Ang Pribilehiyo Kong Maglingkod
Bago nagbukas ang Recife Brazil Temple para sa isa pang araw ng pangangasiwa sa nakapagliligtas na mga ordenansa, gumising ang 70-anyos na si María José de Araújo upang maghanda para sa isa pang araw ng di-makasariling paglilingkod.
Para makarating sa templo, kailangang magbiyahe nang isang oras at kalahati si María sa apat na iba’t ibang bus mula sa bahay niya sa Cabo de Santo Agostinho, timog ng Recife, sa hilagang silangang baybayin ng Brazil. Pero bago siya makaalis, naghahanda siya ng pagkain at iba pang mga kailangan para sa isang bulag na pinsan na inaalagaan niya sa bahay.
“Si María ay isang mabuting halimbawa ng paglilingkod sa iba,” sabi ni Cleto P. Oliveira, temple recorder. “Mula nang ilaan ang templo noong Disyembre 2000, nagboluntaryo na siyang maglingkod dito araw-araw tuwing bukas ang templo. Nagpupunta rin siya kahit pista opisyal.”
Mula alas-7:00 n.u. hanggang alas-3:00 n.h. tuwing Martes hanggang Sabado, naghuhugas ng mga pinggan at gumagawa ng mga salad si María sa kantina ng templo. Gusto pa raw sana niyang magtrabaho, pero dahil sa layo ng biyahe pauwi, kailangan niyang umalis nang maaga para makauwi bago dumilim.
Sinasabihan ni Brother Oliveira si María na hindi niya kailangang pumunta sa templo araw-araw, pero inaamin niya na kakailanganin niya ng dalawang tao para ipalit sa kanya. “Ngumingiti lang siya at sinasabing inilaan na niya ang kanyang buhay sa Panginoon,” wika niya.
Para kay María, ang paglilingkod sa templo araw-araw ay isang dakilang pribilehiyo.
“Pinagpala ako ng aking Ama sa Langit ng mabuting kalusugan, at mithiin kong patuloy na pumunta araw-araw basta’t kaya ng katawan ko,” wika niya. “Nakipagtipan na akong ilaan ang lahat ng talento at kakayahan ko sa paglilingkod sa Panginoon. Pag-uwi ko sa bahay pagkatapos maglingkod sa templo, hindi ako napapagod. Pinagpala ako ng Panginoon sa gayong paraan.”
Noon, habang naglilingkod nang anim na taon sa family history center ng ward nila, sinaliksik ni María ang angkan niya. Pagkatapos, sa maraming Sabado ng umaga bago magtrabaho sa kantina ng templo, isinagawa niya ang gawain sa templo para sa mga patay para sa apat na henerasyon ng kanyang mga ninunong babae. Natapos din niya ang gawain para sa apat na henerasyon ng mga ninuno niyang lalaki.
Nang simulan niyang saliksikin ang kasaysayan ng kanyang pamilya, nadama ni María na imposible ang gawaing iyon—lalo na nang hindi niya matukoy ang mga pangalan ng dalawa niyang ninuno. Ngunit isang gabi inihayag sa kanya ang kumpleto nilang mga pangalan sa isang panaginip. Noong una inisip niya kung tama ba ang mga pangalan, pero nang magsaliksik siya sa mga talaan ng nanay niya, natagpuan niya ang mga pangalan at napag-ugnay-ugnay niya ang pamilya na hindi niya magawa noon. Naniniwala siya na ang panaginip ay isang pagpapala sa mga pagsisikap niyang maglingkod sa Panginoon at sa Kanyang mga anak.
“Ang templo ang buhay ko,” sabi ni María. “Ang mga taong hindi nagpupunta sa templo ay hindi natatamasa ang dakilang oportunidad at pagpapala. Sa paglilingkod sa templo, nauunawaan natin ang tunay na kahulugan at kapangyarihan ng templo.”