2009
Naniniwala Kami na ang Pamilya ay Inorden ng Diyos
Oktubre 2009


Oras ng Pagbabahagi

Naniniwala Kami na ang Pamilya ay Inorden ng Diyos

“Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapagligtas para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Si Amalikias ay masamang tao. Nangako siya ng maraming bagay sa mga Nephita kung gagawin nila siyang hari. Maraming tao ang naniwala sa kanya at tumalikod sa katuwiran.

Si Moroni ang kapitan ng mga hukbo ng mga Nephita. Siya ay matwid at naniwala siya kay Jesucristo. Nang marinig ni Moroni na maraming taong sumunod kay Amalikias, nagalit siya rito. Alam niya na nanganganib na mawalan ng kalayaan ang mga tao.

Pinunit ni Moroni ang kanyang bata at sinulatan ito, “Sa alaala ng ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating mga asawa, at ating mga anak” (Alma 46:12). Ikinabit niya ito sa dulo ng isang mahabang kahoy at tinawag itong bandila ng kalayaan. Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang mga tao at binisita sila, habang iwinawagayway ang bandila ng kalayaan at nananawagan sa mga Nephita na makiisa sa kanya sa pagtatanggol sa kanilang kalayaan. (Tingnan sa Alma 46:1–21.)

Kayo ay nabubuhay sa isang panahon na may mga taong tulad ni Amalikias na gustong ilayo tayo sa pagsunod sa plano ng Ama sa Langit. Isa sa pinakamahahalagang bahagi ng planong iyon ang mga pamilya.

Nais ng Ama sa Langit na maunawaan ng mga miyembro ng Simbahan ang Kanyang plano para sa mga pamilya. Isinulat ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” upang ipahayag ang paniniwala natin tungkol sa mga pamilya. Gaya ng bandila ng kalayaan, mahihikayat tayo ng pagpapahayag na maalala at maipaliwanag kung ano ang ating pinaniniwalaan.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K4, at idikit sa makapal na papel. Isabit ang pagpapahayag sa isang lugar kung saan makikita ito ng inyong pamilya at maaalala nila ang kahalagahan ng pagpapalakas sa isa’t isa.

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ay makabagong paghahayag. Sabihin sa mga bata na pakinggan kung ilang beses nila maririnig ang mga salitang “ipinahahayag” o “ipinahayag” habang sabay-sabay nilang inuulit ang ikasiyam na saligan ng pananampalataya. Ituro na patuloy na inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban sa Kanyang mga anak. Ang pakikipag-ugnayang ito ng Diyos ay tinatawag na paghahayag. Bigyan ng kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang bawat bata, at ipaliwanag na ang pagpapahayag ay pahayag na ibinigay sa ating panahon sa pamamagitan ng mga piling lingkod ng Diyos. Bigyan ang bawat klase ng ibang pangungusap o grupo ng mga salita mula sa pagpapahayag na may ilang salitang nawawala. Hayaang tulung-tulong nilang punan ng tamang mga salita ang mga puwang. Halimbawa: “Ang ang ng ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak.” Patayuin ang bawat klase at ipabigkas sa kanila ang natapos nilang grupo ng salita o pangungusap. Awitin ang unang talata ng “Pamilya’y sa Diyos” (Liahona, Okt. 2008, K12–K13). Bigyang-diin na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay paghahayag mula sa Diyos at kailangan nating unawain at ipamuhay ang mga turo nito. Tipunin ang mga kopya ng pagpapahayag; gagamitin ninyong muli ang mga ito sa ikatlong linggo.

  2. Itinuturo ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” ang kahalagahan ng kasal. Pasalihin ang ilang miyembro ng ward o branch sa pahintulot ng bishop o branch president sa isang panel discussion tungkol sa kahalagahan ng kasal (tingnan sa “Mga Pangkatang Talakayan,” Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 231–32). Maaga pa lang, ibigay na sa kanila ang mga itatanong ninyo. Mga halimbawa: Paano kayo pinagpalang mag-asawa ng Ama sa Langit? May maikukuwento ba kayo tungkol sa isang turo ng ebanghelyo na nakatulong sa inyo na maging mabuting asawang babae (o lalaki)? Ano ang magagawa ng mga bata ngayon para makapaghanda sa pag-aasawa balang araw? Maimumungkahi ninyo na repasuhin ng mga kalahok ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Pagsalit-salitin ang mga bata sa pagpili at pagbasa sa isang tanong. Pagkusaing sumagot ang mga miyembro ng panel. Patotohanan ang kahagalahan ng kasal sa plano ng Ama sa Langit.

Paglalarawan ni Matthew Reier