2009
Pangalagaan ang Bagong henerasyon
Oktubre 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Pangalagaan ang Bagong henerasyon

Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang mga tinuturuan ninyo na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

D at T 123:11: “Ito ay isang mahalagang tungkulin na utang natin sa lahat ng sumisibol na salinlahi.”

Ano ang Responsibilidad Ko sa Bagong Henerasyon?

Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol:Inireserba ng Panginoon para sa panahong ito, [ang bagong henerasyon] ay dapat na ngayong pangalagaan … at ihanda para sa espesyal nilang sandali sa kasaysayan ng tao! Sila ay inireserba para isilang sa panahong ito, ngunit ngayo’y kailangan silang pasulungin upang gampanan ang kanilang tungkulin. …

“Ang mga kabataan ay katulad ng mga taong maaaring magpabinyag. May mga kritikal na sandali na magsisimulang bumaling ang kanilang mga kaluluwa—papunta sa Panginoon o palayo sa Kanya. Ang mga sandaling ito ng pagpapasiya ay hindi laging malilikha, ngunit kapag nangyari ito, hindi ito dapat sayangin. Mas madalas kaysa hindi, ang mga sandaling ito ay mangyayari sa mahinahon at mapitagang pakikipag-usap sa mga magulang, lolo’t lola, bishop, isang lider na nasa hustong gulang, o isang matwid na kabarkada” (“Unto the Rising Generation,” Ensign, Abr. 1985, 8, 10).

Elder Ronald A. Rasband ng Panguluhan ng Pitumpu: “Karapat-dapat ang ating bagong henerasyon sa pinakamabuti nating pagsisikap para masuportahan at mapalakas sila habang sila ay lumalaki. … Sa bawat kilos natin, bawat lugar na puntahan natin, bawat kabataang Banal sa mga Huling Araw na makilala natin, ay kailangang magkaroon tayo ng ibayong kamalayan na kailangang mapalakas, makalinga at maimpluwensyahan sa kabutihan ang kanilang buhay” (“Ang Ating Bagong Henerasyon,” Liahona, Mayo 2006, 47).

Paano Ko Mapapangalagaan ang Bagong Henerasyon?

Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Huwag kalimutan kailanman na ang mga batang ito ay mga anak ng Diyos at na kayo ay pansamantalang nangangalaga sa kanila, na Siya ay isang magulang noon bago kayo naging mga magulang at hindi pa Niya isinusuko ang karapatan o interes Niya bilang magulang sa mga batang ito. … Palakihin ang inyong mga anak sa pagmamahal, sa pangangalaga at payo ng Panginoon. Ingatan ang musmos ninyong mga anak. Tanggapin sila sa inyong tahanan, at buong puso ninyo silang pangalagaan at mahalin. Maaaring makagawa sila, sa mga taong darating, ng ilang bagay na hindi ninyo magugustuhan, ngunit magtiyaga, magtiyaga. Hindi kayo bigo basta’t nagsikap kayo” (“Words of the Living Prophet,” Liahona, Mayo 1998, 26–27).

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Ang ibig sabihin ng pangalagaan ay arugain, kalingain, at palakihin. … Ang pangangalaga ay nangangailangan ng pagsasaayos, pagtitiyaga, pagmamahal, at paggawa. Ang pagtulong sa pag-unlad sa pamamagitan ng pangangalaga ay tunay na makapangyarihan at maimpluwensyang tungkulin na ibinigay sa kababaihan” (“Mga Inang Nakaaalam,” Liahona, Nob. 2007, 76, 77).

Barbara Thompson, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency: “Bilang mga kapatid sa Relief Society maaari tayong magtulungan para palakasin ang mga pamilya. Binigyan tayo ng mga pagkakataon para makapaglingkod sa iba’t ibang paraan. Lagi nating nakakaugnayan ang mga bata at kabataang maaaring nangangailangan ng mismong iniaalok natin. Kayong nakatatandang kababaihan ay may magandang payo at karanasang maibabahagi sa nakababatang mga ina. Kung minsan sinasabi o ginagawa ng isang lider ng Young Women o teacher ng Primary ang mismong kailangan para mapagtibay ang itinuturo ng isang magulang. At malinaw na hindi natin kailangan ang anumang tungkulin para tulungan ang isang kaibigan o kapitbahay” (“Aking Palalakasin Ka; Aking Tutulungan Ka,” Liahona, Nob. 2007, 117).

Paglalarawan at tanawin ni Craig Dimond