo sa Kanya. Idinaragdag ko ang aking patotoo sa kanyang patotoo na tutulungan tayo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa bawat hamon sa buhay na ito at sa lahat ng bagay na tila hindi makatarungan sa buhay na ito.
Sister Stephens: Ang ating pananampalataya sa kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang malaking dahilan ng ating pagkakaisa. Ang pagmamahal natin sa ating Ama sa Langit at ang kaalaman tungkol sa Kanyang dakilang plano ng kaligayahan ang nagbibigkis sa atin sa paghahangad natin ng buhay na walang hanggan. Ang ating kababaihan ay mga walang asawa, may asawa at anak, o may asawa ngunit walang anak. May mga biyuda at diborsyada. Ang pag-asa natin ay na maaari tayong magkaisa at maging isa kapag naunawaan natin ang ating pagkatao, ating gawain, at ating layunin.
Sister Reeves: Ang pagkakaisa ay nagpapaligaya sa atin dahil walang pagtatalo at nananahan ang pag-ibig ng Diyos sa ating puso (tingnan sa 4 Nephi 1:15). Dinaraig ng pagkakaisa ang lahat ng pagkakaiba-iba. Gustung-gusto naming madama ng ating kababaihan ang pagmamahal na iyon para sa Tagapagligtas. Gustung-gusto naming magkaisa sa pagtulong na maisakatuparan ang Kanyang mga layunin.
2. Ano ang magagawa ng kababaihan kung hindi nila madama na bahagi sila ng Relief Society?
Sister Stephens: Ang hangarin ng aming puso bilang presidency ay na maunawaan ng kababaihan ang kanilang walang-hanggang pagkatao. Noon pa man ay bahagi na tayo ng gawain ng Diyos. Bilang kababaihan napagkalooban tayo ng espesyal na mga kaloob para sa kapakinabangan ng lahat. Tinuruan at sinanay tayo sa premortal na buhay kung ano ang ating magiging gawain. Tayo ay nasa malaking Kapulungang iyon sa Langit kung saan pinili natin ang plano ng Ama sa Langit, na kinabilangan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Naghiyawan tayo sa galak sa ideyang magkakaroon tayo ng mortal na katawan.
Sa lupa, simula kay Inang Eva, patuloy na naging bahagi ng gawain ng Diyos ang kababaihan. Inorganisa ni Propetang Joseph Smith ang kababaihan ayon sa pagkakaayos ng priesthood—isang huwaran na umiiral na noon pa man—nang iorganisa niya ang Relief Society noong 1842 sa Nauvoo, Illinois.
Ipinayo sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Alamin sa inyong sarili kung sino kayo talaga. Itanong sa inyong Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo kung ano ang nadarama Niya para sa inyo at sa inyong misyon dito sa lupa. Kung kayo ay magtatanong nang may tunay na layunin, sa paglipas ng panahon ay ibubulong sa inyo ng Espiritu ang mga katotohanang magpapabago sa inyong buhay. Itala ang mga impresyong iyon, rebyuhin iyon nang madalas, at sundin nang husto.”
“Nangangako ako sa inyo na kapag naunawaan ninyo kahit kaunti kung ano ang tingin sa inyo ng inyong Ama sa Langit at kung ano ang inaasahan Niyang gagawin ninyo para sa Kanya, magbabago ang inyong buhay magpakailanman!”3 Magpunta sa templo at makinig! Pakinggan kung sino kayo at ano ang gagawin ninyo.
3. Paano pa matatamasa ng kababaihang lubhang abala sa buhay ang mga pagpapala ng Relief Society?
Sister Stephens: Mahalaga riyan ang mga prayoridad. Kamakailan ay nagpunta ako sa West Africa, at nakita ko ang kababaihan na may sunong na tubig sa kanilang ulo mula sa balon araw-araw at pagkatapos ay tumutulong na maglaan para sa kanilang pamilya. Kung minsan naaawa ako sa kahirapan nila. Pagkatapos ay gumugol ako ng oras sa mga miyembro ng Simbahan sa mga training meeting at nakasuot sila ng mapuputing polo at makukulay na bestida na sila ang tumahi.
