2009
Pagkakaroon ng Lakas sa pamamagitan ng Pagsunod
Oktubre 2009


Mensahe ng Unang Panguluhan

Pagkakaroon ng Lakas sa pamamagitan ng Pagsunod

President Thomas S. Monson

Sa mundo natin ngayon, ang pinagtutuunan ay kung paano manatiling bata. Lahat ay gustong magmukhang bata, madamang bata pa sila, at maging bata. Sa katunayan, napakalaki ng perang ginagastos bawat taon para sa mga produktong inaasahan ng mga tao na pagmumukhain silang bata pa. Makabubuting itanong natin sa sarili, “Bago ba ang pagsasaliksik kung paano manatiling bata sa ating panahon, sa ating henerasyon?” Kailangan lang nating basahin ang mga aklat ng kasaysayan para makita ang ating kasagutan.

Ilang siglo na ang nakararaan, noong panahon ng paggagalugad, ang mga ekspedisyon ay planado at sinuplayan at ang mga barkong lulan ang mga tripulanteng malalakas ang loob at mapagsapalaran ay naglalayag sa mapanganib na karagatan para hanapin ang literal na bukal ng kabataan. Nangako ang alamat ng panahong iyon na doon sa “malalayong lupain” ay may mahiwagang bukal na may napakadalisay na tubig, at ang dapat lang gawin ng isang tao para mabalik ang sigla ng kabataan at mapanatili ang siglang ito ay uminom ng maraming tubig na dumadaloy mula sa bukal na ito.

Si Ponce de LeĂłn, na naglayag kasama ni Colombo, ay muling naglakbay para maggalugad, na naghahanap sa Bahamas at iba pang lugar sa Caribbean na buo ang paniniwala sa alamat na matatagpuan ang elixir na ito ng kabataan. Walang natuklasang gayon ang kanyang mga pagsisikap, tulad ng marami pang iba, dahil sa banal na plano ng ating Diyos, naging mortal tayo at minsan lang daraan sa pagkabata.

Ang Bukal ng Katotohanan

Bagaman walang bukal ng kabataan na buong talino nating mahahangad, may isa pang bukal na naglalaman ng mas mahalagang tubig, maging ng mga tubig ng buhay na walang hanggan. Ito ang bukal ng katotohanan.

Nailarawan ng isang makata ang tunay na kahalagahan ng pagsasaliksik sa katotohanan nang isulat niya ang walang kamatayang mga taludtod na ito:

Katotohana’y pinakamaningning

Na gantimpalang mahahangad.

Ito ay sa kailaliman mo hanapin,

O kaya’y sa kaitaasan mo tunguhin,

Asam na pinakamarangal. …

Katotohanan ang huli at una,

Di mababago ng panahon.

Langit ma’y pumanaw, at mundo’y magiba,

Ang katotohana’y hindi masisira;

Buhay nati’y ito ang layon.1

Sa isang paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa Kirtland, Ohio, noong Mayo ng 1833, ipinahayag ng Panginoon:

“Ang katotohanan ay kaalaman ng mga bagay sa ngayon, at sa nakalipas, at sa mga darating pa; …

“Ang Espiritu ng katotohanan ay sa Diyos. … Siya [si Jesus] ay tumanggap ng kabuuan ng katotohanan … ;

“At walang taong tatanggap ng kabuuan maliban kung siya ay sumusunod sa kanyang mga kautusan.

“Siya na sumusunod sa kanyang mga kautusan ay tumatanggap ng katotohanan at liwanag, hanggang sa siya ay maluwalhati sa katotohanan at malaman ang lahat ng bagay.”2

Hindi kailangan sa naliwanagang panahong ito, na naipanumbalik na ang kabuuan ng ebanghelyo, na kayo o ako ay maglayag sa mapanganib na karagatan o maglakbay sa mapanganib na mga daan para hanapin ang bukal ng katotohanan. Dahil naiplano na ng isang mapagmahal na Ama sa Langit ang ating landas at nailaan na ang isang walang-mintis na mapa—pagsunod!

