2011
Pangunahing Pinaniniwalaan sa Ating Relihiyon
Enero 2011


MAHALAGA sa Ating Relihiyon

Ang artikulong ito ay sinipi mula sa isang mensaheng ibinigay sa faculty at mga estudyante ng Harvard Law School noong Pebrero 26, 2010.

Bilang Apostol tinawag akong maging saksi ng doktrina, gawain, at awtoridad ni Cristo sa buong mundo. Sa tungkuling iyan sumasaksi ako sa katotohanan ng mga pundasyong ito ng aming relihiyon.

Elder Dallin H. Oaks

Alam naming mga Banal sa mga Huling Araw na ang aming mga doktrina at pinahahalagahan ay hindi ganap na nauunawaan ng mga hindi kasapi sa aming relihiyon. Nakita ito ito sa pambansang pag-aaral ni Gary C. Lawrence na inilathala sa pinakabago niyang aklat na, How Americans View Mormonism. Tatlong-kapat ng mga tinanong ang nag-ugnay sa aming Simbahan sa matataas na pamantayan, ngunit mga kalahati ang nag-akala na kami ay malihim at mahiwaga at may “kakatuwang mga paniniwala.”1 Nang hilingang pumili ng iba’t ibang salita na inaakala nilang naglalarawan sa lahat ng Banal sa mga Huling Araw, 87 porsiyento ang nag-tsek sa “matibay na pagpapahalaga sa pamilya,” 78 porsiyento ang nag-tsek sa “tapat,” at 45 porsiyento ang nag-tsek sa “pikit-matang sumusunod.”2

Nang tanungin ng mga nag-iinterbyu si Lawrence, “Sa pagkaunawa mo, ano ang pangunahing pinaniniwalaan ng Mormonismo?” 14 na porsiyento lamang ang nakapaglarawan ng anumang malapit sa ideya ng panunumbalik o muling pagkatatag ng orihinal na relihiyong Kristiyano. Gayundin, nang tanungin sa isa pang pambansang survey ang mga tao kung anong salita ang pinakamainam na naglalarawan ng pakiramdam nila sa relihiyong Mormon, walang isa mang nagsabi ng mga salita o ideya ng orihinal o ipinanumbalik na Kristiyanismo.3

Nabawasan lamang nang bahagya ang kalungkutan ko sa mga natuklasang ito dahil sa iba pang mga natuklasan at naobserbahan ni Lawrence na sa paksang relihiyon karaniwan ay “lubhang relihiyoso” ang mga Amerikano ngunit “walang alam.” Halimbawa, 68 porsiyento ang nagsabi na nananalangin sila nang ilang beses sa isang linggo, at 44 na porsiyento ang nagsabi na halos linggu-linggo silang nagsisimba. Kasabay nito, kalahati lamang ang nakabanggit ng kahit isa sa apat na Ebanghelyo, karamihan ay hindi mabanggit ang unang aklat ng Biblia, at 10 porsiyento ang nag-aakala na si Joan of Arc ang asawa ni Noe.4

Maraming bagay na nag-aambag sa kawalan ng kaalaman tungkol sa relihiyon, ngunit tiyak na isa sa mga ito ang karaniwang pagkapoot o pagbabalewala sa relihiyon ng mga kolehiyo at unibersidad. May iilan lamang na eksepsyon, ang mga kolehiyo at unibersidad ay nawalan ng pagpapahalaga at walang pinapanigan pagdating sa relihiyon. Hindi pinahahalagahan at binabalewala ang mga estudyante at iba pang mga relihiyosong taong naniniwala na tunay na may buhay na Diyos at mga batas ng moralidad.

Tila hindi na maaasahan pa ang mga kolehiyo at unibersidad na muling ituro ang pagpapahalaga sa moralidad. Mananatili iyang responsibilidad ng mga tahanan, simbahan, at kolehiyo at unibersidad na pag-aari ng mga simbahan. Dapat asamin ng lahat na magtagumpay sa mahalagang gawaing ito. Maaaring magkunwari ang akademya na wala silang pinapanigan kung ano ang tama at mali, ngunit hindi mabubuhay ang lipunan nang walang pinapanigan.

