2009
Magsimula sa Pagdarasal
Oktubre 2009


Magsimula sa Pagdarasal

Naghahanap ng mga sagot? Sabi ng dalawang tinedyer na ito sa Ottawa, Canada, sa panalangin daw dapat magsimula.

Nang ikuwento ng 15-anyos na si Jenni na nasagot ang isang panalangin niya, nagsimula siya sa paghingi ng paumanhin. Nalulungkot siyang aminin na halos isang taon na siyang hindi regular na nagdarasal. Hindi mabuti ang mga nangyayari sa buhay niya—sa paaralan, sa kanyang mga kaibigan, kahit sa simbahan pa.

Isang gabi, paliwanag ni Jenni, gusto niyang manood ng pelikula. Yumukod siya para tingnan ang mga pelikula sa pinakaibabang lalagyan ng mga aklat nang makita niya ang larawan ng kanyang tito na hindi pa natatagalang namatay sa isang aksidente. Bigla, parang gusto niyang maiyak sa bigat ng lahat ng alalahanin niya. “Nalaman ko na lang noon na kailangan kong magdasal,” sabi ni Jenni. Lumuhod siya sa kanyang kinaroroonan at nagdasal.

Ipinaliwanag ni Jenni ang pagtanggap niya sa sagot: “Pagkatapos na pagkatapos ko, alam ko na ang mga sagot sa mga katanungan ko. Nadama ko na maayos nang muli ang lahat. Magiging maayos ang lahat. Maayos ang lahat sa tito ko. Nalaman ko na gustung-gusto kong mag-aral at mahal ko ang aking mga kaibigan. Pagkatapos kong magdasal, nalaman ko na kailangan kong magsimba dahil kailangan ko iyon. Talagang naantig ako sa nadama ko, at labis akong napanatag at sumigla. Alam ko na mahal ako ng aking Ama sa Langit at tutulungan Niya akong malagpasan ang mga pagsubok.”

Para kay Jenni, ang panalanging ito ang nais niyang sabihin noon pa pero hindi niya magawa-gawa. Ngayon, isipin lang niya ito, muli at muli niyang nadarama ang kapanatagan at katiyakan na ang sagot sa kanya ay nagmula sa Panginoon.

Si Jenni Holt ay taga-Ottawa, ang magandang kabiserang lungsod ng Canada na nasa mapunong pampang ng Ottawa River. Nakipag-usap siya at ang kanyang mga kaibigan mula sa Ottawa Ontario Stake sa mga magasin ng Simbahan kung paano nakakaapekto ang panalangin sa kanilang buhay.

Saan Nanggagaling ang mga Sagot?

Ang isa sa lubhang kawili-wiling mga bagay na pinag-usapan ng mga tinedyer mula sa Ottawa ay kung paano nasagot ang kanilang mga dalangin. Una, sabi ni Susan Brook, “Kung nais mong masagot, kailangan mo itong pakinggan.”

Sabi ni Susan kung minsan daw ay dumarating ang mga sagot sa kanya sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. May maganda siyang halimbawa: “Isang araw, talagang pagod lang ako, at masungit ako sa lahat. Ayaw kong magsalita. Naaalala kong nagbasa ako ng mga banal na kasulatan, ni hindi ko matandaan kung saan, at sabi roon, ‘Maging mapagpakumbaba ka.’ Naliwanagan ako. Iyon ang sagot sa akin.” (Tingnan sa D at T 112:10.)

Nakikinig na mabuti si Ariana Keith sa simbahan. “Palagay ko marami tayong dalanging nasasagot ng mga tagapagsalita sa simbahan,” wika niya. “Noong minsan gusto kong kumuha ng patriarchal blessing. Noong linggo bago ang takdang pagkuha ko nito, talagang nagpunta sa ward namin ang aming stake patriarch at nagsalita. Noon ko pa ito ipinagdarasal nang husto, at masaya akong mapakinggan siya.”

