2009
Mga Tanong at mga Sagot
Oktubre 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Sa pamilya ko ako ang pinakabunso sa lahat. Lagi kong nadarama na ipinupuwera ako ng mga kapatid ko sa mga aktibidad at usapan. Ano ang magagawa ko para mapaganda ang aming relasyon?”

Ang hamong ito ay maaaring maging oportunidad para ipaalam sa mga kapatid mo na gusto mong mas makibahagi sa buhay nila. Siguro hindi nila alam na pakiramdam mo ay ipinupuwera ka nila. Maaari mo ring kausapin ang mga magulang mo tungkol dito. Magkakaroon sila ng ilang magagandang ideya.

Magmungkahi sa mga kapatid mo ng ilang aktibidad na magagawa mo kasama sila, at mag-isip ng mga paksang mapag-uusapan ninyo. Laging tandaan ang kanilang mga iskedyul at interes habang nagpaplano ka kung paano mo sila makakasama. Ang pakikinig sa kanila at pagpapakita ng interes sa kanilang mga aktibidad ay hindi lamang makakaigi sa relasyon mo sa kanila kundi matututo ka rin. Nagdaraan sila sa mga bagay na maaari mo ring pagdaanan sa loob ng ilang taon.

Alalahanin kung gaano kahalaga ang mga pamilya sa plano ng Ama sa Langit. Kung hihingi ka ng tulong sa Kanya, mabibigyan Ka niya ng mga ideyang magpapaigi sa relasyon mo sa iyong mga kapatid. Lakasan mo ang loob mo na kumilos ayon sa mga paghihikayat na natatanggap mo.

Kausapin Sila

Sa aming pamilya, ako rin ang pinakabata, pero natuklasan ko na gusto akong kilalanin ng mga kapatid ko tulad ng kagustuhan kong makilala sila. Malamang na matuwa ang mga kapatid mo kung tatawagan mo sila para lang kausapin o imbitahing mananghalian minsan. Sabihin sa kanila kung ano ang nangyayari sa buhay mo. Malaking bagay sa kanila na komportable kang ibahagi sa kanila ang mga iniisip at nadarama mo. Kausapin din sila tungkol sa mga espirituwal na paksa. Makakatulong iyon para mas mapalapit ka hindi lamang sa kanila kundi sa iyong Ama sa Langit.

Kelsey H., 16, Alberta, Canada

Maging Mabuting Halimbawa

Naranasan ko rin ang mahirap na sitwasyong ito. Palagay ko ang pinakamainam nating magagawa ay maging halimbawa sa nakatatanda nating mga kapatid. Sa ganitong paraan, mananaig sa atin ang pagmamahalan at kapayapaan. Dapat nating sabihin sa kanila kung gaano natin sila kamahal, at sikaping magkaisa bilang pamilya. Sa malao’t madali malalaman nila kung gaano natin sila kamahal. Alam kong uubra ang mga bagay na ito nang paunti-unti.

Ádám B., 16, Gyor-Moson-Sopron, Hungary

Magsama-sama

Kung minsan mahirap makasama ang nakatatandang mga kapatid dahil sa pag-aaral at iba pang aktibidad araw-araw. Pero kung kaya mo, lapitan lang sila at kausapin, kuwentuhan sila tungkol sa maghapon mo, at kumustahin sila. Kung may problema ka, hingan sila ng opinyon para alam nila na mahalaga sa iyo ang mga ideya nila. Tratuhin sila kung paano mo gustong tratuhin ka nila. Maaari kayong maglaro at magsama-sama—malaking tulong ito. Dapat mo ring sabihin sa kanila kung gaano mo sila kamahal. Pero ang mahalaga sa lahat, magdasal. Lagi kang tutulungan ng Ama sa Langit.

Katherine M., 14, Idaho, USA

Maging Mabait sa Kanila

Bilang pinakabunso sa pamilya ko, pakiramdam ko kung minsan ay ipinupuwera ako ng mga kapatid ko sa mga aktibidad at usapan, at masakit sa akin iyon. Pero kapag naiisip ko si Jesucristo, natatanto ko na sa pagkakaroon namin ng pamilya ko ng parehong mga pinahahalagahan, mapapalakas at mahihikayat namin ang isa’t isa. Tratuhin ang lahat nang may kabaitan at pitagan. Magpakita ng interes sa kanila, at ipaalam na nagmamalasakit ka sa kanila.

Joseph M., 16, Leyte, Philippines

Magalak sa Bawat Sandali ng Inyong Pagsasama

Kung minsan damdam ko ay kinalimutan ako dahil may sariling aktibidad ang mga kapatid kong babae, tulad ng mga magulang ko. Sa paglipas ng panahon, naunawaan ko na mahal nila akong lahat at hindi totoong ayaw nila akong makasama kundi may panahon para sa lahat ng bagay. Mahalagang magalak sa bawat sandaling kasama mo sila, magtawanan, maging mabait, mapagmahal, at higit sa lahat ipakitang mahal mo sila. Mahalagang magdasal at hilingin sa ating Ama sa Langit na tulungan kang mapalapit sa iyong mga kapatid. Didinggin at tutulungan ka Niya.

Roberto S., 18, Santiago, Chile

Mag-usap-usap

Ako ang bunso sa pitong anak. Noong mas bata pa ako, damdam ko ay ipinupuwera ako, pero nalaman ko rin na mahal nga nila ako, nang higit pa kaysa inaakala ko. Siguro hindi ka makaugnay sa kanila sa ngayon, pero ang pinakamasayang pagsasama-sama naming magkakapatid ay kapag nag-uusap-usap kami. Nalaman ko na malaki ang tiwala nila sa akin, at hanggang ngayon. Para makausap ko sila, sisikapin kong tulungan sila sa kanilang mga tungkulin, maging mabait sa kanila, iwasang pagalitin sila, at makigrupo sa kanila para matulungan nila ako. Nakatulong iyon para madama kong ako ay kabilang at minamahal.

Maria H., 19, Mexico City, Mexico