Nakapili ako ng tatlong pumpon ng mga katotohanang ipapahayag bilang mga pangunahing tuntunin ng pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw:

  1. Ang likas na katangian ng Diyos, pati na ang papel ng tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos at ang kaakibat na katotohanan na may mga batas ng moralidad.

  2. Ang layunin ng buhay.

  3. Ang tatlong pinagmumulan ng katotohanan tungkol sa tao at sansinukob: siyensya, mga banal na kasulatan, at patuloy na paghahayag—at kung paano natin malalaman ang mga ito.

1. Ang Likas na Katangian ng Diyos

Ang una kong pangunahing tuntunin ng aming pananampalataya ay na totoong may Diyos at gayon din ang mga walang hanggang katotohanan at pinahahalagahan na hindi kayang patunayan ng kasalukuyang mga pamamaraan ng siyensya. Walang dudang magkakaugnay ang mga ideyang ito. Gaya ng mga ibang naniniwala, ipinapahayag namin na may pinakamataas na mambabatas, ang ating Diyos Amang Walang Hanggan, at may mga batas ng moralidad. Hindi kami umaayon sa kanya-kanyang paniniwala tungkol sa moralidad na nagiging di-opisyal na doktrina ng karamihan sa makabagong kultura.

Para sa amin ang katotohanan tungkol sa likas na katangian ng Diyos at sa ating kaugnayan sa Kanya ang siyang susi sa lahat ng iba pa. Ang mahalaga, ang aming paniniwala sa likas na katangian ng Diyos ang siyang nagpapaiba sa amin sa mga kinikilalang doktrina ng karamihan ng mga simbahang Kristiyano. Nagsisimula ang aming Mga Saligan ng Pananampalataya nang ganito: “Naniniwala kami sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (talata 1).

Naniniwala kami sa Panguluhang Diyos tulad ng iba pang mga Kristiyano, ngunit para sa amin iba ang kahulugan nito kaysa karamihan. Naniniwala kami na ang tatlong miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay at magkakaibang nilalang at ang Diyos Ama ay hindi isang espiritu kundi isang niluwalhating Nilalang na may katawan, tulad ng Kanyang nabuhay na mag-uling Anak na si Jesucristo. Kahit magkakahiwalay sa katauhan, iisa ang Kanilang layunin. Naniniwala kami na tinukoy ni Jesus ang kaugnayang ito nang ipagdasal Niya sa Kanyang Ama na “maging isa” ang Kanyang mga disipulo maging tulad ni Jesus at ng Kanyang Ama (Juan 17:11)—nagkakaisa sa layunin ngunit hindi sa katauhan. Mahalaga sa amin ang aming kakaibang paniniwala na “ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu” (D at T 130:22). Ngunit, tulad ng makikita sa mga interbyu ni Gary Lawrence, hindi pa namin epektibong naipararating sa iba ang paniniwalang ito.5

Ang paniniwala namin sa likas na katangian ng Diyos ay nagmumula sa tinatawag naming Unang Pangitain, na nagpasimula sa Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Si Joseph Smith, isang hindi nakapag-aral na batang lalaking 14 anyos na naghangad malaman kung aling simbahan ang dapat niyang sapian, ay nagkaroon ng pangitain kung saan nakita niya ang “dalawang Katauhan” na hindi mailarawan “ang liwanag at kaluwalhatian.” Itinuro ng Isa sa Kanila ang katabi at sinabi, “Ito ang Aking Pinakamamahal na anak. Pakinggan Siya!” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:17). Sinabi ng Diyos Anak sa batang propeta na lahat ng “doktrina” ng mga simbahan sa panahong iyon ay “karumal-dumal sa kanyang paningin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:19). Ang banal na pahayag na ito ay isinumpa ang mga doktrina, hindi ang mga tapat na naghahangad na naniwala rito.

