2009
Ang Bagong Aklat ng Sining ng Ebanghelyo
Oktubre 2009


Ang Bagong Aklat ng Sining ng Ebanghelyo

Isang spiral-bound na aklat na mabibili nang mura ang nagbibigay ngayon sa mga Banal sa mga Huling Araw ng access sa 137 larawang de-kolor para magamit sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo.

Sa opisina ni Pangulong Thomas S. Monson ay may nakasabit na larawan ng Tagapagligtas na iginuhit ng pintor na si Heinrich Hofmann. Sabi ng propeta ang larawang ito ay nagpapaalala sa kanya na gawin ang ipinagagawa sa kanya ng Tagapagligtas. Ang mga larawan ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa bawat isa sa atin, tulad ng epekto ng larawang ito kay Pangulong Monson.

Sa paghahangad na mabigyan ang mga miyembro ng mga larawang mabibili nang mura na magagamit sa mga klase sa Simbahan at sa ating tahanan, ginawa ng Simbahan ang Aklat ng Sining ng Ebanghelyo na may 137 painting at larawan. Makakatulong ang mga larawang ito sa mga araling itinuturo sa anumang klase mula sa Doktrina ng Ebanghelyo hanggang sa oras ng pagbabahagi sa Primary. Magagamit din ang mga ito sa family home evening, sa personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, sa gawaing misyonero, at sa home o visiting teaching.

Bawat paglalarawan sa aklat na ito ay nag-aanyaya ng pagtuturo—ang pagkakataong magkuwento mula sa mga banal na kasulatan at magturo ng isang alituntunin. Para matulungan tayo, kasama sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ang isang listahang nag-uugnay ng mga larawan sa mga salaysay sa mga banal na kasulatan tungkol dito. Ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatang ito ay magpapalalim sa ating pag-unawa sa mga kaganapan at alituntunin ng ebanghelyo na makikita sa bawat larawan.

Ang sumusunod ay tatlong paraan ng paggamit ng Aklat ng Sining ng Ebanghelyo sa pagtuturo ng isang aralin:

  1. Anyayahan ang mga tao na saliksikin ang mga banal na kasulatang nauugnay sa isang partikular na larawan. Ipabasa sa kanila nang malakas ang banal na kasulatan o ipabuod ito habang pinag-uusapan ninyo ang larawan.

  2. Hilingin sa mga tao na ipaliwanag ang nakikita nila sa larawan. Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo ng larawan? Paano natin maipamumuhay ngayon ang mga alituntuning iyon?

  3. Matapos magturo ng isang partikular na alituntunin ng ebanghelyo, pagsaliksikin ang iba sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, para maghanap ng mga larawang naglalarawan sa alituntuning iyon. Itanong sa mga tao kung ano ang pakiramdam nila kapag tinitingnan nila ang larawan ngayong napag-usapan na nila ang kahulugan nito.

Sa lahat ng ating pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, mapanalangin tayong humiling ng inspirasyon (tingnan sa D at T 42:14–17). Sa paggawa nito, maghahatid ng ibang mga ideya ang Espiritu Santo sa ating isipan na tutugon sa mga pangangailangan ng mga tinuturuan natin. Ang bagong Aklat ng Sining ng Ebanghelyo ay isang mahalagang kasangkapang makakatulong sa atin na tulungan ang isa’t isa na lumapit kay Cristo at tumanggap ng mga pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Mula kaliwa: Anyo ni Cristo, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; mga paglalarawan nina Matthew Reier, Hyun-Gyu Lee, at Christina Smith