Itinuro sa akin na sagana sila sa mga bagay na hindi mabibili ng salapi. Nalaman ko na inuuna nila ang pinakamahahalagang bagay. Ang ebanghelyo ang lahat-lahat sa kanila. Sabi nila sa akin, “Wala akong kailangan. Nasa akin na ang lahat ng kailangan ko—ang ebanghelyo at ang aking pamilya.” Kapag inuna natin ang pinakamahahalagang bagay, likas na maglalaho ang iba pang mga bagay sa ating buhay.
4. Ano ang maibibigay ng Relief Society sa mga kabataang babae?
Sister Burton: Ang mga kabataang babae ay may pagkakataong tumulong na magsakatuparan ng propesiya kapag nalipat sila sa Relief Society. Noong 1979, ipinropesiya ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na ang mabubuting kababaihan ng mundo ay “mapupunta sa Simbahan nang maramihan … at makikitang natatangi at kakaiba ang kababaihan ng Simbahan—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng sanlibutan.”4 Kailangan natin ng kakaibang mga kaloob, pananaw, at talentong hatid ng mga kabataang babae para makatulong na maisakatuparan ang propesiyang ito.
Tungkol sa propesiya ni Pangulong Kimball, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson noong 2015 sa kababaihan sa lahat ng edad—kabilang na ang mga kabataang babae, “Kayo ang kababaihang nakinita [ni Pangulong Kimball]! …
“… Kailangan na[m]in ng kababaihang may matibay na pagkaunawa sa doktrina ni Cristo. … Kailangan namin ng kababaihang nakakaalam kung paano magtamo ng lakas na handang ibigay ng Diyos sa mga tumutupad ng tipan. … Kailangan namin ng kababaihang may tapang at pag-unawa ng ating Inang si Eva. …
“… Nakikiusap ako sa inyo na isakatuparan ang propesiya ni Pangulong Kimball. … Kapag ginawa ninyo ito, pag-iibayuhin ng Espiritu Santo ang inyong impluwensya nang higit pa kaysa noon!”5
Sister Reeves: Lahat tayo ay “mga anak na babae ng [ating] Ama sa Langit, na nagmamahal sa [atin], at mahal [natin] Siya.”6 Sa Relief Society, makikita ninyo na tayo ay mas magkakatulad kaysa magkakaiba. Halimbawa, lahat tayo ay nasa isang mundo na may social media, advertising, at makamundong mga tutularan. Ang kahalagahan ng kababaihan ay binibigyang-kahulugan ng mundo. Ang paghahambing natin sa ating sarili sa nakikita at naririnig natin sa mundo ay magpapadama sa atin na kailangan tayong maging ganito. Higit kailanman, kailangan nating tandaang lahat ngayon na ang ating kahalagahan ay nagmumula sa pagiging anak ng Diyos—hindi mula sa kung ano ang ipinapakita ng mundo na dapat tayong maging. Ang ating lakas ay nagmumula sa kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit, sa ating Tagapagligtas, at sa isa’t isa bilang mga magkakapatid sa ebanghelyo. Diyan kayo humugot ng lakas.
Sister Stephens: Mga kabataang babae, kailangan kayo ng Diyos at kailangan namin kayo. Kayo ay lumalaking henerasyon na isinilang na may lakas na tumayo nang matatag laban sa mga hamon sa mga huling araw na ito. Makiisa sa amin sa pagiging kababaihang nakakaunawa kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, kababaihang gagawa at tutupad ng mga sagradong tipan, at kababaihang makikiisa sa isa’t isa at sa mga lider ng priesthood. Isang pagpapala ang maging isang babae, anuman ang edad, sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ngayon. Ibahagi natin ang ating patotoo kung sino tayo at nagiging sino tayo. Ibahagi natin ang ating mga mensahe ng kagalakan, na nakikigalak sa bawat isa!