Malinaw na inilarawan ng Kanyang inihayag na salita ang mga pagpapalang dulot ng pagsunod na iyon at ang di-maiiwasang sakit ng loob at kawalang-pag-asang kasama ng manlalakbay na lilihis tungo sa mga bawal na landas ng kasalanan at pagkakamali. Sa isang henerasyong nakabaon na sa tradisyon ng pagsasakripisyo ng mga hayop, matapang na ipinahayag ni Samuel, “Ang pagsunod ay maigi kay sa hain, at ang pagdinig kay sa taba ng mga tupang lalake.”3

Alam ng mga propeta, na sinauna at makabago, ang lakas na nagmumula sa pagsunod. Isipin si Nephi: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon.”4 O ang magandang paglalarawan ni Mormon sa lakas na taglay ng mga anak ni Mosias:

“Sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.

“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.”5

Sundin ang mga Utos

Pinagbilinan tayo ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), sa isa sa mga pambungad niyang mensahe sa mga miyembro ng Simbahan sa isang pangkalahatang kumperensya, para sa ating panahon nang napakasimple ngunit lubos na makapangyarihan: “Sundin ang mga utos ng Diyos.”6

Gayon kabigat ang mensahe ng ating Tagapagligtas nang ipahayag Niya, “Sapagkat lahat ng magkakaroon ng pagpapala sa aking mga kamay ay susunod sa batas na itinakda para sa pagpapalang yaon, at ang mga batayan nito, gaya ng pinasimulan bago pa ang pagkakatatag ng daigdig.”7

Ang mga ginawa mismo ng Panginoon ang nagpatibay sa Kanyang mga salita. Ipinakita Niya ang tunay na pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng sakdal na pamumuhay, sa paggalang sa Kanyang sagradong misyon. Kailanma’y hindi Siya nagyabang. Kailanma’y hindi Siya nagmalaki. Kailanma’y hindi Siya nagtraidor. Palagi Siyang mapagkumbaba. Palagi Siyang taos. Palagi Siyang tapat.

Bagaman tinukso Siya ng dalubhasa sa panlilinlang, maging ng diyablo; bagaman nanghina ang Kanyang katawan sa pag-aayuno nang 40 araw at 40 gabi at “sa wakas ay nagutom;” subalit nang handugan ng diyablo si Jesus ng lubhang nakabibighani at nakatutuksong mga alok, ipinakita Niya sa atin ang banal na halimbawa ng pagsunod sa pagtangging lumihis sa alam Niyang tama.8

Nang magdusa Siya sa Getsemani, kung saan tiniis Niya ang napakatinding sakit na ang Kanyang pawis ay tila malalaking patak ng dugo sa lupa, ipinakita Niya ang halimbawa ng masunuring Anak sa pagsasabing, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.”9

Kay Pedro sa Galilea, sinabi ni Jesus, “Magsisunod kayo sa hulihan ko.” Gayon din ang utos kay Felipe, “Sumunod ka sa akin.” At sa publikanong si Levi, na nakaupo sa paningilan ng buwis, dumating ang paanyayang ito, “Sumunod ka sa akin.” Maging sa taong humabol sa kanya, yaong maraming pag-aari, dumating din ang mga salitang, “Sumunod ka sa akin.”10 At sa inyo at sa akin sinabi ng tinig ding ito, ng Jesus ding ito, “Sumunod ka sa akin.” Handa ba tayong sumunod?

Ang pagsunod ay tatak ng mga propeta, ngunit dapat malaman na ang pinagmumulang ito ng lakas ay nasa atin ngayon.

Isang Makabagong Halimbawa

Ang taong lubos na natutong sumunod, na nakatagpo sa bukal ng katotohanan, ay isang mabait at tapat na taong hamak ang kalagayan at sitwasyon. Sumapi siya sa Simbahan sa Europa at, sa masigasig na pag-iimpok at pagsasakripisyo, nandayuhan siya sa North America—sa isang bagong lupain, kakaibang wika, ibang kaugalian, ngunit iisang Simbahan sa pamumuno ng iisang Panginoon, na kanyang pinagtiwalaan at sinunod. Siya ang naging branch president ng maliit na grupo ng naghihirap na mga Banal sa isang lungsod na walang pakialam sa iba. Sinunod niya ang programa ng Simbahan, kahit kakaunti ang mga miyembro at napakaraming gawain. Nagpakita siya ng halimbawa sa mga miyembro ng kanyang branch na talagang tulad ng kay Cristo, at tumugon sila nang may pagmamahal na bihirang makita.

