Sana Ako’y Makapagmisyon?
Siguro narinig na ninyo ang awit sa Primary na “Sana Ako’y Makapagmisyon.” May isa pa talagang mahalagang awit pambata tungkol sa pagmimisyon. Sabi rito: “Nais ko nang maging misyonero. Di na mahintay ang paglaki.”1 Sang-ayon dito si Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabi niya, “Bata pa ay dapat nang mangako sa sarili ang mga kabataan na magmimisyon sila.”2
Gayunpaman, ang malaman na kailangan ninyong magmisyon at ang pakiramdam na handa na kayo ay dalawang magkaibang bagay. Saan kayo magsisimula? Ang pagpapalakas sa inyong patotoo at kaalaman sa ebanghelyo ay dalawa sa pinakamaiinam na bagay na magagawa ninyo. Nasa ibaba ang ilang paraan na makapaghahanda kayo sa pagmimisyon.
1. Pananampalataya
Kailangan nating palakasin ang ating pananampalataya araw-araw. Itinuro ni Jesucristo, “Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin” (Moroni 7:33).
-
Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ang mga ito ay nagtuturo at nagpapatotoo tungkol kay Jesucristo.
-
Sumampalataya kapag naharap sa pansariling mga problema. Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay makakaaliw sa inyo sa mga panahon ng hirap at tutulungan kayong malampasan ang lahat ng hadlang.
-
Magtamo ng higit na kakayahang kontrolin ang inyong katawan at isipan sa pag-alam sa kahalagahan ng edukasyon, lakas ng katawan at kalusugan.
-
Patuloy na magsisi, sumunod sa mga kautusan, mag-ayuno, at manalangin upang padalisayin ang inyong buhay.
-
Para sa mga kabataang lalaki, sumampalataya kay Jesucristo sa pag-alam at pagtupad ng inyong mga tungkulin sa priesthood.
2. Espiritu
Itinuro din ni Elder Ballard, “Kailangang maging malinis ang moralidad ng mga missionary at espirituwal silang handa.”3
-
Pag-aralan at sundin ang mga gabay sa Para sa Lakas ng mga Kabataan.
-
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng pag-aayuno, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal para sa patnubay.
-
Magbasa tungkol sa mga kaloob ng Espiritu sa Doktrina at mga Tipan 46:11–26. Mapanalanging hangarin na matuklasan ang inyong mga espirituwal na kaloob. Hingin ang payo ng inyong mga magulang at lider para matulungan kayong magtaglay ng mga espirituwal na kaloob.
-
Itanong sa inyong sarili, “Ang mga aklat ba na binabasa ko at mga programa sa telebisyon at mga pelikulang pinanonood ko ay nakakabuti?” Kung hindi, pag-isipan kung paano kayo makakapili ng mas mabuting libangan.
-
Matutuhang makinig sa mga espirituwal na pahiwatig.
3. Pagmamahal
Kailangan ninyo ng pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, para makapaglingkod nang mabuti bilang misyonero. Ang magmahal sa iba ay hindi laging madali. Kailangan dito ng paglilingkod, ng pananampalataya, ng Espiritu Santo, at ng tapang. Sabi ni Mormon, kailangan ninyong manalangin nang buong lakas upang mapuspos ng dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:48).
-
Manalangin nang mapakumbaba at taimtim upang makayanang mahalin ang iba tulad ng pagmamahal ni Cristo.
-
Magpakita ng pagmamahal sa inyong pamilya sa paggawa ng kabutihan sa bawat kapamilya. Pumili ng isang kapamilyang nangangailangan ng dagdag na pagmamahal o pansin at pag-ukulan siya ng panahon.
-
Magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailangan sa paggawa ng kabutihan sa kanya.
4. Paglilingkod
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang kahalagahan ng paglilingkod. Sabi niya, kapag pinaglingkuran natin ang iba, pinaglilingkuran natin ang Diyos (tingnan sa Mosias 2:17)
-
Gawing regular ang paglilingkod. Maaari kayong kusang maghugas ng mga pinggan matapos kumain, tumulong sa inyong kapatid sa takdang-aralin, makipag-usap sa isang taong kailangan ng kaibigan, o tumulong na mapanatiling malinis ang inyong kapaligiran.
-
Ipanalangin na mabigyan kayo ng lakas at patnubay sa pagsunod sa halimbawa ng paglilingkod ng Tagapagligtas.
-
Tulungan ang grupo ng inyong Young Men o Young Women na magplano ng aktibidad na pang-serbisyo.
5. Paanyaya
Inanyayahan ni Alma, isa sa mga dakilang misyonero sa Aklat ni Mormon, yaong mga hindi miyembro ng Simbahan na “lumapit at magpabinyag tungo sa pagsisisi” (Alma 5:62). Maaari ninyong sundan ang kanyang halimbawa.
-
Maging mabuting kaibigan at halimbawa sa mga kaibigan at kapamilyang hindi miyembro ng Simbahan.
-
Humanap ng mga pagkakataong maturuan ang inyong mga kaibigan at kapitbahay tungkol sa ebanghelyo.
-
Pag-aralan ang ebanghelyo at magsanay na ituro ito ngayon. Humingi ng gabay sa inyong ward o branch mission leader tungkol sa paraan ng pagtuturo ng ebanghelyo. Kung maaari, dumalo sa klase ng mga investigator kapag tinuruan sila ng mga full-time missionary.
-
Pag-aralan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo kasama ang inyong mga magulang para sa family home evening. Maaari kayong maghalinhinan sa pagtalakay sa mga aralin, magturo ng ilang bahagi nito, at mag-anyaya sa isa’t isa na magpatotoo tungkol sa inyong natutuhan.
Ang pagmimisyon ay mahalagang mithiing dapat nang gawin ngayon, at ang paghahanda ngayon ay magiging kapaki-pakinabang sa inyong buhay araw-araw na hahantong sa pagmimisyon. Sapat na ang edad ninyo para magsimulang maghanda—hindi na kayo kailangang maghintay pa na tumangkad nang isa o dalawang talampakan.