2011
Pagpapakilala ng mga Bagong Hanbuk sa Pandaigdigang Pagsasanay
Enero 2011


Pagpapakilala ng mga Bagong Hanbuk sa Pandaigdigang Pagsasanay

Ipinakilala ni Pangulong Thomas S. Monson at ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga bagong hanbuk ng Simbahan at ang ilan sa mahahalagang pagbabagong nilalaman nito sa brodkast ng Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno noong Nobyembre 13, 2010.

Ang pagsasanay sa pamumuno na nagpakilala sa mga bagong hanbuk —ang Handbook 1: Stake Presidents and Bishops at Handbook 2: Administering the Church— ay isinahimpapawid sa 22 wika sa mga priesthood at auxiliary leader sa 95 bansa.

Ang brodkast ay mapapanood sa LDS.org sa www.lds.org/leadership-training.

Ang ikalawang brodkast ng Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno ay gaganapin sa Pebrero 2011 upang pagtuunan ang mga detalye ng mga responsibilidad ng mga stake president at bishop, ang gawain ng mga korum at auxiliary, at ang partikular na mga hamon ng mga yunit na kulang sa mga miyembro at lider na magsasagawa ng buong programa ng Simbahan.

Kahalagahan ng mga Hanbuk

“May kaligtasan sa mga hanbuk,” sabi ni Pangulong Monson, na nagbababala laban sa mga paglihis sa tamang pagpapatupad ng mga programa ng Simbahan kapag hindi pamilyar ang mga lider sa mga patakaran at pamamaraan ng Simbahan “Magiging pagpapala ang mga ito sa inyo at sa mga pinaglilingkuran ninyo kapag inyong binasa, inunawa, at sinunod ang mga ito.”

Ang mga hanbuk ay mas pinasimple at ginawang mas madaling iakma para maiwasan ang dalawang malalaking panganib, ayon kay Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol.

Ang una ay ang panganib na maalis ang impluwensya ng Espiritu Santo sa mga programa ng Simbahan. “Espirituwal ang ating ginagawa,” wika niya, “at ang espirituwal na gawain ay dapat magabayan ng Espiritu.”

Ang ikalawa ay ang panganib na “maitatag ang Simbahan nang hindi naitatatag ang ebanghelyo,” wika niya. “Kailangan nating mailagay ang Simbahan sa buhay ng mga miyembro at maitatag ang ebanghelyo sa puso nila.”

Mahahalagang Pagbabago

Karamihan sa teksto ng Handbook 1: Stake Presidents and Bishops ay hindi binago mula nang baguhin noong 2006 ang Church Handbook of Instructions, Book 1. Ang mga tagubilin sa pinakahuling mga liham ng Unang Panguluhan ay isinama, ang mga kabanata tungkol sa mga tungkulin ng stake president at bishop ay pinaikli at pinalinaw, at ang ilang materyal ay muling isinaayos para mas madaling masangguni.

Ang mga pagbabago sa Handbook 2: Administering the Church ay mas malawak. Ang isang pamamaraang nakabatay sa alituntunin ay ginamit upang bawasan ang pagkakumplikado ng mga programa ng Simbahan at tulutan ang ilang lokal na pag-angkop kung saan kailangan nang hindi isinasakripisyo ang pagkakapare-pareho ng mga patakaran, pamamaraan, at programa.

Kabilang sa iba pang mga pagbabagong dapat pansinin ang pagbabawas sa trabaho ng bishop sa pamamagitan ng pagpapalawak sa trabaho ng ward council at mga miyembro nito, ang posibleng pagpapadalas ng mga ward council meeting, isang paglilinaw sa misyon ng Simbahan, pagdaragdag sa mga talakayan ng mga priesthood executive committee (kung saan maaaring anyayahan ang mga pangulo ng Relief Society kapag kinakailangan) at ward council tungkol sa gawain ng ward welfare committee, pag-aalis ng tumatayong ward activities committee at pamamahala sa mga aktibidad sa pamamagitan ng ward council, at iba pang mga pagbabago.

