Lugar ng Kapayapaan
Para sa dalawang dalagitang ito sa Dominican Republic, ang templo ay higit pa sa isang magandang gusali. Malinaw rin itong paalala ng kanilang pinakamagagandang mithiin at pangarap.
Naaalala pa ni Dilcia Soto, 16, ang araw na inilaan ang templo sa kanyang bayang tinubuan ng Santo Domingo sa Dominican Republic: “Siyam na taon lang ako noon, pero sabi ko, ‘Wow! May templo na!’ Sanay akong makakita ng mga taong nangibang-bansa para mabuklod at makipagtipan. Naisip ko, ‘Ngayon hindi na kami kailangang mangibang-bansa ng pamilya ko dahil may sarili na kaming templo sa malapit.’”
Sa ngayon maringal na nakatayo ang templo sa kabiserang lungsod, kapansin-pansin ito dahil sa patulis na tore at malinis na bakuran kaya akala ng maraming taong dumaraan ay katedral ito. Masayang ipinaliwanag ni Dilcia na mas sagrado pa ito kaysa roon. Sa bakuran ng templo ay may tahimik na karingalan na taliwas sa kaguluhan ng mga lansangan at palengke sa bayan.
Sa lugar na ito ng kapayapaan nagpunta si Dilcia at ang kaibigan niyang si Kelsia St. Gardien, 14, hindi pa natatagalan. Kapwa sila mga miyembro ng Mirador Ward ng Santo Domingo Dominican Republic Independencia Stake. Kapwa sila nakapunta na sa templo para magpabinyag para sa mga patay. Pero sa araw na ito nagpunta lang sila para maglakad sa hardin, mag-usap, at madama mula sa labas ng gusali ang Espiritung nasa loob ng templo.
Mga Hangarin ni Dilcia
“Malaki ang pagmamahal ko sa Panginoon, at labis akong nagpapasalamat sa nagawa Niya sa buhay ko,” sabi ni Dilcia. “Ang pamilyang pinagmulan ko ay mga miyembro ng Simbahan, pero hindi ang mga tita, tito, at pinsan ko. Kapag nagpupunta sila sa bahay namin, lagi kong inihahanda ang Aklat ni Mormon dahil baka sakaling magkaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa kanila.” Ibinabahagi rin niya ang ebanghelyo sa mga kaibigan at sa “sinumang taong makikilala ko na talagang interesado.” At tuwing gagawin niya iyon, sinasabi niya, “Nadarama ko nang matindi ang Espiritu. Tuwing magpapatotoo ako, muli kong nadarama ang katotohanan ng Simbahan.”
Naaalala niya ang isang seminary lesson tungkol sa plano ng kaligtasan. “Bago nalikha ang mundong ito, tayo ay nasa malaking Kapulungan sa Langit, at pinili nating sundin ang ating Ama sa Langit at tanggapin ang sakripisyong gagawin ni Jesucristo alang-alang sa atin,” wika niya. “Ipinaliwanag ng guro namin na masasabi nating sinunod natin ang Ama sa Langit noon dahil narito tayo sa lupa ngayon na may mga katawang may laman at mga buto. Nang sabihin niya iyon, alam kong totoo iyon. Noong gabing iyon sa panalangin ko, umiyak ako at nagpasalamat sa Diyos sa kaalamang iyon.”
Binanggit ni Dilcia ang nakasaad sa I Mga Taga Corinto 3:16: “Hindi baga ninyo nalalaman na kayo’y templo ng Dios, at ang Espiritu ng Dios ay nananahan sa inyo?” “Kung templo rin ako,” wika niya, “kailangan kong maging kasinglinis at kasingganda ng templo. Tunay na nakamamangha ang pagpapalang mabilang sa Simbahang ito at maging banal na dalagita!”
Ang pinakadakilang hangarin daw niya ay muling makapiling ang kanyang Ama sa Langit balang araw. “Labis akong nagpapasalamat na binigyan Niya tayo ng templo para magawa natin ang lahat ng kailangang gawin para makabalik sa Kanya,” wika niya. “Ang pinakamainam na pasasalamat sa Kanya ay mamuhay sa paraang iniutos Niya sa atin.”