Nakita sa Unang Pangitain ni Joseph Smith na ang mga umiiral na konsepto noon ng likas na katangian ng Diyos at ng Panguluhang Diyos ay hindi totoo at hindi maaakay ang mga nananalig dito sa tadhanang hangad ng Diyos para sa kanila. Inihayag ng sumunod na pagbuhos ng makabagong banal na kasulatan ang kahalagahan ng pangunahing katotohanang ito at nagbigay sa amin ng Aklat ni Mormon. Ang bagong aklat na ito ng banal na kasulatan ang pangalawang saksi ni Jesucristo. Pinagtitibay nito ang mga propesiya at turo sa biblia tungkol sa likas na katangian at misyon ni Cristo. Pinalalawak nito ang aming pag-unawa sa Kanyang ebanghelyo at mga turo nang magministeryo Siya sa lupa. Naglalaan din ito ng maraming turo at paglalarawan ng mga paghahayag na nagpapaalam sa amin ng katotohanan ng mga bagay na ito.

Ipinaliliwanag ng mga turong ito ang aming patotoo kay Cristo. Hindi kami nakasalig sa karunungan ng mundo o sa mga pilosopiya ng tao—kahit ang mga ito ay nakaugalian na o iginagalang. Ang patotoo namin kay Jesucristo ay nakabatay sa mga paghahayag ng Diyos sa Kanyang mga propeta at sa bawat isa sa amin.

Ano ang pinatitibayan namin sa aming patotoo kay Jesucristo? Si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Siya ang Lumikha. Sa pamamagitan ng Kanyang walang-katulad na ministeryo sa lupa, Siya ang ating guro. Dahil sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, lahat ng nabuhay ay ibabangon mula sa mga patay. Siya ang Tagapagligtas, kung kaninong nagbabayad-salang sakripisyo ay nagbubukas ng pintuan para tayo mapatawad sa ating mga kasalanan para malinis tayo upang makabalik sa piling ng ating Diyos Amang Walang Hanggan. Ito ang buod ng mensahe ng mga propeta sa lahat ng panahon. Ipinahayag ni Joseph Smith ang dakilang katotohanang ito sa aming ikatlong saligan ng pananampalataya: “Naniniwala kami na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”

Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinatototohanan naming kasama ng propeta sa Aklat ni Mormon na si Haring Benjamin “na walang ibang pangalang ibinigay, o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan” (Mosias 3:17).

Bakit si Cristo ang tanging daan? Paano Niya mapuputol ang mga tanikala ng kamatayan? Paano Niya nagawang taglayin sa Kanyang Sarili ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan? Paano malilinis ang ating marumi at makasalanang buhay at mabubuhay na mag-uli ang ating katawan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala? Ito ay mga hiwagang hindi ko lubos na maunawaan. Para sa akin, ang himala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay hindi kayang unawain, ngunit pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan nito, at nagagalak akong gugulin ang aking buhay sa pagpapahayag nito.

2. Ang Layunin ng Buhay sa Lupa

Ang aking ikalawang pangunahing tuntunin ay tungkol sa layunin ng buhay sa lupa. Ayon ito sa aming pag-unawa sa mga layunin ng Diyos Amang Walang Hanggan at sa ating tadhana bilang Kanyang mga anak. Ang aming doktrina ay nagsisimula sa katiyakan na tayo ay nabuhay bilang mga espiritu bago tayo naparito sa daigdig. Pinagtitibay nito na ang buhay na ito sa lupa ay may layunin. At itinuturo nito na ang aming pinakamatayog na adhikain ay maging katulad ng aming mga magulang sa langit, na magbibigay sa amin ng kapangyarihang ipagpatuloy ang aming mga kaugnayan sa pamilya sa buong kawalang-hanggan. Inilagay tayo sa lupa upang magkaroon ng katawang-tao at—sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Kanyang ebanghelyo—maging karapat-dapat sa niluwalhating selestiyal na kalagayan at mga kaugnayan na tinatawag na kadakilaan o buhay na walang hanggan.

