Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay inilaan para bigyan kayo ng ilang ideya. Maaari ninyong iangkop ang mga ito sa inyong pamilya.
“Mga Pagpapala ng Templo,” p. 12: Magpakita ng isang larawan ng templo. Maglagay ng larawan ng isang pamilya sa kabilang dulo ng kuwarto paharap sa larawan ng templo. Habang ibinubuod ninyo ang artikulo, ilapit ang larawan ng pamilya sa templo. Itanong sa mga miyembro ng pamilya kung ano ang nadama nila nang dumating ang pamilya sa templo. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 109:7–23, na naghahanap ng karagdagang mga paraan sa paghahanda para sa templo at mga pagpapalang nagmumula sa pagdalo sa templo. (Tingnan din sa mensahe ni Silvia H. Allred, “Mga Banal na Templo, mga Sagradong Tipan,” mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2008.)
“Ako? Isang Pastol sa Israel?” p. 30: Basahin ang bahaging “Pag-akay sa Kanila Pabalik,” at talakayin kung paano tayo maaaring maging mga pastol sa iba. Bilang aktibidad para sa mga batang musmos, maghalinhinan sa pagtatago at paghahanap sa isa’t isa gaya ng isang pastol na naghahanap sa nawalang tupa. Isipin ang mga taong matutulungan mong makabalik “sa kawan.” Magtapos sa pagdarasal para sa patnubay kung paano sila tutulungan. (Tingnan din sa mensahe ni Elder Eduardo Gavarret, “Pagbabalik,” mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2008.)
“Magsimula sa Pagdarasal,” p. 40: Ibuod ang mga pangunahing punto mula sa artikulo. Muling basahin ang unang talata ng bahaging “Isang Taong Makakausap.” Magpabahagi sa mga miyembro ng pamilya ng mga pagkakataon na napalakas sila ng panalangin ng pamilya. Para mabigyang-diin ang kahalagahan ng pagdarasal para sa iba, isiping basahin ang huling tatlong talata ng mensahe ni Elder David A. Bednar na, “Laging Manalangin,” mula sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2008.
“Ang Himala ng Tortilla,” p. K6: Basahin ang kuwento, at talakayin ang mga hamong nakaharap ng pamilya ni Raoul nang maghanda silang pumunta sa templo. Isiping gumawa ng mga tortilla bilang pamilya o iakto ang mga hakbang sa paggawa ng tortilla, mula sa pagtatanim ng mais hanggang sa pagbebenta ng mga tortilla sa mga turista. Magtapos sa pagbasa sa sipi ni Elder Dennis B. Neuenschwander.