Sabi ni Dilcia, “Gusto ng Panginoon na pumasok tayo sa Kanyang bahay, matuto tungkol sa Kanya, at gawin natin ang lahat para makapiling Siya sa kawalang-hanggan.” Nagagalak daw siyang lumahok sa mga pagbibinyag para sa mga patay dahil “paraan ito para matulungan ang mga naghihintay sa kabilang panig ng tabing, na makagawa ng isang bagay para sa kanila na hindi nila magagawa para sa kanilang sarili.”
Mga Pangako ni Kelsia
Sang-ayon si Kelsia. “Kailangan tayo ng ating mga ninuno para gawin ang gawain, at alam ko na magpapasalamat sila sa atin,” wika niya. “Lalo kong inaasam na makita ang aking lola na hindi ko nakilala kahit kailan sa buhay na ito. Sisiguruhin naming magawa ang lahat ng gawain sa templo para sa kanya.”
Ang pag-uusap tungkol sa templo ay naglalabas ng matitinding damdamin kay Kelsia. “Nangako akong gumawa ng mga pasiyang tutulong sa akin para mabuklod sa aking pamilya,” wika niya. “Kailangan nating igalang ang ebanghelyo at sundin ang mga utos al pie de la letra [nang lubusan],” wika niya. “Ginagawa natin ito dahil mahal natin ang ating Ama sa Langit, at sa pagsunod natin naipapakita ang pasasalamat natin sa Kanya.”
Sumapi ang pamilya niya sa Simbahan noong Disyembre 2006, anim na taon matapos lumipat ang kanyang mga magulang sa Dominican Republic mula sa Haiti. “Labis akong nagpapasalamat sa mga misyonerong kumatok sa pintuan namin. Masarap maramdaman ang Espiritu at matuto tungkol sa plano ng Ama sa Langit para sa atin. Mula nang dumating ang ebanghelyo sa buhay namin, lalong nagkalapit ang aming pamilya. Nagpapasalamat ako na binigyan Niya ako ng isang pamilyang lubos na nagkakaisa, kahit sa pinakamahihirap na sandali. Ang isipin na may pribilehiyo kaming mabuklod hanggang sa kawalang-hanggan ay tila isa sa mga pinakadakilang pagpapala sa lahat.”
Dumadalo ngayon sa temple-preparation class ang kanyang mga magulang, at nagpapaalala ito sa kanya na maghanda para sa araw ng kasal niya sa templo. “Iyan ang pangunahing mithiin ko, na kami ng mapapangasawa ko ay maging karapat-dapat sa isa’t isa at karapat-dapat na maging isang walang hanggang pamilya.”
Pakikibahagi sa Kapayapaan
Naraanan ng magkaibigan ang posteng sinasabitan ng bandila ng kanilang bansa na nagwawagayway sa ihip ng hangin. “Kahit ang bandila sa templo ay nagpapaalala sa amin na maging tapat,” sabi ni Dilcia. “Higit pa iyon sa iba’t ibang kulay. Naroon ang sawikaing Dios, patria, libertad [Diyos, bayan, kalayaan] at makikita ang isang krus ng mga Kristiyano at ang Sampung Utos. Ipinaaalala niyon sa amin na ang aming bansa ay itinatag ng mga taong naniniwala sa Diyos at na ang Diyos ay mahalaga pa rin dito.”
Naraanan din nila ang pasukan ng templo, kung saan nakaukit ang mga salitang Santidad al Señor, la Casa del Señor (Kabanalan sa Panginoon, ang Bahay ng Panginoon) sa itaas ng pintuan, tulad sa lahat ng templo.
“Tuwing babasahin ko ang mga salitang iyon, napupuspos ako ng malakas na patotoo na totoo ang mga ito,” sabi ni Dilcia. “Naaalala ko na nagpunta kami rito ng aming grupo sa Mutwal isang gabi, para lang maglibot sa bakuran. Pagkatapos, tinanong ng bishop kung ano ang nadama namin doon. Pinag-usapan namin ito at iisang salita ang naisagot namin: kapayapaan.”
At lumakad na sina Kelsia at Dilcia na iniisip ang perpekto at isang-salitang sagot na iyon … perpekto dahil ang templo ang siyang lugar ng kapayapaan.