2009
Ako? Isang Pastol sa Israel?
Oktubre 2009


Ako? Isang Pastol sa Israel?

Naging saksi at kalahok ako sa libu-libong pagbisita para maglingkod. Pinatototohanan ko ang kagila-gilalas na pagbuhos ng Espiritung kasama nila.

Elder Daniel L. Johnson

Isa sa mga gawing nagpapatangi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay pagkakaroon ng mga lider na walang bayad. Wala tayong binabayarang mga lider sa mga ward, branch, stake, at district ng Simbahan; bagkus, mga miyembro mismo ang naglilingkod sa isa’t isa.

Bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may tungkuling maging pastol sa Israel. Ang mga miyembrong-lider ay naglilingkod sa mga bishopric at branch presidency, bilang mga priesthood at auxiliary leader, mga klerk at secretary, iba’t ibang klase ng guro—pati na mga home at visiting teacher—at sa maraming iba pang kapasidad.

May ilang bagay na karaniwan sa mga pastol na walang bayad. Bawat isa ay mga tupang aarugain, hihikayatin, at paglilingkuran. Bawat isa ay tinawag ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang hinirang na mga lingkod. Bawat isa ay mananagot sa Panginoon sa tungkuling ipinagkatiwala sa kanya bilang pastol.

Paghahanap sa Nawawalang Tupa

Nilisan ni Joseph Serge Merilus ang kanyang tinubuang bayang Haiti sa edad na 19 at lumipat sa Dominican Republic noong 1980 para maghanap ng trabaho. Labingwalong buwan pagkaraan bumalik siya sa Haiti, umibig, at nagbalik sa Dominican Republic kasama ang kanyang pinakasalan, si Marie Reymonde Esterlin.

Nang simulan nila ang kanilang buhay-mag-asawa sa bago nilang bansa, nakaramdam ng pananabik sa espirituwal na bagay si Joseph. Binisita nila ni Marie ang ilang simbahan sa paghahanap ng tutugon sa kanilang pananabik sa espirituwal, ngunit dahil nagsasalita sila ng Haitian Creole sa isang bansang Espanyol ang salita, nahirapan silang makaintindi at maintindihan. Kalaunan nakausap nila ang dalawang misyonerong Banal sa mga Huling Araw, na inanyayahan sila sa simbahan. Matapos dumalo sa ilang miting sina Joseph at Marie, matiyaga silang tinuruan ng mga misyonero ng mga talakayan sa Espanyol, at nabinyagan sila noong Setyembre 1997.

Natawag si Joseph sa Sunday School presidency, pagkatapos ay bilang tagapayo sa branch presidency, at kalaunan ay bilang branch president. Ngunit dahil sa sunud-sunod na di-pagkakaunawaan at sama ng loob, na karamihan ay dulot ng maling pagkaunawa, hindi na naging aktibo sina Joseph, Marie, at lima nilang anak at nalimutan na sila ng karamihan sa mga miyembro ng Simbahan sa lugar.

Sa sumunod na pitong taon, nagkaroon pa ng apat na anak ang mag-asawa at pinatira sa bahay nila ang isang pamangking lalaki at isang pamangking babae mula sa Haiti. Sa matinding pagsisikap naging bihasa si Joseph sa Espanyol at Ingles at nagsimulang magturo ng Ingles at Haitian Creole sa isang lokal na kumpanya.

Noong Agosto 2007 nagpunta ang dalawang priesthood leader, na naghahanap ng mga nawawalang tupa ng Panginoon, sa may pintuan ng pamilya. Natuklasan nila na may patotoo pa rin sina Joseph at Marie sa ebanghelyo, kahit pitong taon na silang hindi dumadalo sa mga miting. Inanyayahan ng mga lider ang pamilya na bumalik sa simbahan, na ginawa nila kinabukasan mismo—lahat silang 13. Nagsimba na sila mula noon.

Ngayo’y si Joseph na ang branch mission leader sa Barahona, na nasa timog kanlurang bahagi ng Dominican Republic. Ang dalawa niyang panganay na anak ay naglilingkod din sa pamunuan ng branch, at ang kanyang pamangking lalaki, na isang bagong orden na elder, ang Young Men president. Kamakailan ay naglakbay ang pamilya papunta sa templo, kung saan sila ibinuklod bilang walang hanggang pamilya.

Isipin na lang ninyo, natagpuan na ang 13 nawawalang tupa dahil sa dalawang miyembrong-lider na handang hanapin, arugain, at ibalik ang pamilyang ito sa kawan ng Panginoon. Inakay sila papunta sa tahanang ito tulad ng pag-akay sa akin at sa inyo sa paghahanap natin sa nawawalang tupang pananagutan natin.

Naging saksi at kabahagi ako sa libu-libong pagbisita para maglingkod. Pinatototohanan ko ang kagila-gilalas na pagbuhos ng Espiritung kasama nila. Nakita ko nang magbalik ang maraming nawawalang tupa at nagalak sa pagtanggap sa kanilang muli pabalik sa kawan. Nakita ko nang maantig ang mga puso, masambit ang mga basbas, tumulo ang mga luha, maibahagi ang mga patotoo, maialay at masagot ang mga dalangin, at maipahayag ang pagmamahal. Nakita ko nang magbago ang mga buhay.