Angkop kaming kinikilala bilang isang Simbahang nakasentro sa pamilya, ngunit ang hindi lubos na nauunawaan ay na ang pagsentro namin sa pamilya ay hindi lamang nakatuon sa mga kaugnayan sa lupa kundi isa ring pangunahing doktrina. Sa ilalim ng dakilang plano ng mapagmahal na Lumikha, ang misyon ng Kanyang Simbahan ay tulungan tayong magtamo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal, at maisasakatuparan iyon sa pamamagitan lamang ng walang hanggang kasal sa pagitan isang lalaki at isang babae (tingnan sa D at T 131:1–3).

Walang kalituhan ang tapat kong inang balo tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng kaugnayan ng pamilya. Lagi niyang iginalang ang katayuan ng aming yumaong tapat na ama. Ipinadama niya ang presensya ng aming ama sa aming tahanan. Binanggit niya ang kawalang-hanggan ng kanilang kasal sa templo at ang aming tadhanang magkasama-sama sa kabilang buhay bilang isang pamilya. Madalas niyang ipaalala sa amin na gusto ng aming ama na maging karapat-dapat kami sa pangako ng Tagapagligtas para magkasama-sama kami bilang isang pamilya magpakailanman. Hindi niya itinuring ang kanyang sarili na isang balo, at hindi ko naisip kahit kailan na gayon nga siya. Para sa akin, noong binatilyo ako, hindi siya isang balo. Mayroon siyang asawa, at mayroon kaming ama. Nalayo lang siya sandali.

Pinagtitibay namin na ang kasal ay mahalaga sa katuparan ng plano ng Diyos na maglaan ng aprubadong lugar para sa pagsilang ng tao at ihanda ang mga miyembro ng pamilya para sa buhay na walang hanggan. Ang pagkaalam sa plano ng Diyos ay nagbibigay sa mga Banal sa mga Huling Araw ng kakaibang pananaw sa kasal at mga anak. Itinuturing namin ang pagdadalantao at pag-aaruga sa mga anak bilang bahagi ng plano ng Diyos at isang sagradong tungkulin ng mga yaong binigyan ng kapangyarihan na gawin ito. Naniniwala kami na ang pinakamahalagang kayamanan sa lupa at langit ay ang aming mga anak at inapo. At naniniwala kami na dapat nating ipaglaban ang uri ng pamilya sa mundo na naglalaan ng pinakamainam na mga kundisyon para umunlad at lumigaya ang mga anak—lahat ng anak.

Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ang pinakadakilang kapangyarihang bigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang paggamit nitong kapangyarihang lumikha ay iniutos sa unang kautusang “magpalaanakin, at magpakarami” (Genesis 1:28). Ipinagbawal sa isa pang mahalagang utos ang maling paggamit nito: “Huwag kang mangangalunya” (Exodo 20:14), at “kayo’y magsiilag sa pakikiapid” (I Mga Taga Tesalonica 4:3). Ang pagtutuon namin sa batas na ito ng kalinisang-puri ay ipinaliwanag ng aming pag-unawa sa layunin ng ating kapangyarihang magkaanak sa katuparan ng plano ng Diyos.

Maraming namimilit sa pulitika, batas, at lipunan na gumawa ng mga pagbabagong lumilito sa kasarian, nagbabalewala sa kahalagahan ng kasal o binabago ang kahulugan nito, o pinalalabo ang mga pagkakaiba ng lalaki sa babae na mahalaga sa katuparan ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos. Ang aming walang hanggang pananaw ay inihahanda kami laban sa mga pagbabagong iyon.