Sabi ni Mackenzie Loftus madalas masagot ang kanyang mga dalangin sa pamamagitan ng kanyang pamilya. Ipinagdasal niya ang isang desisyon ng pamilya, at “Agad kong nadama ang Espiritu, batid na ang desisyong gagawin namin ay tama.”

Kung minsan ang sagot ang talagang lumalapit na sa inyo. Nang lumipat si Thomas Francis at kanyang pamilya sa Ottawa, kinailangan niyang magkaroon ng mga bagong kaibigan sa bago niyang paaralan. Ipinagdasal niyang makakita siya ng mabubuting kaibigan. “Isang araw,” sabi ni Thomas, “lumapit sa akin ang kaklase kong ito at sinabing, ‘Gusto mong sumama at makilala ang mga kaibigan ko?’ Mula noon, naging magkaibigan na kami. Malaking tulong iyon sa akin.”

May mahalagang bagay na sinabi si Dawson Lybbert tungkol sa mga sagot sa mga dalangin. Sabi niya, “Kung minsan hindi mo nakukuha ang sagot na inaasahan mo, pero makukuha mo ang sagot na kailangan mo.” Kung minsan daw ay hindi ito agad malinaw sa iyo, pero lilinaw ito kapag nag-isip-isip ka.

Isang Taong Makakausap

Sabi ng ilang tinedyer masarap magkaroon ng pamilyang sama-samang nagdarasal. Gustung-gusto ni Kyffin de Souza ang sama-samang pagdarasal ng kanyang pamilya gabi-gabi. “May iskedyul kami kung sino na ang magdarasal. Dama ko ang Espiritu, at alam ko na kung wala ako sa bahay, ipinagdarasal nila ang kaligtasan ko.”

Gustung-gustong magdasal ni Bénédicte Bélizaire kasama ang mga magulang niya tuwing umaga. “Nagpupunta ako sa kuwarto nila, at nagdarasal kami,” wika niya. “May patotoo ako na sumasaakin ang Espiritu Santo, at kailanganin ko man ang tulong Niya, hihilingin ko iyon sa Ama sa Langit.”

Sabi ng kaibigan niyang si Ruth Decady, “Talagang mahalaga na kapag nagdarasal tayo, alam nating nakikinig ang Ama sa Langit. Nariyan Siya at nakikinig sa iyo.”

Gustung-gusto ni Katie Cameron ang damdaming dulot sa kanya ng pagdarasal. “Kapag kinakausap ko ang Panginoon, pakiramdam ko’y may isang taong talagang gusto akong kausapin. Alam kong masasabi ko sa Kanya kahit ano.”

Mga Dalangin para sa Iba

Nagsalita ang mga kabataang lalaki—lalo na ang mga nasa edad na ng priest gaya nina Ronan Filamont, Fred King, at Dawson at Davin Lybbert—tungkol sa kahalagahan at sagradong tungkuling mag-alay ng panalangin sa sacrament para sa mga miyembro ng kanilang mga ward at branch.

Sabi ni Dawson, “Sa pag-aalay ng panalangin sa sacrament mas malinaw mong maiisip ang kahalagahan nito. Taglay ko ang awtoridad na ito ng priesthood, at dama kong hindi ko ito puwedeng abusuhin.”

Naaalala ni Fred na nag-alay siya ng panalangin sa sacrament nang maorden siya bilang priest: “Mahirap noong una, at lagi akong nagkakamali. Minsan inulit-ulit ko pa ito. Pero ibinulong sa akin ng Espiritu na hindi mahalaga kung ilang beses ko itong inulit; masasabi ko rin iyon nang wasto paglaon. Masayang pakiramdam iyon.”