Pagpapakain sa mga Kawan

Sa pagitan ng 592 at 570 B.C., kinausap ng Diyos ang Kanyang propetang si Ezekiel hinggil sa pabayang mga pastol. Dahil sa kanilang kapabayaan, nangakalat ang kawan. Sa mga pastol na yaon, sinabi ng Panginoon:

“Anak ng tao, manghula ka laban sa mga pastor ng Israel, manghula ka, at iyong sabihin sa kanila, sa mga pastor, Ganito ang sabi ng Panginoong Dios [sa] aba ng mga pastor[:] … hindi baga dapat pakanin ng mga pastor ang mga tupa? …

“Hindi ninyo pinalakas ang payat, o inyo mang pinagaling ang may sakit, o inyo mang tinalian ang may bali, o inyo mang ibinalik ang iniligaw, o inyo mang hinanap ang nawala. …

“… Oo, ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa; at walang magsiyasat o humanap sa kanila.

“Ganito ang sabi ng Panginoong Dios; … aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay” (Ezekiel 34:2, 4, 6, 10).

Sa maraming kadahilanan, tayo ay naging mga miyembrong ang tinitingnan lang ay ang mga nagsisimba sa chapel. Pinagsusumikapan nating maglaan ng espirituwal at emosyonal na pag-aaruga sa mga nagsisimba, ngunit paano iyong mga naligaw ng landas papunta sa kapilya?

Kung nakatanggap ako ng tawag na maglingkod sa Simbahan, mayroon akong mga tupa na aking banal na obligasyong pagministeryuhan at paglingkuran. Halimbawa, bilang guro isa akong pastol hindi lamang sa mga dumadalo sa klase ko kundi maging sa mga hindi dumadalo. May responsibilidad akong hanapin sila, kilalanin sila, kaibiganin sila, magministeryo sa kanilang mga pangangailangan, at ibalik sila sa kawan.

Pag-akay sa Kanila Pabalik

Bilang mga miyembrong-lider makabubuting tandaan at pagbulayan natin ang mga turo sa Lucas 15. Sa kabanatang iyon itinuro ng Panginoon ang talinghaga ng nawawalang tupa, nawawalang baryang pilak, at alibughang anak. Ang tatlong ito ay nauugnay sa “[yaong] nawala” at muling natagpuan. Sa talinghaga ng nawawalang tupa, iniutos ng Panginoon:

“Aling tao sa inyo, na kung mayroong isang daang tupa, at mawala ang isa sa mga yaon, ay hindi iiwan ang siyam na pu’t siyam sa ilang, at hahanapin ang nawala, hanggang sa ito’y kaniyang masumpungan?

“At pagka nasumpungan niya, ay pinapasan niya sa kaniyang balikat, na natutuwa.

“At paguwi niya sa tahanan, ay titipunin niya ang kaniyang mga kaibigan at ang kaniyang mga kapitbahay, na sasabihin sa kanila, Makipagkatuwa kayo sa akin, sapagka’t nasumpungan ko ang aking tupang nawala.

“Sinasabi ko sa inyo, na gayon din magkakatuwa sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kay sa siyam na pu’t siyam na taong matutuwid na di nangagkakailangang magsipagsisi” (Lucas 15:4–7).

Sa talinghaga, iisang tupa lamang ang naligaw at nawala, ngunit bihirang mangyari iyon sa ating mga ward at branch. Gayunman, ang pagsasabuhay sa talinghaga ay gayon pa rin, ilan man ang mga tupang napalayo mula sa kawan.

Hindi binanggit sa talinghaga kung gaano katagal ang paghahanap. Sa mga pagsisikap natin bilang pastol, may ilang tupang babalik matapos mabisita nang minsan, samantalang may ibang kakailanganin ng mga taon ng palagian at magiliw na panghihikayat.

Sa proseso ng paghahanap sa ating mga kapatid, huwag sana nating kalimutan na ang tupang ating “[ibinabalik] … sa kawan” ay “nasa puso ng Pastol.”1 Kilala Niya ang bawat isa sa kanila. Minamahal Niya ang bawat isa sa kanila nang may sakdal na pagmamahal. Dahil sila ay sa Kanya, tayo ay Kanyang gagabayan, tatagubilinan, at bibigyan ng inspirasyon kung ano ang sasabihin kung magtatanong tayo at makikinig sa tinig ng Espiritu. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maraming tutugon nang positibo kapag taos-puso at mapagkumbaba tayong tumutulong.

Nawa’y matandaan natin ang ating mga responsibilidad bilang mga pastol upang makapanagot tayo nang maayos sa Panginoon hinggil sa pag-aalaga natin sa mga tupang ipinagkatiwala Niya sa atin.

Tala

  1. “Nasa Puso ng Pastol,” Mga Himno, blg. 134.

Detalye mula sa Ang Daan Patungong Betlehem, ni Joseph Brickey; kanan: detalye mula sa Cain at Abel, ni Robert T. Barrett

Hindi na Nawawala, ni Greg K. Olsen, hindi maaaring kopyahin; paglalarawan ni Laureni Fochetto