Sa huli, kabilang sa aming pag-unawa sa layunin ng buhay sa lupa ang ilang kakaibang doktrina tungkol sa kasunod ng mortalidad. Gaya ng iba pang mga Kristiyano, naniniwala kami na kapag nilisan natin ang buhay na ito, napupunta tayo sa langit (paraiso) o sa impiyerno. Ngunit sa amin ang dalawang-bahaging dibisyong ito ng mabubuti at masasama ay pansamantala lamang habang hinihintay ng espiritu ng mga patay ang kanilang pagkabuhay na mag-uli at Huling Paghuhukom sa kanila (tingnan sa Alma 40:11–14). Ang mga patutunguhang kasunod ng Huling Paghuhukom ay higit na magkakaiba, at nagsisilbing katibayan ng laki ng pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak—sa kanilang lahat.

Kaylaki ng pag-ibig ng Diyos kaya Niya pinasusunod ang Kanyang mga anak sa Kanyang mga batas dahil sa pamamagitan lamang ng pagsunod na iyon sila makakasulong tungo sa walang hanggang tadhanang hangad Niya para sa kanila. Sa gayon, sa Huling Paghuhukom lahat tayo ay itatalaga sa kaharian ng kaluwalhatiang katumbas ng ating pagsunod sa Kanyang batas. Sa kanyang ikalawang sulat sa mga taga Corinto, nagkuwento si Apostol Pablo tungkol sa pangitain ng isang lalaking “inagaw hanggang sa ikatlong langit” (II Mga Taga Corinto 12:2). Patungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, inilarawan niya ang “mga katawan” na iba’t iba ang kaluwalhatian, gaya ng iba’t ibang kaluwalhatian ng araw, buwan, at mga bituin. Tinukoy niya ang unang dalawa sa mga ito bilang “mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa” (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:40–42). Para sa amin, ang buhay na walang hanggan sa kaluwalhatiang selestiyal, na siyang pinakamataas, ay hindi isang pakikipag-isang may kababalaghan sa isang espiritung diyos na di mawari ng isipan. Bagkus, ang buhay na walang hanggan ay buhay-pamilya sa piling ng isang mapagmahal na Ama sa Langit at ng ating mga ninuno at inapo.

Ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay nauunawaan, panlahatan, may awa, at totoo. Kasunod ng mahalagang karanasang mabuhay sa lupa, lahat ng anak ng Diyos sa huli ay mabubuhay na mag-uli at mapupunta sa isang kaharian ng kaluwalhatiang mas maganda kaysa mauunawaan ng sinumang tao. Maliban sa iilang eksepsyon, maging ang pinakamasasama sa huli ay mapupunta sa isang kagila-gilalas—bagama’t mas mababang—kaharian ng kaluwalhatian. Lahat ng ito ay mangyayari dahil sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa lahat ng Kanyang anak, at ginawang posible ito ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, “na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay” (D at T 76:43).

3. Mga Pinagmumulan ng Katotohanan

Malaki ang pagnanais ng mga Banal sa mga Huling Araw na magkaroon ng kaalaman. Pinakamainam ang pagkasabi rito ni Brigham Young (1801–77): “Ang [ating] relihiyon … ay nag-uudyok sa [atin] upang masusing maghanap ng kaalaman. Wala nang iba pang taong nabubuhay ang higit na nananabik na makita, marinig, matutuhan at maunawaan ang katotohanan.”6

Sa isa pang pagkakataon ipinaliwanag niya na hinihikayat namin ang aming mga miyembro “[na dagdagan] ang [kanilang] kaalaman … sa bawat sangay ng [pag-aaral], sapagkat ang lahat ng karunungan, at ang lahat ng sining at agham sa daigdig ay mula sa Diyos, at pinanukala para sa ikabubuti ng kanyang mga tao.”7

Naghahangad kami ng kaalaman, ngunit ginagawa namin ito sa espesyal na paraan dahil naniniwala kami na may dalawang sukat ng kaalaman: materyal at espirituwal. Naghahangad kami ng kaalaman sa materyal na panukat sa pagtatanong sa siyensya at sa espirituwal na panukat sa pamamagitan ng paghahayag. Ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa tao—sa mga propeta at sa bawat isa sa atin kung hahangarin natin ito.

