2011
Si Jesus Noong Bata Pa
Enero 2011


Mga Kuwento Tungkol kay Jesus

Si Jesus Noong Bata Pa

Ang salaysay na ito ay nagmula sa Mateo 2; Marcos 6:3; Lucas 2:21–52.

Hawak ni Maria ang sanggol na si Jesus habang naglalakad siya sa mataong templo sa Jerusalem. Dumating sila ni Jose mula sa Bet-lehem upang mag-alay ng handog na dalawang kalapati sa templo. Halos anim na linggo pa lang noon ang edad ni Jesus.

Sa templo ay may matandang lalaking nagngangalang Simeon. Pinangakuan siya na makikita niya ang Tagapagligtas balang araw. “Ipinahayag sa kaniya ng Espiritu Santo, na di niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon” (Lucas 2:26). Nang makita niya ang sanggol na si Jesus, nagalak si Simeon dahil nalaman niya na natupad ang pangako. Pagkatapos ay galak na nagpatotoo ang isang babaeng nagngangalang Ana na naglilingkod sa templo na si Jesus ang Tagapagligtas.

Ngunit hindi lahat ay masaya sa pagsilang ng Tagapagligtas. Narinig ni Haring Herodes na naisilang na ang batang magiging hari ng mga Judio. Ayaw ni Herodes ng ibang mga hari sa kanyang lupain. Iniutos niyang patayin ang lahat ng sanggol na isinilang malapit sa Bet-lehem sa nakaraang dalawang taon!

Isang anghel ang nagpakita kay Jose sa panaginip upang balaan siya tungkol sa plano ni Herodes. Tumakas sina Jose at Maria sa gabi. Dinala nila si Jesus upang manirahan sa lupain ng Egipto, kung saan Siya ay ligtas.

Pagkamatay ni Haring Herodes, lumipat ang pamilya ni Jesus sa bayan ng Nazaret. Nagtrabaho si Jose bilang karpintero. Si Maria ang nag-asikaso sa sambahayan.

Natutong magtrabaho si Jesus kasama ni Jose. Gaya ng lahat ng lalaking Judio, pinag-aralan Niya ang mga banal na kasulatan at batas ng mga Judio. Sinunod nina Jose at Maria ang mga kautusan, at natuto si Jesus mula sa Kanyang mga magulang sa lupa. Si Jesus ay “lumalaki, at lumalakas, at napupuspos ng karunungan: at sumasa kaniya ang biyaya ng Diyos” (Lucas 2:40).

Noong si Jesus ay 12 taong gulang, dinala Siya nina Maria at Jose sa Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskua. Naglakbay sila kasama ng maraming tao. Nagsilakad ang mga babae’t lalaki sa iba’t ibang grupo, at nagkita-kita ang magpapamilya tuwing gabi para maghapunan habang nakahimpil sila sa daan.

Matapos ang pagdiriwang papauwi na sina Jose at Maria. Noong gabing iyon natanto nila na hindi kasama si Jesus sa anumang grupong kasabay nilang naglakbay. Nagmadali silang bumalik sa Jerusalem upang hanapin Siya. Pagkaraan ng tatlong araw natagpuan nila si Jesus sa templo. Kausap Niya ang mga guro at sinasagot ang kanilang mga tanong. Namangha ang kalalakihan sa templo.

Sinabi ni Maria kay Jesus na alalang-alala sila ni Jose. Pinaalalahanan siya ni Jesus na kailangan Niyang gawin ang gawain ng Kanyang Ama sa Langit. Kahit bata pa, alam ni Jesus na may mahalagang gawain Siyang gagawin bilang bahagi ng plano ng Kanyang Ama sa Langit.

Itaas kaliwa: detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Batang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.; itaas: paglalarawan ni Dan Burr; iba pang mga paglalarawan ni Casey Nelson