Bakit ko pa kailangang magdasal nang mag-isa samantalang nagdarasal na akong kasama ang pamilya ko?
Kunwari ay nahihirapan ka sa isang personal na problema. Komportable ka bang ibahagi sa isang grupo ang problema mo, o mas gusto mo itong ipagtapat nang sarilinan sa isang tao?
Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “May ilang bagay na mainam na ipagdasal nang lihim, kung kailan hindi natin kailangang isipin ang oras o pagiging lihim ng ating ipagdarasal. Ang pagdarasal nang mag-isa ay walang katumbas at kapaki-pakinabang. Ang pagdarasal nang mag-isa ay tumutulong na maalis ang ating hiya o pagkukunwari, at anumang panlilinlang sa sarili; natutulungan tayo nitong buksan ang ating puso at maging lubos na tapat at marangal sa pagsasabi ng lahat ng ating inaasahan at saloobin.”1 Yaong hindi tayo komportableng ipagdasal sa mga panalangin ng ating pamilya ay maaaring sambitin—at kadalasan ay siyang nararapat—sa personal na panalangin.
Tinutulutan tayo ng ating mga personal na panalangin na maging napakatapat sa ating mapagmahal na Ama sa Langit at talakayin ang pinakamatitindi nating pangamba at hangarin ng ating puso. Sa pagdarasal nang sarilinan natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nagpasimula sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang pakikipag-usap sa ating Ama sa Langit nang sarilinan ay nagtutulot sa atin na mas madaling madama ang mga pahiwatig ng Espiritu na nilayon para sa ating kapakanan.
Gayunman, napakahalaga rin ng panalangin ng pamilya—itinutulot nito na mas mapalapit tayo sa ating Ama sa Langit at magkaroon ng mga espirituwal na karanasan sa ating pamilya. Gaya ng turo ni Pangulong Kimball, “Hinihikayat ng Simbahan na manalangin ang pamilya tuwing umaga at tuwing gabi.”2