5. Bakit mahalaga para sa mga maytaglay ng priesthood at kababaihan ng Relief Society na magkaisa?
Sister Burton: Ang kalalakihan at kababaihan ay magkatuwang ang mga tungkulin. Bawat isa sa atin ay may dalang kakaibang mga kaloob at talento para makatulong sa gawain ng kaharian at mapalakas ang isa’t isa. Ang kababaihan ay kalahati ng kamalig ng Panginoon, na mahalaga sa gawain. May hatid tayong isang pananaw at hangaring mag-ambag sa pagtatayo ng kaharian na nagsimula kay Eva, nagpatuloy kina Sarai, Rebeca, Esther, Maria, Elisabet, Emma, Eliza, at iba pang magigiting na kababaihan ng huling dispensasyong ito at noong unang panahon.
Sa pag-iisip natin tungkol sa kapangyarihan at impluwensya, ang kapangyarihan ay karaniwang nauugnay sa kapangyarihan ng priesthood. Ngunit ang impluwensya ng isang matwid na babae ay may hatid ding napakalaking kapangyarihan. Ang magagandang katangiang ito na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 121:41 na nag-aanyaya sa kapangyarihan ng priesthood ang magagandang katangiang nag-aanyaya sa kapangyarihan ng impluwensya ng isang babae—“paghihikayat,” “mahabang pagtitiis,” “kahinahunan at kaamuan,” at “pag-ibig na hindi pakunwari.” Ang mga bagay na ito ay likas sa ating banal na katangian, at naroon ang pagkakataon nating makaimpluwensya sa kabutihan sa nakaaantig na paraan.
Kapag nakiisa tayo sa ating mga kapatid sa priesthood, unti-unti tayong nagiging mga mamamayan ng Sion (tingnan sa Moises 7:18).
Sister Reeves: Kapag binasa natin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” makikita natin na ginagamit ng ating Ama sa Langit ang mga kalakasan ng kalalakihan at kababaihan ayon sa mga tungkulin at responsibilidad na magbabalik ng pinakamaraming bilang ng Kanyang mga anak sa Kanya.7 Ang layunin ng Relief Society ay tumutulong sa atin na gawin iyan.
6. Ano ang pakiramdam ng inyong presidency sa pagtulong sa mga propeta?
Sister Burton: Tulad ng si Jesucristo ang tagapagtanggol ng kababaihan sa Kanyang panahon, gayon din ang Kanyang mga Apostol sa ating panahon. Ang ating mga propeta ay masusing magdesisyon, laging hinihingi ang mungkahi at pananaw ng kababaihan sa Simbahan. Sana’y makita at marinig at madama ng bawat babae sa Simbahan ang nararanasan namin sa regular naming pakikihalubilo sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag. Sila ay tunay na mga disipulo, di-makasarili at masayang nag-aalay ng kanilang buhay sa Panginoon sa paghahangad na gawin ang Kanyang kalooban at magtiwala sa Kanyang takdang panahon. Madalas silang magpatotoo na ang Simbahang ito ay kay Jesucristo at na Siya ang namumuno at gumagabay rito.
Sister Reeves: Kapag kausap namin ang ating mga pinuno, na madalas mangyari, patuloy nila kaming hinihingan ng opinyon. Ang mga Kapatid sa mga council na ito ay nakikinig at nagpapahalaga sa sinasabi namin, at nakikipagtulungan para matamo ang iisang mithiin namin.
Sister Stephens: Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay mga natatanging saksi ni Jesucristo. Kilala Nila Siya. Nagiging katulad Niya sila. Kaya kung nais ninyong maunawaan ang pakikipag-ugnayan nitong mga lider ng kababaihan sa mga saksi ni Jesucristo, tingnan ang Kanyang halimbawa sa mga banal na kasulatan. Ipinagtanggol ni Jesucristo ang kababaihan, isinali ang kababaihan, at ginawang dakila ang kababaihan. Sa mga council na kasama ang mga Kapatid, madalas ko silang tingnan at naisip ko, “Maliit na bahagi ito ng maaaring maging pakiramdam na makasama ang Tagapagligtas.”