Ang paghahayag ay maliwanag na isa sa mga katangiang natatangi sa aming relihiyon. Ginabayan at pinasigla si Propetang Joseph Smith ng patuloy na daloy ng paghahayag sa buong buhay niya. Isinulong ng napakaraming nakalathalang paghahayag sa kanya, pati na ang Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan, ang kakaiba niyang katungkulan bilang Propeta ng huling dispensasyong ito ng panahon. Sa paghahayag na ito ng propesiya—kay Joseph Smith at sa mga kahalili niya bilang mga Pangulo ng Simbahan—naihayag ng Diyos ang mga katotohanan at kautusan sa Kanyang mga pinunong propeta para maliwanagan ang Kanyang mga tao at para sa pamamahala at patnubay ng Kanyang Simbahan.

Ito ang uri ng paghahayag na inilarawan sa turo sa Lumang Tipan na “ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Ipinahayag ni Joseph Smith, “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay isinalig sa tuwirang paghahayag, katulad ng tunay na Simbahan ng Diyos noon pa man.”8 Itinanong niya, “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon?” Sagot niya, “Wala.”9

Itinuro din ni Joseph Smith na dahil hindi tumigil ang paghahayag sa naunang mga Apostol kundi nagpapatuloy sa makabagong panahong ito, bawat tao ay makatatanggap ng personal na paghahayag para sa kanyang sariling pagbabalik-loob, pag-unawa, at pagdedesisyon. “Pribilehiyo ng mga anak ng Diyos na lumapit sa Diyos at makatanggap ng paghahayag,” wika niya. “Walang kinikilingan ang Diyos; pare-pareho ang pribilehiyo nating lahat.”10

Ipinaliliwanag ng Lumang Tipan ang gayong personal na paghahayag. Halimbawa, nang pagtibayin ni Pedro ang kanyang paniniwala na si Jesus ay banal na Anak ng Diyos, ipinahayag ng Tagapagligtas, “Hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa Langit” (Mateo 16:17).

Ang personal na paghahayag—na tinatawag kung minsan na “inspirasyon”—ay dumarating sa maraming anyo. Karaniwan ay sa mga salita o ideyang ipinarating sa isipan sa pamamagitan ng dagling kaliwanagan o sa positibo o negatibong damdamin tungkol sa ipinanukalang mga gagawin. Kadalasan ay dumarating ito bilang tugon sa taimtim at mapanalanging paghiling. Itinuro ni Jesus, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Ang paghahayag ay dumarating kapag sumusunod tayo sa mga utos ng Diyos at sa gayon ay nagiging karapat-dapat tayo sa pagsama at pakikipag-ugnayan ng Banal na Espiritu.

Iniisip ng ilan kung paano tinatanggap ng mga miyembro ng Simbahan ang mga turo ng isang makabagong propeta para magabayan ang kanilang personal na buhay, isang bagay na hindi karaniwan sa mga tradisyong pangrelihiyon. Ang personal na paghahayag ding ito ang sagot namin sa bintang na sinusunod nang “pikit-mata” ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang mga lider. Iginagalang namin ang aming mga lider at naniniwala kami na sila ay namumuno sa Simbahan at nagtuturo ayon sa inspirasyon. Ngunit lahat kami ay may pribilehiyo at hinihikayat na patunayan ang kanilang mga turo sa mapanalanging paghiling at pagtanggap ng patunay na paghahayag mula mismo sa Diyos.

Naniniwala ang karamihan sa mga Kristiyano na sinarhan na ng Diyos ang aklat ng mga batas—ang pinagkakatiwalaang koleksyon ng mga sagradong aklat na ginamit bilang mga banal na kasulatan—ilang araw pagkamatay ni Cristo at wala pang paghahayag na naging katulad nito mula noon. Itinuro at ipinamalas ni Joseph Smith na ang aklat ng mga batas ay bukas.11 Katunayan, ang aklat ng mga banal na kasulatan ay bukas sa dalawang paraan, at ang ideya ng patuloy na paghahayag ay mahalaga sa dalawang ito.