Ang Misyon ng Simbahan

Nililinaw ng mga bagong hanbuk ang tungkol sa tinawag ng Unang Panguluhan noong 1981 na tatlong misyon ng Simbahan—pagpapahayag, pagpapasakdal, at pagtubos.

Muling pinagtitibay ng Handbook 2, section 2.2, ang layon ng Unang Panguluhan noong 1981 na ang tatlong aplikasyong ito ay bahagi ng isang dakilang gawain, na nagsasabing: “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay inorganisa ng Diyos upang tumulong sa Kanyang gawain na isakatuparan ang kaligtasan at kadakilaan ng Kanyang mga anak” (tingnan sa Moises 1:39).

Nagbabala si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol laban sa “labis na pagbibigay ng pansin sa mga kahulugan at hangganan ng tatlong aplikasyong ito ng gawain ng Panginoon” o “hindi pagbibigay-pansin sa iba pang mahahalagang elemento tulad ng pangangalaga sa mga maralita.”

Sabi niya, “Ang pangkalahatang alituntunin, na nakasaad sa section 2.2, ay na ‘ang mga programa at aktibidad ng Simbahan [ay nilayong] suportahan at palakasin ang mga indibiduwal at pamilya.’”

Pagkakapare-pareho at Pag-aangkop

Ang mga alituntunin at doktrinang matatagpuan sa unang tatlong kabanata ng Handbook 2 “ay mga pundasyon ng pangangasiwa sa Simbahan at dapat sumuporta sa lahat ng ginagawa [ng mga lider],” sabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunman, ang mga sumunod na kabanata sa aklat na ito, lalo na ang bagong kabanatang tinatawag na “Uniformity and Adaptation,” ay tumutulong na magpaliwanag kung saan maaaring magkaroon ng pag-aakma sa mga patakaran at programa ng Simbahan.

Ang kabanatang ito ay tumutulong na “malinaw na itakda kung aling mga bagay ang dapat magkapare-pareho saanman sa Simbahan” at “naglalaman [din] ng napakahahalagang alituntuning nagtatakda ng mga kundisyon na magtutulot ng … pag-aangkop sa lokal na kalagayan,” sabi ni Elder Cook.

Ang mga halimbawa kung saan tamang gawin ang mga pag-aangkop ay sa paglalagay ng mga tauhan at mga programa ng mga auxiliary at sa format at dalas ng mga leadership meeting at aktibidad. Ang mga sitwasyong isasaalang-alang ay ang mga sitwasyon ng pamilya, transportasyon at komunikasyon, maliit na bilang ng mga miyembro, at seguridad.

“Kapag isinaalang-alang kung anong pag-aangkop ang tama, dapat humingi ang mga lider ng patnubay ng Espiritu sa tuwina at ng payo sa nakatataas nilang presiding authority,” sabi ni Elder Cook.

Pagsulong

Sa pamumuno sa isang panel discussion, iminungkahi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang pag-aaral ng mga tagubilin nang paisa-isang kabanata at pagtalakay sa mga alituntunin sa mga council meeting na maaaring humantong sa mas maraming makahulugang pagkatuto.

Kung may mga tanong ang mga lider tungkol sa mga patakaran at programang hindi masagot ng mga hanbuk, dapat nilang talakayin ang mga ito sa kanilang presiding priesthood leader, payo ni Elder Oaks. Kung may mga tanong na hindi nasagot, “tanging ang mga pinaka-senior priesthood leader ang dapat makipag-ugnayan sa Office of the First Presidency.”

Tinalakay nina Elder M. Russell Ballard, Jeffrey R. Holland, at David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol; Julie B. Beck, Relief Society general president; at Walter F. González ng Panguluhan ng Pitumpu ang mga alituntunin sa mga bagong hanbuk ng Simbahan sa Pandaigdigang Pagsasanay sa Pamumuno noong Nobyembre 2010.