Kailangan ng Paghahanda sa Panalangin

Nagsalita ang ilang tinedyer tungkol sa mahahalagang bagay na kailangan nilang gawin para maghandang manalangin. May reperensya si Matt Larson sa banal na kasulatan na nakapako sa dingding ng kuwarto niya, Doktrina at mga Tipan 78:19: “Siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.” Ipinaalala nito sa kanya na magpasalamat sa mga bagay na ibinigay sa kanya ng Panginoon. Alam niya na kailangang maging bahagi ng kanyang mga dalangin ang pasasalamat.

Sabi ni Nick Moolenbeck, “Hindi nagiging mabisa ang panalangin kung basta na lang ako hihiling nang hindi ito pinag-iisipan at sinasambit nang buong puso at kaluluwa.”

Ang Mahimalang Kapangyarihan ng Panalangin

May magandang kuwento si Sierra Lybbert tungkol sa panalangin. Noong dalawang taon siya, natapakan ng kabayo ang kamay niya. Grabe ang pinsala ng hinlalaki niya, at nabiyak ang ilang daliri niya. Isinugod siya ng mga magulang niya sa iba’t ibang ospital sa paghahanap ng isang siruhanong handang gawin ang tila imposibleng pag-oopera. Sabi niya, “Sinabi ng isang doktor sa mga magulang ko na hindi nagdasal ang siruhano na magtagumpay siya. Sabi ng nanay ko hindi lang daw isa ang nagdasal na magtagumpay ang siruhano—marami. Tumawag ang nanay ko sa templo para idagdag ang pangalan ko sa prayer roll.”

Ngayon, sa edad na 13, nagagamit ni Sierra ang kamay niya. Nagagamit niya nang maayos ang kanyang hinlalaki, at itinaas niya ito para makita ng ilang batang babae sa kanyang ward. Hindi pa nila talaga naririnig ang kuwento. Ang nakikita lang nila sa kamay ni Sierra ay isang manipis at halos di-pansining peklat sa paligid ng dugtungan ng daliri sa kamay. Talagang kamangha-mangha ang resulta.

Sabi ni Sierra, “Masaya akong malaman ang nagawa ng panalangin sa akin. Napakagandang bagay nito sa buhay ko.”

Tila sang-ayon ang lahat kay Kale Loftus nang sabihin niyang, “Magandang kagawian ang pagdarasal.”

Itaas: Alam nina Bridgitte Leger, Jenni Holt, Dawson Lybbert, Dayna Conway, Rebekah Wagoner, at Alexander Richer-Brule, kasama ang ibang mga kabataan mula sa Ottawa Ontario Stake (kaliwa), na panalangin lang ang kailangan para matulungan ng Ama sa Langit.

Ibabaw, mula itaas: Sang-ayon sina Fred King at Ronan Filamont na ang panalangin sa sacrament ay sagrado at dapat sambitin nang mapitagan. Nagpapasalamat si Kyffin de Souza sa mga panalangin ng pamilya.

Nananalangin ng kapanatagan ang mga kabataan sa Ottawa sa mahihirap na panahon, ng tulong sa mga gawain sa paaralan at para sa mga kaibigan, at ng mga pagpapalang hangad nila. Alam nilang sinasagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin. “Kung minsan hindi mo nakukuha ang sagot na inaasahan mo,” sabi ni Dawson Lybbert, “pero makukuha mo ang sagot na kailangan mo.”

Itaas: Binabasa ni Matt Larson ang isang banal na kasulatan na nakapako sa kanyang dingding bago siya manalangin, at sabi naman ni Nick Moolenbeck kailangan daw pagsikapan ang panalangin.

Ibabaw, mula kaliwa: Sang-ayon sina Ruth Decady, Katya Gallant, at Bénédicte Bélizaire na magandang ideya ang hilingin sa Ama sa Langit na isugo ang Espiritu Santo. Ibaba: Gustung-gusto nina Katie Cameron, Carolyn Albers, at Sierra Lybbert ang nadarama nila kapag nagdarasal sila.

Pakikinig, ni Michael Jarvis Nelson

Mga larawang kuha ni Janet Thomas