2009
Ang Himala ng Tortilla
Oktubre 2009


Ang Himala ng Tortilla

“Halina kayo, at tayo ay umahon sa bundok ng Panginoon, sa tahanan ng Diyos” (2 Nephi 12:3).

Dalawang binatang nakasuot ng puting polo at kurbata ang dumating sa bahay namin sa Honduras. “Kami ay mula sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi nila.

Pinapasok sila ni Mama. Tinuruan ng mga misyonero ang aming pamilya tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kahit siyam na taon pa lang ako, nadama kong totoo ang sinasabi nila.

“Ano ang dapat naming gawin para maging mga miyembro ng Simbahan ni Cristo?” tanong ni Papa.

“Magpabinyag,” sabi ng isa sa mga elder.

Nabinyagan kami nina Mama at Papa isang buwan pagkaraan. Ang kapatid kong si Tomas, na anim na taong gulang, ay mabibinyagan pagkaraan ng dalawang taon.

Habang tinuturuan pa kami tungkol sa ebanghelyo, ipinaliwanag ng mga elder kung paano mabubuklod ang mga pamilya sa templo.

Ang pinakamalapit na templo ay sa Guatemala, na ilang kilometro din ang layo. Kailangan pa naming magbayad para sa dalawang-araw na biyahe sa bus at dalawang gabing pangungupahan sa lungsod. Wala kaming pera para sa gayong biyahe, pero ayaw nina Mama at Papa na makahadlang iyon sa pagdalo namin sa templo.

Taun-taon ay nagpapatubo ng mais ang aming pamilya. Ginamit namin iyon para gumawa ng mga tortillang ilalako sa mga biyaherong nagdaraan sa aming nayon.

Kumuha ng papel at lapis si Mama. Nagsuma-suma siya at sinabi niyang, “Dapat tayong makabenta ng 2,500 tortilla para makabiyahe.”

Nanlaki ang mga mata ko. Napakaraming tortilla niyon! “Hindi pa tayo nakabenta ng gayon karaming tortilla,” sabi ko.

Mukhang hindi nag-aalala si Mama. “Bahala na ang Panginoon,” sabi niya. “Raoul, tulungan ninyo ni Tomas ang papa ninyo sa pag-ani ng mais,” sabi sa akin ni Mama.

Tinulungan namin ni Tomas si Papa sa pag-ani ng mais. Araw-araw, si Mama ang naggiling, gumawa ng masa, at nagprito nito. Dinala namin ni Tomas ang mga tortilla sa nayon.

“Isang bus ng mga turista ang dumating ngayon,” sabi ko kay Mama pag-uwi namin sa unang araw. “Marami kaming naibentang tortilla.”

“Himala ito,” sabi ni Mama.

Araw-araw mas maraming tortilla ang naibenta namin. Sa loob lang ng ilang buwan nakaipon kami ng perang kailangan para makapunta sa Guatemala. Pero nag-alala pa rin ako. Nakarinig na ako ng mga kuwento tungkol sa mga mandarambong na nagpapatigil sa mga bus na dumaraan sa kagubatan. Kinukuha nila ang lahat ng pag-aari ng mga pasahero.

“Paano ang mga mandarambong?” tanong ko.

“Pangangalagaan tayo ng Panginoon,” sabi ni Mama. At saka siya nagtanong, “Raoul, naniniwala ka ba sa ebanghelyo?”

“Opo.”

“Kung gayo’y alam mo na dapat nating gawin ang lahat ng kaya natin para sundin ang Panginoon at Kanyang mga propeta.”

Isang taon matapos kaming mabinyagan, handa nang magbiyahe ang pamilya ko papunta sa templo. Sumakay kami ng bus papuntang Guatemala City. Hinding-hindi ko malilimutan ang Espiritung nadama ko nang mabuklod ang pamilya ko sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Noong gabing iyon, habang nakaluhod ako para magdasal, pinasalamatan ko ang Ama sa Langit para sa mga pagpapala ng templo.

Mga paglalarawan ni Jim Madsen