Pagpapasigla sa Iba at sa Sarili Ko
Cathy Whitaker Marshall, Washington, USA
Thanksgiving iyon noong 1990. Kararanas ko pa lang ng mahirap na diborsyo, at first-year law student ako noon sa isang lungsod na di-pamilyar. Magbabakasyon ang mga anak ko sa bahay ng tatay nila, at sa unang pagkakataon sa buhay ko, mag-isa lang ako sa Thanksgiving.
Noong una gusto kong maawa sa sarili ko at umiyak. Pero sinimulan kong bilangin ang mga pagpapala ko. May dalawa akong magagandang anak, magandang bahay, oportunidad na makapag-aral, at ebanghelyo ni Jesucristo para gabayan ako sa buhay. Talagang pinagpala ako sa maraming bagay.
Habang papalapit ang Thanksgiving, natuklasan ko na isang grupo ng mga law student ang nagplanong magsagawa ng misyon doon na magsilbi ng maagang hapunan para sa Thanksgiving sa mga walang tirahan. Nagpasiya ako na mas magandang tumulong sa misyon kaysa maupo sa bahay na nag-iisa at masama ang loob, kaya sumama ako sa mga kapwa ko estudyante.
Ilang araw pagkaraan naglalagay na ako ng mashed potatoes sa mga pinggan ng mga taong gutom, nagpapasalamat, at dumanas ng masaklap na pangyayari sa buhay. Ang luhang pumuno sa aking mga mata ay hindi dahil sa kalungkutan para sa aking sarili; bagkus, mga luha iyon ng pagmamahal sa lahat ng anak ng Diyos, anuman ang kanilang kalagayan.
Hindi isang Thanksgiving ang Thanksgiving kung walang pabo sa oven. Pero napakalaki ng isang 14-librang (6-kg) pabo para sa akin, kaya inanyayahan ko ang ilang estudyanteng nagmula sa ibang bansa at malalayong estado na saluhan ako. Gusto kong ibahagi ang tradisyonal na hapunan ng mga Amerikano sa Thanksgiving, pero hinilingan ko silang mag-ambag. Pinagdala ko ang bawat isa ng paborito nilang putahe mula sa bansa nila. Ang hapunan namin sa Thanksgiving ay naging isang hapunang masaya at di malilimutan—mga egg roll at lahat na.
Pahayag ni Haring Benjamin, “Masdan, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang inyong matamo ang karunungan; upang inyong malaman na kung kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao, kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos” (Mosias 2:17).
Nagtamo ako ng karunungan noong Thanksgiving Day na iyon. Sa panahong naglingkod ako gayong mas madaling maupo at manamlay, nagalak ako. Paglilingkod ang susi sa kaligayahan hindi lamang tuwing pista opisyal, na madali tayong maapektuhan ng anumang bagay na wala tayo sa buhay, kundi sa anumang panahon. Anuman ang ating sitwasyon, lagi tayong makakakita ng isang taong tutulungan. Sa pagpapasigla sa ating mga kapatid, pinasisigla rin natin ang ating sarili.