2011
Mga Sinaunang Halimbawa, mga Makabagong Pangako
Enero 2011


Mga Sinaunang Halimbawa, mga Makabagong Pangako

Hindi kailanman naging madali sa akin ang makipagdeyt, ngunit nakakahugot ako ng lakas sa mga halimbawa ng katapatan sa mga banal na kasulatan.

Bagama’t nasisiyahan akong makihalubilo, hirap akong makipagdeyt. Hindi pa ako nakipagdeyt bago magmisyon, at nang makauwi na ako pagkaraan ng dalawang taon, nakadama ako ng kakulangan sa karanasan.

Sampung taon mula noon, tila nasubukan ko na ang “lahat ng [aking] magagawa” (2 Nephi 25:23) para makapag-asawa—isang bagay na ipinangako sa akin sa patriarchal blessing ko—pero walang nangyari. Kung minsan natutukso akong mawalan ng pag-asa na makakakita pa ako ng mapapangasawa, at sa madidilim na sandaling ito, naibubulalas ko sa panalangin na: “Tulungan po Ninyo ako. Hindi ko alam ang ginagawa ko.”

Kamakailan, nakadama ako ng malaking kaaliwan sa mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan. Ang sumusunod na tatlong kuwento ay napakaepektibong tumulong sa akin na magtiwala sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano.

Jose ng Egipto: Manatiling Sumasampalataya at Umaasa sa Diyos

Si Jose ay sapilitang kinuha mula sa kanyang tahanan sa edad na 17 at itinapon sa banyagang lugar kung saan iilan ang naniniwala sa kanyang relihiyon. Sa kabila ng matinding pagsubok na ito, maganda pa rin ang kanyang ugali at nanatiling tapat sa kanyang mga amo at sa Diyos (tingnan sa Genesis 37; 39–41). Gayunpaman, sa loob ng 13 taon dumanas siya ng sunud-sunod na di kanais-nais na sitwasyon. Tila walang gaanong nagawa ang kanyang pagsisikap kundi nabilanggo pa siya, kung saan nanatili siya hanggang edad 30.

Kung minsan ay iniisip ko kung naisip ba ni Jose na kinalimutan na siya ng Diyos o kung itinanong man lang ba ni Jose kung hanggang kailan siya mabibilanggo o kung makakalaya pa siya. Iniisip ko kung ang mga panaginip ni Jose noong kanyang kabataan (tingnan sa Genesis 37:5–11) ay nagbigay sa kanya ng pag-asa sa mas magandang kinabukasan.

Mangyari pa, naalala nga ng Diyos si Jose, gaya ng pag-alala Niya sa ina ni Jose na si Raquel (tingnan sa Genesis 30:22). Si Jose ay pinagpalang umunlad maging sa di kanais-nais na mga sitwasyon. Sa halip na piliing magrebelde, magmukmok o sumpain ang Diyos, nagpakita si Jose ng pambihirang pananampalataya. Bunga niyon, pinagpala siya nang lubos.

Maaari tayong matuksong idaing ang sarili nating mga paghihirap, at posibleng maging bulag tayo sa mga pagpapalang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Ngunit ang pananatiling sumasampalataya at umaasa ay makapagdudulot sa atin ng malalaking pagpapala, tulad ng ginawa nito kay Jose. At kahit hindi nagantimpalaan ang ating pananampalataya ayon sa gusto natin, ang pananatiling sumasampalataya ay makakatulong pa rin sa atin na mabuhay nang mas maligaya.

Ang karanasan ni Jose ay isa ring katunayan ng nakahihigit na kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sa loob ng maraming taon tila walang kinahinatnan ang mga pagsisikap ni Jose, ngunit sa tulong ng Diyos, pinalaya si Jose mula sa bilangguan at pumangalawa kay Faraon sa kapangyarihan (tingnan sa Genesis 41:41–43). Nakinita o inasam ba ni Jose ang gayon kalaking mga oportunidad?

Kung minsan pinipilit nating makagawa ng isang bagay, ngunit ang sarili nating mga pagsisikap, gaano man kalaki, ay hindi pa rin sapat para sa gawain. Alam ko na maaari tayong pagpalain ng Ama sa Langit ng mas malalaking pagpapala kaysa una nating inasahan dahil sa ating pananampalataya at pagsunod. Nagtitiwala ako na kung mabuti ang aking pag-uugali at gagawin ko ang lahat sa mahihirap na sitwasyon, tulad ni Jose, darating ang panahon—ang panahon ng Panginoon—na Kanyang “[huhubdan] ang kaniyang banal na bisig” (Isaias 52:10). Hindi mawawalan ng kabuluhan ang aking pagsisikap. Kanya tayong aalalahanin; katunayan, palagi Niya tayong inaalala at may magagandang bagay Siyang laan para sa bawat isa sa atin kung mananatili tayong tapat.

