Kaibigan sa Kaibigan
Ang mga Templo ay Kaloob ng Ama sa Langit
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2000.
“Lahat ng batang namatay bago sila sumapit sa gulang ng pananagutan ay ligtas sa kahariang selestiyal ng langit” (D at T 137:10).
Ilang taon na ang nakararaan, naatasan ako sa isang stake conference sa California. Sa eroplano pabalik sa Utah, isang magandang babaeng mahigit 70 anyos ang tumabi sa akin. Ang pangalan niya ay Patti, at mahilig siyang makipag-usap.
Sinabi sa akin ni Patti ang lahat tungkol sa kanyang pamilya—tungkol sa kanyang asawa at anak na mga patay na. Nagpatuloy ang pag-uusap namin hanggang malapit na kaming lumapag. Sabi ko, “Patti, halos wala kang tigil sa pagsasalita habang lumilipad tayo. Bago tayo lumapag sa Salt Lake City, may ilang bagay akong itatanong sa iyo.”
Tapat ko siyang tinanong, “Patti, alam mo bang muli mong makikita ang pumanaw mong asawa?”
Sabi niya, “Ay, posible ba iyon?”
Pagkatapos ay itinanong ko, “Alam mo ba na muli mo ring makikita ang pumanaw mong anak na si Matt, na namatay noong sanggol pa siya?”
Nabasa ng luha ang kanyang mga mata, at nanginig ang boses niya. Inantig siya ng Espiritu ng Panginoon. Labis siyang nangungulila sa kanila.
Pagkatapos ay mapanalangin ko siyang tinanong, “Patti, alam mo bang ikaw ay may mapagmahal at mabait na Ama sa Langit, na mahal na mahal ka?”
Sabi niya, “Ako?”
Tanong ko, “Patti, alam mo ba na may espesyal na plano ang Ama sa Langit para sa iyo at sa iyong pamilya na maaaring maging walang hanggan?”
“Puwede?” tugon niya.
“Narinig mo na ba noon ang plano?” tanong ko.
Sabi niya, “Hindi.”
Taos-puso ko siyang tinanong, “Gusto mo bang malaman ang tungkol dito?”
“Oo, gusto ko,” sagot niya.
Labis siyang inantig ng Espiritu ng Panginoon.
Tinuruan ng mga misyonero si Patti. Tatlong linggo pagkaraan, habang nasa Utah siya, tinawagan ako ni Patti: “Brother Kikuchi, si Patti ito. Bibinyagan na ako. Puwede ka bang dumalo sa binyag ko?”
Pumunta kaming mag-asawa sa binyag niya. Buong kabaitan siyang kinaibigan ng maraming miyembro. Ah, hinding-hindi ko malilimutan ang masaya niyang mukha pag-ahon niya sa tubig!
Hinding-hindi ko malilimutan ang masaya niyang pagluha sa sagradong altar sa Salt Lake Temple pagkaraan ng isang taon. Natatandaan ko ang payapa at selestiyal na ningning ng kanyang anyo nang mabuklod siya sa kanyang pumanaw na asawa at anak at sa kanyang buhay na anak na babae, na miyembro na ng Simbahan.
Natagpuan ng kaibigan kong si Patti ang Panginoong Jesucristo. Dahil sa pagbubuklod sa templo, alam na niya ngayon na ang kanyang pamilya ay walang hanggan sa Panginoon.