Pagpapatotoo
Maria Kaneva, Blagoevgrad, Bulgaria
“Ako muna,” sinasabi ni Irinka tuwing unang Linggo ng buwan. Habang nakahawak nang mahigpit sa silya at punung-puno ng kasabikan ang mga mata, lumalakas ang loob niya. Si Irinka ay siyam na taong gulang lamang, pero tila siya ang pinakamatapang sa walong miyembrong regular na nagsisimba sa kanyang branch sa Bulgaria.
Bago siya tumayo, karaniwa’y naghihintay si Irinka na may maunang iba na magpatotoo. Lihim siyang susulyapan ng lahat at hihintayin siyang magpunta sa harapan. Sa huli, may malaking ngiti sa mga labi, lalakad na siya papunta sa harapan. Bibigyan siya ng branch president ng silyang tuntungan para makita niya ang mga miyembro. Titingin si Irinka, ang tanging bata sa Primary, sa maliit na kongregasyon at magsasalita.
Hindi siya kinakabahan na nakatingin ang lahat sa kanya. Nakikinig ang mga miyembro sa malambing niyang boses. Kapag binabanggit niya si Cristo, ang mga banal na kasulatan, at pagiging totoo ng Simbahan, naiimpluwensyahan niya ang patotoo ng iba.
Pag-upo niya, tahimik ang lahat at tila naantig ng Espiritu ang puso ng iba. Pagkatapos ay tatayo naman ang isa sa mga miyembro para magpatotoo, at susunod naman ang isa at ang isa pa …