Karapat-dapat Hintayin
Pagpasok ko sa Buenos Aires Argentina Temple kasama ang mga kabataan ng aking ward para magpabinyag para sa mga patay, naghintay kami nang ilang minuto sa silid-tanggapan. Pagkatapos ay sinabihan kami ng mga temple worker na bumaba sa bulwagan kung saan naroon ang ilang silya at muling maghintay roon.
Dahil Sabado, maraming nagpunta sa templo mula sa lahat ng dako ng Argentina. Naghintay kami roon nang dalawa’t kalahating oras, na tahimik lang na nakaupo. May ilang napakapangit na ideyang pumasok sa isipan ko: “Paano nila naatim na paghintayin kami nang ganito katagal? Pagod ako, at mas mabuti yatang hindi na lang ako nagpunta, dahil sayang lang ang oras ko.”
Tumayo ako at nagsimulang bumaba sa bulwagan. Di nagtagal isa sa mga worker ang lumabas at nagsabing: “Mga kabataan, huwag sana kayong mainip. Naiintindihan ko na matagal na kayong naghihintay, pero alam ba ninyo? Sa daigdig ng mga espiritu milyun-milyong tao ang napakatagal nang naghihintay sa sandaling ito, at tinitiyak ko sa inyo na sabik na sabik na silang mabinyagan. Nagbibinyag at nagkukumpirma ang kalalakihan, at ginagawa nila ang makakaya nila.”
Nang sabihin niya ito, napahiya ako. Natanto ko na naging makasarili ako dahil ayaw kong bigyan ng oras ang mga taong iyon na napakatagal nang naghihintay at hindi nagkaroon ng pagkakataong marinig ang tungkol sa tunay na Simbahan at mabinyagan sa lupa.
Muling lumabas ang worker, at nagtawag na ng mga pangalan mula sa aming ward. Binigyan kami ng isang babae ng puting kasuotan na medyo kasya naman. Nang makapagbihis na kami, tinalian niya ng puting tali ang buhok namin.
Pagkatapos, nakayapak kaming lumakad papunta sa mga upuan sa bautismuhan. Napakalambot at napakakapal ng mga carpet kaya para kaming nakaangat sa lupa.
Noong ako na ang bibinyagan, kinabahan ako na para bang araw iyon ng sarili kong binyag. Pero napakabait ng mga worker at malaki ang pasensya nila sa bawat isa sa amin na talagang kahanga-hanga.
Pag-ahon ko sa bautismuhan, isang babae ang naghihintay sa akin na may dalang puting tuwalya at nakangiti. Nagbihis ako at nagtungo sa isang silid kung saan ako kinumpirma. Sinamahan ako ng babaeng nagbigay sa akin ng tuwalya at pinasalamatan ako sa pagiging handa na gawin ang gawain ng Panginoon.
Nang lisanin ko ang templo, natanto ko na isa iyon sa pinakamagagandang karanasan ko sa buhay. Ang templo ay isang banal na lugar at naroon ang Espiritu ng Panginoon, na namamahala sa Kanyang dakilang gawain. Karapat-dapat itong hintayin.