Abraham: Mahalin ang Diyos nang Higit sa Lahat

Nitong nakaraan itinigil ko ang pakikipagdeyt sa isang taong mahal na mahal ko. Dahil nababalisa na ako sa di pag-aasawa, nag-alinlangan ako kung makakahanap pa ako ng isang taong makakasundo ko.

Hindi nagtagal, napaalalahanan ako ng kuwento tungkol kay Abraham na inutusang ialay si Isaac (tingnan sa Genesis 22:1–14). Natanto ko na pareho kaming inutusang isuko ang isang minamahal. Mangyari pa, napakagaan ng karanasan ko kumpara kay Abraham, ngunit natuklasan ko na may natutuhan ako sa kanyang karanasan na maaari kong tularan.

Napakatagal ng ipinaghintay ni Abraham para magkaanak sila ni Sara ng lalaki. Ang pagsilang ni Isaac ay isang himala, at sinabihan si Abraham, “Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi” (Sa Mga Hebreo 11:18). Subalit inutusan ng Panginoon si Abraham na ialay si Isaac. Paano “tatawagin” ang binhi ni Abraham kay Isaac kung iaalay si Isaac?

Batid—bagama’t hindi alam kung paano—na tutuparin ng Diyos ang Kanyang mga pangako, sumunod si Abraham. Mahal na mahal niya ang kanyang anak, ngunit nakita sa kanyang pagsunod na mahal niya ang Panginoon nang higit sa lahat. Tayo man ay hinihilingang magpamalas ng gayong bagay (tingnan sa D at T 101:4–5), at tayo man ay pinangakuan din ng malaking gantimpala kung tapat tayong magtitiis (tingnan sa Mateo 24:13). Nang matapos ang relasyong iyon, ang hirap makalimot. Dahil pinangakuan akong makapag-aasawa, tila hindi angkop ang paglimot sa katuparan ng pangakong iyon. Ngunit nagkaroon ako ng pag-asa sa pangako, na nakatulong sa akin upang muling sumubok at ipakita sa Ama sa Langit na mahal ko Siya nang higit sa lahat.

Ang katapatan ni Abraham ay ginantimpalaan hindi lamang ng buhay ng kanyang anak kundi pati na ng hindi mabilang na inapo at iba pang mga pagpapala (tingnan sa Genesis 22:15–18). Tayo man ay gagantimpalaan din sa pagsasakripisyo ng mga bagay na hinihingi sa atin ng Diyos at sa pagpapakita ng ating pagmamahal sa Kanya. Iyan ang tunay na kahulugan ng pagsubok sa ating pananampalataya.

Zacarias: Maniwala na Totoo ang mga Pangako ng Diyos

Kung minsan hindi natin alam kung paano nga matutupad ang mga pangako sa atin ng Panginoon—gaya ng pangako na kung ating nanaisin iyon at mananatili tayong tapat, pagpapalain tayong makapag-asawa nang walang hanggan. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan ang tungkol sa kalokohang ito: “Maaaring may mga pagkakataon na dapat tayong magpasiya na buong tapang na umasa kahit lahat ng nakapaligid sa atin ay kontra sa pag-asa [natin].”1

Si Zacarias at kanyang asawang si Elisabet ay tapat na nanalangin at naghintay na magkaanak sa buong buhay nila. Sa wakas, pinangakuan ng isang anghel si Zacarias na maglilihi ang kanyang matandang asawa at ipagbubuntis ang isang batang maghahanda ng daan para sa Tagapagligtas. Napakalaki ng pagpapala kaya hindi ito naunawaan ni Zacarias. Bagama’t isang anghel ang nagpahayag nito, itinanong ni Zacarias, “Sa ano malalaman ko ito?” (Lucas 1:18).

Tulad ni Zacarias, maaari tayong masanay na mabigo sa mga ninanais natin—o tila hindi kapani-paniwala ang mga ipinangakong pagpapala—nalilimutan natin na “sa Dios ang lahat ng mga bagay ay mangyayari” (Mateo 19:26). Naalala ko sa karanasan ni Zacarias na ang pinakadakilang mga pangako ng Ama sa Langit ay totoo at lagi Niyang tinutupad ang mga ito.

Hindi lamang mga kuwento tungkol kina Jose, Abraham, at Zacarias ang nagpalakas sa aking pananampalataya at nagbigay sa akin ng pag-asa. Marami pang tala sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga tao na ang pananampalataya ay nagpaalala sa akin na sumampalataya sa ipinangako ng Panginoon sa akin. Ngayon ay halos hindi ako makabasa ng isang kabanata ng banal na kasulatan nang hindi ko naaalala na laging tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako. Ang pagkaunawang ito ay nagbibigay sa akin ng malaking pag-asa para sa hinaharap.

Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Liahona, Nob. 2008, 23.

Mga paglalarawan ni Jeff Ward