Una, itinuro ni Joseph Smith na gagabayan ng Diyos ang Kanyang mga anak sa pagbibigay ng mga bagong karagdagan sa aklat ng mga banal na kasulatan. Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga karagdagang ito. Gayon din ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan at Mahalagang Perlas. Ang patuloy na paghahayag ay mahalaga para malaman natin kung ano ang gusto ng Panginoon na maunawaan at gawin natin sa sarili nating panahon at mga sitwasyon.

Ikalawa, ang patuloy na paghahayag ay nagbubukas sa aklat ng mga batas habang ang mga mambabasa ng banal na kasulatan, sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo, ay nakatatagpo ng bagong kahulugan sa banal na kasulatan at ng patnubay sa personal nilang sitwasyon. Isinulat ni Apostol Pablo na “lahat ng mga banal na kasulatan [ay] kinasihan ng Dios” (II Kay Timoteo 3:16; tingnan din sa II Pedro 1:21) at “ang mga bagay ng Dios ay hindi nakikilala ng sinoman, [maliban kung sumakanya ang] Espiritu ng Dios” (I Mga Taga Corinto 2:11; tingnan sa talababa c mula sa Joseph Smith Translation). Ibig sabihin nito, para maunawaan ang banal na kasulatan, kailangan natin ng personal na inspirasyon mula sa Espiritu ng Panginoon upang maliwanagan ang ating isipan. Dahil dito, hinihikayat namin ang aming mga miyembro na pag-aralan ang mga banal na kasulatan at mapanalanging humiling ng inspirasyon na malaman ang kahulugan ng mga ito para sa kanilang sarili. Ang pinakamahalagang kaalaman ay dumarating sa personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Itinuro ni Jesus, “Sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila” (Mateo 7:20). Para sa akin, sa di-mabilang na iba pang mga nananalig, at sa maraming nakamasid, mabuti ang mga bunga—mabuti para sa mga miyembro, sa kanilang pamilya, sa kanilang komunidad, at sa kanilang bansa. Ang milyun-milyong dolyar na halaga ng mga suplay at serbisyo na tahimik at maayos na inilalaan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at mga miyembro nito sa pagtugon sa mga trahedyang tulad ng lindol sa Haiti noong Enero 2010 ay katibayan ng katotohanang iyon.

Bilang Apostol tinawag akong maging saksi ng doktrina, gawain, at awtoridad ni Cristo sa buong mundo. Sa tungkuling iyan sumasaksi ako sa katotohanan ng mga pundasyong ito ng aming pananampalataya.

Para sa buong teksto sa Ingles, bisitahin ang www.lds.org/fundamental-premises-of-our-faith.

Mga Tala

  1. Gary C. Lawrence, How Americans View Mormonism (2008), 32.

  2. How Americans View Mormonism, 34.

  3. Tingnan sa How Americans View Mormonism, 42.

  4. Tingnan sa How Americans View Mormonism, 40.

  5. Tingnan sa How Americans View Mormonism, 49.

  6. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young(1997), 216.

  7. Mga Turo: Brigham Young, 215–216.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 227.

  9. Mga Turo: Joseph Smith, 227.

  10. Mga Turo: Joseph Smith, 153.

  11. Tingnan sa Mga Turo: Joseph Smith, 242–48, 309–10.

Paglalarawan ni Craig Dimond © IRI; detalye mula sa Si Cristo Kasama ang Batang Lalaki, ni Carl Heinrich Bloch, hindi maaaring kopyahin

Ang Unang Pangitain, ni Gary L. Kapp, hindi maaaring kopyahin

Paglalarawan ni Laureni Fochetto

Paglalarawan ni Ruth Sipus