Oras ng Pagbabahagi
Ang mga Banal na Kasulatan ay Salita ng Diyos
“Magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3).
Sa Aklat ni Mormon, ikinuwento ni Lehi sa kanyang pamilya ang kanyang panaginip tungkol sa punungkahoy ng buhay. Sa kanyang panaginip, gusto ni Lehi na kumain ang kanyang pamilya ng bunga ng punungkahoy, na “kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga” (1 Nephi 8:15). Nakita niya ang maraming taong naglalakad sa landas patungo sa punungkahoy ng buhay, ngunit nawala ang iba sa abu-abo ng kadiliman at naligaw ng landas. Ang iba ay humawak nang mahigpit sa gabay na bakal sa kahabaan ng landas patungo sa puno. Sumulong sila, na nakahawak nang mahigpit sa bakal hanggang marating nila ang puno at makain nila ang bunga, na nagdulot sa kanila ng galak. (Tingnan sa 1 Nephi 8.)
Nanalangin ang anak ni Lehi na si Nephi upang malaman ang kahulugan ng mga bagay na nakita ng kanyang ama. Ipinakita rin kay Nephi ang napanaginipan ng kanyang ama. Itinuro ng Espiritu kay Nephi na ang punungkahoy ng buhay ay kumakatawan sa pag-ibig ng Diyos. Ipinakita kay Nephi si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, na nagtuturo at nagpapala sa mga tao sa lupa. Itinuro din kay Nephi na ang gabay na bakal ay kumakatawan sa salita ng Diyos. (Tingnan sa 1 Nephi 11.)
Ang mga banal na kasulatan ay salita ng Diyos. Ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay parang paghawak nang mahigpit sa gabay na bakal. Malalaman natin ang nais ipagawa at ipasabi ni Jesus sa atin. Magkakaroon tayo ng kapangyarihang labanan ang tukso at makarating sa punungkahoy ng buhay at madama ang pag-ibig ng Diyos.
Aktibidad
Hanapin ang mga reperensya sa banal na kasulatan sa pahina 65 upang matuklasan ang kahulugan ng mga bagay na nakita nina Lehi at Nephi sa kanilang pangitain ng punungkahoy ng buhay. Gupitin at gamitin ang mga drowing para maibahagi sa iba ang natutuhan ninyo. Maitatanong din ninyo sa inyong mga magulang kung maaari ninyo itong ikuwento sa family home evening.