7. Ano ang kaugnayan ng espirituwal na kapangyarihan sa ating mga tipan?
Sister Stephens: Ang espirituwal na kapangyarihan ay dumarating sa atin sa pamamagitan ng mga ordenansang tinatanggap natin at mga tipang ginagawa natin. Nariyan din ang espirituwal na lakas na nagmumula sa pagtupad ng ating mga tipan.
Dumarating ang espirituwal na kapangyarihan kapag marapat tayong nakibahagi ng sakramento sa araw ng Linggo. Nangyayari ito kapag napapanibago natin ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon. Tinataglay natin ang Kanyang pangalan, “inaalala [siya],” sinusunod ang Kanyang mga kautusan, at sinisikap na palaging “mapasa[atin] ang kanyang Espiritu upang makasama [natin]” (D at T 20:77, 79).
Sister Burton: Tungkol sa espirituwal na kapangyarihang ito, sinabi ni Nephi, “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero” (1 Nephi 14:14). Hindi ba kapwa kasama sa katagang mga banal ang lalaki at babae?
Patuloy na sinabi ni Nephi sa talatang iyon na ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos ay “napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.” Tayo bilang “pinagtipanang mga tao”—kapwa kalalakihan at kababaihan—ay maaaring “sandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.” Ito ang banal na tadhana ng lahat ng anak ng Diyos na tumutupad ng tipan.
Sister Stephens: Ang pag-unawa sa ating tadhana ay matatagpuan sa mga sagot sa dalawang tanong: (1) Alam ba ninyo kung sino kayo? (2) Alam ba ninyo kung ano ang mayroon kayo? Kung naunawaan natin kung ano ang mayroon tayo, mauunawaan natin na nasa atin ang lahat ng kailangan natin. Sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan na ginagawa natin sa templo, nasa atin ang mga pagpapala, kapangyarihan, at awtoridad ng lahat ng bagay na nauukol sa priesthood. Hindi tayo inorden. Hindi natin alam kung bakit. Ang maorden sa priesthood mula sa ama patungo sa anak ay orden na ng Diyos noon pa mang panahon nina Adan at Eva.
Sister Reeves: Pinatototohanan ko na nauunawaan ng kababaihang tumutupad ng tipan na ibinigay na sa atin ng ating Ama ang lahat ng kailangan natin para makabalik sa Kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng paggawa at pagtupad ng mga tipan.
8. Ano ang pinakamahalagang bagay na gusto mong tandaan ng kababaihan ng Relief Society?
Sister Burton: Sa Doktrina at mga Tipan 45:3 sabi roon: “Makinig sa kanya na siyang tagapamagitan sa Ama, na siyang nagsusumamo sa inyong kapakanan sa harapan niya.”
“Kaya nga, Ama, iligtas ang mga kapatid kong ito na naniniwala sa aking pangalan, upang sila ay makaparito sa akin at magkaroon ng buhay na walang hanggan” (talata 5). Gustung-gusto ko ang pagmamalasakit ni Cristo sa atin. Isinasamo Niya ang ating kapakanan dahil mahal Niya tayo! Nais Niya tayong lumapit sa Kanya! Mahalin at palakasin natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at sa ating Ama sa Langit.
Bilang pinagtipanang mga anak na babae ng Diyos na nakakalat sa balat ng lupa ngayon, tayo ay nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos nang may dakilang kaluwalhatian. Habang inaalala ang ating layunin, nagagalak tayo sa at tumutupad ng ating mga tipan, ituturing tayong “natatangi at kakaiba—sa masayang paraan—mula sa kababaihan ng mundo,” at makakatulong tayong ihanda ang mundo sa pagbabalik ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.