2009
Pangit na Itik o Maringal na Swan? Nasa Inyo na Iyan!
Oktubre 2009


Pangit na Itik o Maringal na Swan? Nasa Inyo na Iyan!

Noong bata pa ako, naaalala kong binasa sa akin ng nanay ko ang kuwentong “The Ugly Duckling,” ni Hans Christian Andersen. Siguro dahil kimi ako at damdam ko’y hindi ako kabilang, pero ang alaala at aral ng kuwentong iyon ay nanatili sa akin sa tuwina.

Sa bersyon na naaalala ko, matiyagang hinihintay ng inang pato na mapisa ang kanyang mga itlog at maging mga itik. Hindi nagtagal, naglabasan ang mabalahibo at dilaw na mga itik sa katuwaan ng inang pato. Gayunman, may isang medyo malaking itlog na hindi pa napipisa. Naghintay at nag-antabay ang ina at kanyang mga itik. Nang sa wakas ay mabasag ang itlog, napansin ng mga dilaw na itik na kakaiba ang bagong miyembrong ito ng pamilya. Pinaligiran nila ito at sinabi sa kanilang ina’t ama, “Hindi namin siya kamukha. Pangit siya.” Iniwanan nila ito sa pugad at nagsilangoy sila palayo. Lumayo sa pugad ang pangit na itik at sinikap magtago. Lahat ng maranasan niya ay masama at nakapanghihina ng loob. Madalas niyang maisip sa sarili, “Kinamumuhian ako ng lahat dahil pangit ako.”

Pagkatapos ay nagkaroon ng himala sa buhay niya. Nakakita siya ng ibang kamukha niya at kapareho ng kilos niya! Kinaibigan niya sila, at dinala siya ng mga ito sa nanay nila at sinabing, “Inay, Inay, nakakita kami ng munting kapatid! Puwede ba siyang manatili sa atin magpakailanman?” Niyakap ng maganda at eleganteng inang swan sa puting pakpak nito ang pangit na itik at sinabi rito sa magiliw na tinig, “Hindi ka naman pala itik! Isa kang munting swan, at balang araw magiging hari ka ng lawa.”

Gustung-gusto kong marinig ang kuwentong ito noong bata ako. Hindi ko naisip na matutulungan ako ng mga aral na natutuhan ko rito na malampasan ang mga pagsubok noong tinedyer ako. Nabinyagan akong miyembro ng Simbahan noong edad walo ako, pero unti-unting naging di-gaanong aktibo ang pamilya ko.

Sa maliit na bayang kinalakhan ko sa Idaho, may sinehang nagtampok ng isang palabas tuwing Sabado ng hapon. Lagi akong sumasama sa dalawa o tatlong kaibigan ko. Nagpapalabas ang sinehan ng isang maikling pelikula tungkol sa isports at isa pa tungkol sa mga nangyayari sa paligid sa kasalukuyan. Ang pangunahing tampok na palabas ay karaniwan nang isang pelikulang koboy na maraming barilan.

Isang Sabado sa intermission, naglabas ng isang bisikletang 10-speed ang mga tauhan nila. Iyon ay pula, maganda, at ipamimigay nila sa taong nanonood na siyang may hawak sa panalong tiket! Ah, gustung-gusto ko ang bisikletang iyon!

Dumukot sa lalagyan ang tagapaghayag at naglabas ng isang tiket. Nang basahin niya ang numero sa tiket, natuklasan ko na hawak ko ang panalong tiket. Subalit hindi ako kumilos o nagsalita. Kiming-kimi at hiyang-hiya ako. Wala akong sapat na tiwala sa sarili ko para tumayo at ipaalam sa lahat na hawak ko ang panalong tiket. Dalawang beses pa niyang binanggit ang nanalong numero, at tuwing gagawin niya ito ibinababa ko ang tiket para walang makakita rito. Sa huli, bumasa ng ibang numero ang tagapaghayag. Isa sa mga kaibigang kasama ko sa sine ang may hawak ng bagong numero. Nagtatalon siya, naghihiyaw, at tumakbo sa entablado para kunin ang bisikleta niya. Sa akin sana ang bisikletang iyon!

Habang naglalakad akong mag-isa pauwi mula sa sine noong Sabadong iyon, naisip ko ang kuwento tungkol sa pangit na itik. Damang-dama ko na parang ako ang munting swan na iyon. Pakiramdam ko’y paikut-ikot ako sa kagubatan sa pagsisikap na magtago at walang may gusto sa akin. Hindi ko alam kung sino ako o ano ang maaari kong kahinatnan. Nang makarating ako sa bahay, nalaman ko na may dapat baguhin. Naaalala kong inisip ko, “Panahon na para magkaisip. Hindi na muling mangyayari sa akin iyon.”

Natuklasan ko na may iba pa sa paligid ko na nagmamahal at nagmamalasakit sa akin. Interesado sa akin ang ward bishopric ko, gayundin ang stake president, na nakatira malapit sa amin. Itinuro nila sa akin ang ebanghelyo. Nagpatotoo sila sa akin tungkol sa katotohanan ng Tagapagligtas at ng Kanyang napakahalagang Pagbabayad-sala at ang magagawa nito para sa akin. Paulit-ulit nilang binasa sa akin ang kuwento tungkol kay Joseph Smith at sa kanyang pangitain sa Sagradong Kakahuyan. Sa karanasang iyon nakagawian kong basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan linggu-linggo. Sa paggawa niyon, alam ko na magkakaroon ako ng lakas na madaig ang lahat ng hadlang sa akin sa linggong iyon.

