2011
Nasaan si Isabelle?
Enero 2011


Nasaan si Isabelle?

“Sila ay nagnais na mabinyagan bilang saksi at bilang patotoo na sila ay nahahandang paglingkuran ang Diyos ng kanilang buong puso” (Mosias 21:35).

Tuwang-tuwa si Isabelle at halos magpaluksu-lukso habang naglalakad silang mag-ama sa pasilyo. Sinuklay ng kanyang ina ang maitim niyang buhok at isinara ang siper ng mahabang puting damit na isusuot ni Isabelle sa kanyang binyag. Huminto siya sa labas ng silid kung saan naghihintay ang lahat.

“Maaari po bang magkaroon niyon ang kahit sino?” tanong niya sa kanyang tatay, habang nakaturo sa mga kopya ng Aklat ni Mormon na nasa maliit na mesa.

“Oo. Para iyan sa mga taong gustong makaalam pa tungkol sa ating simbahan,” sabi ni Itay.

Sumilip si Isabelle sa silid. Puno iyon ng mga taong mahal niya. Ang kanyang lola, mga tiya, mga tiyo, at mga pinsan ay nakaupo malapit sa harapan. Ang matalik niyang kaibigang si Grace ay nakaupo sa likuran kasama ang kanyang pamilya. Ngunit hindi nakita ni Isabelle si Miss Perkins, ang kanyang guro sa eskuwelahan.

“Pumasok na tayo,” sabi ni Itay. “Magsisimula na ang miting.”

“Maaari po bang hintayin natin nang isa pang minuto si Miss Perkins?”

Si Miss Perkins ang paboritong guro ni Isabelle. Mahilig ito sa mga aklat, at gayon din si Isabelle.

“Mabuti at inimbita mo siya, Isabelle, pero baka hindi siya dumating,” marahang sabi ni Itay.

Bumuntong-hininga at tumango si Isabelle. Pumasok na silang mag-ama sa silid at naupo sa upuan sa harapan. Bago magsimula ang pambungad na himno, lumingon si Isabelle para tingnan kung naroon ang kanyang guro. Naroon siya kasama ng pamilya ni Grace! Ngumiti si Isabelle. Ngumiti rin sa kanya si Miss Perkins.

Matapos ang binyag ni Isabelle hiniling ng bishop sa lahat na sama-samang magparetrato.

“Nasaan si Isabelle?” tanong niya.

Lahat ay naghanap. Wala si Isabelle!

Hinanap ni Grace ang kanyang kaibigan. Una siyang naghanap sa pasilyo, pero wala roon si Isabelle. Pagkatapos ay naghanap siya sa bulwagan, ngunit wala rin ito roon. Sa huli, naghanap si Grace sa labas at nakita si Isabelle sa hagdan ng meetinghouse at kausap si Miss Perkins.

“Salamat po sa pagdalo ninyo sa binyag ko,” sabi ni Isabelle.

“Walang anuman,” sabi ni Miss Perkins. “Pasensya ka na at kailangan kong umalis kaagad. May pupuntahan pa ako ngayon.”

“OK lang po. Pero may ibibigay po ako sa inyo.” Iniabot ni Isabelle sa kanyang guro ang isang Aklat ni Mormon na kinuha niya sa ibabaw ng mesa sa pasilyo. “Alam ko po na gustung-gusto ninyong magbasa, at talagang maganda po ang aklat na ito.”

“Salamat,” sabi ni Miss Perkins.

“Babasahin po ba ninyo ito?” tanong ni Isabelle.

“Oo, babasahin ko,” sabi ni Miss Perkins. “Pangako.”

Masayang-masaya si Isabelle. Nakangiti siya nang bumaling at makita si Grace na naghihintay sa kanya.

“Ano ang ginagawa mo rito?” tanong ni Grace. “Gusto ng nanay mo na magparetrato tayong lahat.”

“Lumabas ako para bigyan si Miss Perkins ng Aklat ni Mormon,” sabi ni Isabelle.

Nanlaki ang mga mata ni Grace. “Natakot ka ba?”

“Medyo. Pero mas takot ako na baka itago lang niya iyon sa istante. Kaya tinanong ko siya kung babasahin niya iyon.”

“Ano ang sabi niya?” tanong ni Grace.

“Nangako siyang babasahin nga niya!”

“Ang galing!” sabi ni Grace.

Sumama ang dalawang bata sa grupo ng mga kaibigan at kamag-anak.

“Natutuwa ako’t nakita ka ni Grace, Isabelle!” sabi ng bishop. Pagkatapos ay hiniling nitong muli na magsiksikan silang lahat para magparetrato. Nakatayo si Isabelle sa gitna ng unang hanay.

Pagkatapos niyon, yumukod ang nanay ni Isabelle para yakapin siya. “Maaalala mo na ngayon ang araw ng binyag mo magpakailanman!” wika nito.

Napangiti si Isabelle. Alam niya na may retrato man o wala, hinding-hindi niya malilimutan ang araw ng kanyang binyag at ang kasiyahang maging isang misyonero.

Mga paglalarawan ni Craig Stapley