Ang Ating Paniniwala
Ang mga Banal na Kasulatan ay Nagtuturo at Nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng payo ng mga propeta, mga nagbibigay-inspirasyong salaysay ng pakikitungo ng Diyos sa mga tao, at mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na nagmamahal sa atin. Bilang bahagi ng Kanyang plano para sa ating walang hanggang kaligayahan, pumarito tayo sa lupa. Habang narito tayo, ang mga banal na kasulatan ay isang espirituwal na gabay sa buhay patungo sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Ang pangunahing layunin ng mga banal na kasulatan ay patotohanan si Cristo, kaya natutulungan tayo nitong lumapit sa Kanya at tumanggap ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 5:39). Sa gayon ay pinapayuhan tayo ng mga propeta sa mga huling araw na pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, kapwa nang mag-isa at kasama ang ating pamilya. Sabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Magbasa ng banal na kasulatan araw-araw. Ang madaliang pag-aaral ay hindi kasing epektibo ng araw-araw na pagbabasa at pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan. Maging pamilyar sa mga aral na itinuturo ng mga banal na kasulatan. … Pag-aralan ang mga ito na parang nangungusap ang mga ito sa inyo, dahil iyon ang totoo.”1
Sa pamamagitan ng mga salita sa mga banal na kasulatan, makikilala at mapapamahal sa atin ang ating Ama sa Langit at ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Mababasa natin ang Kanilang mga utos at, dahil dito, makikita natin ang kaibhan sa pagitan ng tama at mali. Magtatamo tayo ng lakas na labanan ang tuksong magkasala. Mag-iibayo ang hangarin nating sundin ang mga batas ng Diyos. Pinapanatag at tinuturuan tayo ng mga banal na kasulatan habang narito tayo sa lupa, at ipinapakita sa atin ang daan pabalik sa ating tahanan sa langit.
Tinatanggap ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang sumusunod bilang banal na kasulatan:
-
Ang Biblia ay koleksyon ng mga sagradong talaang naglalaman ng mga paghahayag ng Diyos sa mga sinaunang propeta sa Banal na Lupain. Nakasaad sa ating ikawalong saligan ng pananampalataya, “Naniniwala kami na ang Biblia ay salita ng Diyos hangga’t ito ay nasasalin nang wasto.”
-
Ang Aklat ni Mormon: Isa pang Tipan ni Jesucristo ay naglalaman ng mga paghahayag ng Diyos sa mga sinaunang propeta sa mga lupain ng Amerika. Naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa D at T 20:9).
-
Ang Doktrina at mga Tipan ay isang aklat ng mga paghahayag hinggil sa Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo, na ibinigay sa mga makabagong propeta simula kay Joseph Smith.
-
Ang Mahalagang Perlas ay naglalaman ng karagdagang mga paghahayag ng Diyos kina Moises, Abraham, at Joseph Smith.
-
Ang Diyos ay patuloy na naghahayag ng mga katotohanan sa mga buhay na propeta sa pamamagitan ng inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga katotohanang ito ay itinuturing na banal na kasulatan (tingnan sa D at T 68:4). Dumarating sa atin ang mga ito lalo na sa pamamagitan ng pangkalahatang kumperensya, na idinaraos sa unang Sabado’t Linggo ng Abril at Oktubre, kung kailan naririnig ng mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo ang mga mensahe ng ating propeta at iba pang mga pinuno ng Simbahan.