2009
Pagmamahal ng Isang Propeta
Oktubre 2009


Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta

Pagmamahal ng Isang Propeta

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2008.

President Dieter F. Uchtdorf

Ilang taon na ang nakararaan, nagpunta si Pangulong Thomas S. Monson sa isang regional conference sa Hamburg, Germany, at karangalan kong masamahan siya.

Nagtanong si Pangulong Monson tungkol kay Brother Michael Panitsch, dating stake president na naging isa sa mga matatag na pioneer ng Simbahan sa Germany. Sinabi ko sa kanya na malubha ang karamdaman ni Brother Panitsch, at nakaratay ito sa banig ng karamdaman at hindi makadalo sa aming mga miting.

Tinanong ni Pangulong Monson kung puwede namin siyang dalawin.

Alam ko na bago siya nagbiyahe patungong Hamburg, naoperahan si Pangulong Monson sa paa at hindi makalakad nang hindi nasasaktan. Ipinaliwanag ko na nakatira si Brother Panitsch sa ikalimang palapag ng isang gusaling walang elevator. Kailangan naming umakyat ng hagdan para madalaw siya.

Pero mapilit si Pangulong Monson. Kaya umakyat nga kami.

Natandaan ko kung gaano nahirapan si Pangulong Monson sa pag-akyat sa mga hagdang iyon. Nakakailang baitang pa lang siya ay titigil na at magpapahinga. Hindi siya nagreklamo kahit minsan, at ayaw niyang bumalik. Dahil mataas ang mga kisame ng gusali, parang walang katapusan ang mga baitang ng hagdan, pero masayang nagtiyaga si Pangulong Monson hanggang makarating kami sa apartment ni Brother Panitsch sa ikalimang palapag.

Nang makarating kami, naging maganda ang pag-uusap namin. Pinasalamatan siya ni Pangulong Monson sa buhay na inilaan niya sa tapat paglilingkod at pinasaya ito sa isang ngiti. Bago kami umalis, binigyan niya ito ng napakagandang priesthood blessing.

Maaari namang piliin ni Pangulong Monson na magpahinga sa pagitan ng mahahaba naming miting. Maaari naman niyang hilinging makita ang ilang magagandang tanawin sa Hamburg. Madalas kong maisip kung gaano kamangha-mangha na sa lahat ng magagandang tanawin sa lungsod na iyon, mas ginusto pa niyang makita ang mahina at maysakit na miyembro ng Simbahan kaysa iba.

Nagtungo si Pangulong Monson sa Hamburg para turuan at basbasan ang mga tao sa isang bansa. Ngunit kasabay nito, nagtuon siya sa isang tao.

Nang banggitin ni Apostol Pedro si Jesus, ganito ang simpleng paglalarawan niya: “Naglilibot [siya] na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Gayon din ang masasabi tungkol sa lalaking sinang-ayunan natin bilang propeta ng Diyos.

Kaliwa at itaas sa kanan: mga paglalarawan ni Beth M. Whittaker; kanan: paglalarawan ni Sam Lawlor