Naghanapbuhay siya bilang mangangalakal. Kakaunti ang kita niya, ngunit lagi siyang nagbabayad ng buong ikapu at bukas-palad na nag-aambag. Nagpasimula siya ng missionary fund sa maliit niyang branch, at sa loob ng ilang buwan, siya lamang ang tanging nag-aambag. Noong may mga misyonero sa kanyang lungsod, pinakain niya sila, at hindi nila nilisan ang kanyang bahay kailanman na wala siyang natatanggap na donasyon sa kanilang gawain at kapakanan. Ang mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa malalayo na naparaan sa kanyang lungsod at bumisita sa kanyang branch ay laging tumatanggap ng kanyang kagandahang-loob at magiliw na pagtanggap at nagpapatuloy sa kanilang biyahe na nalalamang nakilala nila ang isang pambihirang tao, isa sa mga masunuring lingkod ng Panginoon.

Yaong mga nangulo sa kanya ay tumanggap ng malaking paggalang at sobrang pangangalaga niya. Para sa kanya sila ay mga sugo ng Panginoon; naglingkod siya sa ikagiginhawa nila at lalo nang maalalahanin sa kanyang mga panalangin—na napakadalas—para sa kanilang kapakanan. Isang araw ng Sabbath sumama sa kanya ang ilang lider na bumisita sa kanyang branch na hindi kukulangin sa isang dosenang panalangin sa iba’t ibang miting at mga pagbisita sa mga miyembro. Iniwan siya ng mga lider sa pagtatapos ng araw na iyon na masiglang-masigla sa espirituwal na nanatili sa buong apat-na-oras na pagbibiyahe nila sa malamig na panahon at ngayon, pagkaraan ng maraming taon, kapag naaalala ang araw na iyon ay nagpapasigla pa rin ng espiritu at nagpapasaya ng puso.

Hinanap ng mga taong may pinag-aralan, mga taong may malawak na kaalaman ang hamak at hindi nakapag-aral na taong ito ng Diyos at mapalad daw sila kung makakasama nila ito nang isang oras. Karaniwan ang hitsura niya; pautal-utal siyang mag-Ingles at medyo mahirap itong unawain; simple lang ang bahay niya. Wala siyang kotse o telebisyon. Hindi siya sumulat ng mga aklat at nangaral ng mahuhusay na sermon at walang ginawang anuman na karaniwang pinapansin ng mundo. Subalit nag-uunahang makarating sa kanyang pintuan ang mga nananalig. Bakit?” Dahil nais nilang makainom sa kanyang bukal ng katotohanan. Hindi nila gaanong hinangaan ang sinabi niya kundi ang kanyang ginawa, hindi ang laman ng mga sermong ipinangaral niya kundi ang bisa ng kanyang pamumuhay.

Ang malaman na ang isang dukha ay palagi at masayang nagbibigay ng di kukulangin sa dobleng ikapu sa Panginoon ay nagpapaunawa sa isang tao sa tunay na kahulugan ng ikapu. Ang makita siyang nagmiministeryo sa gutom at kumakandili sa estranghero ay nagpapakita sa isang tao na ginawa niya ito tulad ng gagawin niya sa Panginoon. Ang makapagdasal kasama siya at maging bahagi ng pagtitiwala niya sa banal na inspirasyon ay pagdanas ng isang bagong pamamaraan sa komunikasyon.

Masasabing sinunod niya ang una at dakilang utos at ang pangalawang katulad nito,11 na ang kanyang sisidlan ay puno ng pag-ibig sa lahat ng tao, na puspos ng kabanalan ang kanyang isipan nang walang humpay at, dahil dito, lumakas ang pagtitiwala niya sa harapan ng Diyos.12

Kitang-kita sa taong ito ang kabutihan at kabanalan. Ang kanyang lakas ay nagmula sa pagsunod.

Ang lakas na marubdob nating hangad ngayon para matugunan ang mga hamon ng kumplikado at nagbabagong mundo ay mapapasaatin kapag tayo ay tumayo at nagpahayag, nang may katatagan at ganap na tapang, kasama ni Josue, “Sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.”13

Kaliwa: larawang kuha ni Matthew Reier; Larawan ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; kanan: paglalarawan ni Jerry Thompson

Detalye mula sa Tinatawag ni Cristo sina Pedro at Andres, ni James Taylor Haywood, sa kagandahang-loob ng Church History Museum