Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Isang Aral mula kay Dandy
Mula sa Conference Report, Okt. 1968, 87; ginawang makabago ang pagbabantas at pagpapalaki ng mga titik.
Tulad ng ilang kabataan, ayaw ng kabayo kong si Dandy na marendahan.
Minsa’y nagmay-ari at nasiyahan ako sa pagte-train [ng isang magandang lahi ng kabayo na nagngangalang Dandy]. Maganda ang disposisyon nito, malinis, mabilog ang mga mata, maganda ang katawan, at sa kabuuan, isang pambihirang [hayop]. Kapag sinakyan siya, handa, tumutugon, at sumusunod siyang tulad ng isang mabait na kabayo. Palagi silang magkasama ng aso kong si Scotty. Natutuwa ako kapag nilalapitan niya ang isang bagay na kinatatakutan niya. Tiwala siya na kung susundin niya ang isinesenyas ko, hindi siya masasaktan.
Ngunit ayaw magparenda ni Dandy. Balisa siya kapag nakatali at nginangatngat ang lubid hanggang sa makalaya siya. Hindi siya tatakbo palayo; gusto lang niyang makalaya. Iniisip na gayon din ang pakiramdam ng iba pang mga kabayo, kinakalag niya ang tali nila. Ayaw niyang mamalagi sa pastulan, at kung may makita siyang lugar sa bakod na makinis lang ang alambre, dahan-dahan niyang tinatapakan ang alambre hanggang sa makahakbang siya patungo sa kalayaan. Maraming beses siyang ibinalik sa bukid ng mababait kong kapitbahay. Natutuhan pa niyang itulak ang tarangkahan para mabuksan. Bagama’t [madalas siyang makasira na] nakakapikon at kung minsa’y magastos, hanga ako sa kanyang talino at kahusayan.
Ngunit ang kanyang pagkamausisa at hangaring libutin ang buong kapaligiran ay nagbigay ng problema sa kanya at sa akin. Minsan sa highway nabundol siya ng kotse, na naging dahilan para mawasak ang sasakyan, masugatan ang kabayo, at masugatan nang kaunti, bagama’t hindi malubha, ang drayber.
Nang gumaling ang mga sugat, at sa hangarin pa ring gumala, inikot niya ang buong hangganan ng bakod. Nakita niya na pati tarangkahan ay naka-alambre. Kaya sumandali naming inakala na hindi makakalabas ng pastulan si Dandy.
Gayunman, isang araw, may nakaiwan sa tarangkahan na hindi naikabit ang alambre. Nang mapansin ito, inalis ni Dandy ang trangka, nagsama [ng isa pang kabayo], at magkasama silang namasyal sa bukid ng kapitbahay. Nagpunta sila sa isang lumang bahay na ginagamit na imbakan. Ang pagkamausisa ni Dandy ang naghikayat sa kanya na itulak ang pinto para mabuksan. Tulad ng kanyang hinala, may isang sako ng mga butil doon. Ang galing! Tama, at kaylaking trahedya! Ang mga butil ay may lason na pain sa mga daga! Sa loob ng ilang minuto nanakit nang husto ang mga kalamnan ni Dandy at ng kasama niya, at di-nagtagal ay pareho silang namatay.
Marami sa ating mga kabataan ang katulad ni Dandy! Hindi sila masama; ni wala silang balak na gumawa ng mali; ngunit pabigla-bigla sila, puno ng buhay, mausisa, at may nais silang gawin. Sila man ay [balisa] kapag hinigpitan, ngunit kung mapapanatili silang abala, magagabayang mabuti at sa tamang paraan, mapapatunayan na sila ay tumutugon at may kakayahan; kung hahayaan silang gumala nang walang gabay, madalas ay malalabag nila ang mga tamang alituntunin, na madalas humantong sa mga bitag ng kasamaan, kapahamakan, at maging sa kamatayan.