Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Nagbibigay-kakayahang Kapangyarihan ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at maghangad ng inspirasyong malaman kung ano ang ibabahagi. Paano ihahanda ng pagkaunawa sa layunin ng Relief Society ang mga anak na babae ng Diyos para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan?
“Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13). “Bagaman lahat tayo ay may mga kahinaan, madaraig natin ang mga ito,” sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan. “Tunay ngang sa biyaya ng Diyos, kung magpapakumbaba tayo at mananampalataya, nagiging malakas ang mahihinang bagay.”1
Sabi ng ating Tagapagligtas sa Doktrina at mga Tipan, “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
“Si Nephi ay halimbawa ng isang taong nakaalam, nakaunawa, at umasa sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Tagapagligtas,” sabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Iginapos si Nephi ng kanyang mga kapatid at ipinlano ang pagpatay sa kanya. Alalahanin ang panalangin ni Nephi: ‘O Panginoon, alinsunod sa pananampalataya ko na nasa inyo, loobin ninyong maligtas ako mula sa mga kamay ng mga kapatid ko; oo, maging bigyan ninyo ako ng lakas upang malagot ko ang mga lubid na ito na gumagapos sa akin’ (1 Nephi 7:17; idinagdag ang pagbibigay-diin).
“… Hindi ipinagdasal ni Nephi na mabago ang nangyayari sa kanya. Sa halip, nagdasal siya na palakasin siya para mabago niya ang kanyang sitwasyon. At naniniwala ako na nagdasal siya sa ganitong paraan dahil alam niya, naunawaan, at naranasan ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
“Sa palagay ko hindi basta mahimalang nalagot ang mga gapos na nasa mga kamay at pulso ni Nephi. Sa halip, baka biniyayaan siya ng kapwa pagtitiyaga at lakas na higit pa sa kanyang likas na kakayahan, kaya’t ‘sa lakas ng Panginoon’ (Mosias 9:17) ay nabanat at napaluwag niya ang mga lubid, at sa huli ay literal na nalagot ang lubid.”2