Sa panahong iyon sa buhay ko, na kailangang-kailangan ko ang isang tao, pinagpala ako ng aking Ama sa Langit. Alam Niya kung sino ako, at isinugo Niya ang Kanyang mga lingkod para tulungan akong matuklasan iyan sa aking sarili. Minahal nila ako at ipinakita nila sa kanilang mga kilos na hindi naman pala ako isang pangit na itik at na kung ako ay karapat-dapat at susundin ko ang mga utos ng Diyos, maaari akong maging “hari ng lawa.” Ang pagpapala at pagkaunawa ng Pagbabayad-sala ay nagsimulang magbigay sa akin ng dagdag na lakas at tiwala.

Pagsapit ko sa edad na 16, hinikayat ako ng mabubuting lalaking ito na tumanggap ng patriarchal blessing. Nang matanggap ko ang aking recommend, sumakay ako sa lumang bisikleta ko at nagbisikleta nang ilang milya papunta sa bahay ng patriarch. Muli niyang ipinaliwanag kung ano ang patriarchal blessing at paano nito pagpapalain ang buhay ko. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa aking ulunan. Pagkaraan ng karanasang iyon, nagbago na ang buhay ko.

Nagmisyon ako sa Scotland at nagkaroon ng magandang karanasan. Pagkaraan ng ilang linggo pag-uwi ko mula sa misyon, nakilala ko ang mapapangasawa ko sa isang miting sa Simbahan. Nagdeyt kami, at inalok ko siya ng kasal. Ikinasal kami sa Salt Lake Temple.

Isinasaad sa isang pangungusap sa patriarchal blessing ko na tutulutan akong mabuhay sa mundo na may kasamang isang anghel. Nang ibigay sa akin ng patriarch ang blessing na iyon, hindi ko alam kung ano ang isang anghel, ni ang kahulugan ng mga katagang iyon. Nang lisanin ko ang templo sa araw na ibuklod kaming mag-asawa, alam ko na ang kahulugan niyon. Siya ang liwanag sa buhay ko. Salamat sa kanya, natulutan akong mabuhay sa kapaligiran ng liwanag. Napasaya at napaligaya niya ang aming 8 anak, 25 apo, at 2 apo-sa-tuhod. Tinawag siyang pinagpala ng aking mga anak. Pinasasalamatan ko ang Diyos sa mga pagpapala ng ebanghelyo at sa mga walang hanggang pagpapala ng mga tipan at ordenansa sa banal na templo.

Paniniwalain tayo ni Satanas na tayo ay mga pangit na itik na walang pagkakataong maging katulad ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang banal na Anak. Pinatototohanan ko na mahal ng Diyos ang bawat isa sa atin sa mga paraang espesyal. Madalas ngang sabihin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang personal na impluwensya ng Diyos sa paghubog sa atin ay nadarama sa maliliit na bagay sa ating buhay.”1 Tayo ay Kanyang mga anak. Nalaman ko nang maaari tayong makaahon sa kasalukuyan nating kapaligiran at maging “mga hari at reyna ng lawa” sa pagsunod sa mga utos ng ebanghelyo.

May iba pa akong alam. Alam ko kung sino kayo at saan kayo nanggaling. Ipinaaalala sa atin ng mga paghahayag ang ating katapatan sa buhay bago tayo isinilang (tingnan sa Apocalipsis 12:7–11; D at T 138:56; Abraham 3:22–23). Kapag pinatitibay natin ang ating patotoo sa dakilang katotohanang iyan, bawat araw ay nagiging magandang pagpapala sa bawat isa sa atin.

Manatili sa panig ng Panginoon. Kung mapapangalagaan Niya ang isang mahiyain at kiming batang katulad ko, mapapangalagaan Niya kayo ngayon at sa hinarahap. Kayo ay piling anak na lalaki o babae ng Diyos. Piliing ipamuhay ang banal na potensyal na nasasainyo.

Tala

  1. Neal A. Maxwell, “Becoming a Disciple,” Ensign, Hunyo 1996, 17.

Kayo ay piling anak na lalaki o babae ng Diyos. Piliing ipamuhay ang banal na potensyal na nasasainyo.

Hindi Ba Maganda ang Tingin Ninyo sa Sarili?

Pag-isipan ninyo ito: Kayo ay anak ng Diyos. Sa tulong Niya mararating ninyo ang inyong dakilang potensyal. (Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17.)

Naglabas ng isang bisikletang 10-speed ang mga tauhan ng sinehan. Iyon ay pula, maganda, at ipamimigay nila. Ah, gustung-gusto ko ang bisikletang iyon!

Natuklasan ko na hawak ko ang panalong tiket. Pero hindi ako kumilos o nagsalita. Kiming-kimi at hiyang-hiya ako.

Ang pagpapala at pagkaunawa ng Pagbabayad-sala ay nagsimulang magbigay sa akin ng dagdag na lakas at tiwala.

Mga paglalarawan ni Jerry Harston, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng mga pakpak © Getty Images; larawan ng mga ibon na kuha ni Graham Ford, © Getty Images

Detalye mula sa Si Cristo sa Getsemani, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.