Nakinig Kami sa Espiritu
Michael Angelo M. Ramírez, New Zealand
Isang umaga nagpasiya kami ng kompanyon kong misyonero na magbahay-bahay sa isang maliit na komunidad sa destino namin sa katimugang Pilipinas. Habang abala kami sa pagkatok sa mga pinto, lumapit ang isang lalaki at nagtanong kung ano ang ginagawa namin. Halatang nakainom siya ng alak.
Sa pag-aakalang hindi naman siya talagang interesado sa aming mensahe, inabutan namin siya ng isang polyeto tungkol sa layunin ng buhay. At sinabi namin sa kanya na kung babasahin niya ang polyeto at hindi iinom ng alak sa gabing iyon, pupunta kami sa kanyang tahanan upang ipaliwanag ang layunin ng buhay. Tumango siya at sinabing hihintayin kami. Nagmadali na kaming magpunta sa nakatakda naming turuan.
Wala kami talagang balak na magbalik para turuan siya nang gabing iyon, ngunit sa araw-araw naming pagdaan sa kanyang bahay pagkatapos niyon, nadama kong kailangan naming tumigil. Gayunman, agad kong binabalewala ang damdaming iyon, at pinangangatwiranan ko ang desisyon ko sa pagsasabi sa aking sarili na lasing na lasing siguro siya para makinig.
Makalipas ang ilang araw lalong tumindi ang damdaming iyon at hindi ko na ito mabalewala. Nang kumatok kami sa kanyang pinto, sinalubong kami ng isang gulat na babae na nagtanong kung bakit hindi kami nagbalik kaagad, tulad ng pangako namin. Sabi niya hinintay kami ng kanyang asawa nang gabing iyon at sa unang pagkakataon sa buhay nilang mag-asawa, hindi uminom ang lalaki.
Napahiya kami at ilang beses na humingi ng paumanhin. Nagtakda kami ng oras na babalik sa gabing iyon para turuan silang mag-asawa. Hindi nagtagal pinagsisihan ni Brother Gumabay (binago ang pangalan) ang lahat ng kanyang mga makamundong bisyo, nabinyagan siya, at naging matibay na haligi sa komunidad na iyon.
Ilang araw matapos siyang mabinyagan, nalipat ako ng lugar at nawalan na ng ugnayan sa pamilya. Ang tanging nagawa ko ay umasa at ipagdasal na manatili silang aktibo sa Simbahan.
Kalaunan napag-alaman ko na ang maliit na komunidad kung saan nakatira noon ang pamilya Gumabay ay nagkaroon na ng isang branch at pagkatapos ay isang ward. Si Brother Gumabay ang tinawag na maging bishop ng ward na iyon. Napag-alaman ko rin na karamihan sa kanyang mga kamag-anak ay sumapi na sa Simbahan.
Nang dumalaw ako kalaunan sa dati kong pinagmisyunan, nalaman ko na maraming tagaroon ang sumapi na sa Simbahan dahil sa magandang halimbawa ni Bishop Gumabay, na ipinaubaya ang buhay sa mga kamay ng Panginoon at inilagay Siyang pinuno sa buhay ng kanyang pamilya at sa araw-araw nilang mga gawain.
Lubos akong nagpapasalamat na nakinig kami sa mga paramdam ng Espiritu na bisitahin ang pamilya Gumabay. Sa pamamagitan ng karanasang ito naunawaan ko ang kahulugan ng sinabi ng Panginoon na, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit” (Mateo 9:12).