Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Hindi Kailanman Pinabayaan
Ang pagbanggit ng Tagapagligtas sa mga banal na kasulatan ay nagbigay sa akin ng katiyakan na hindi tayo kailanman pinabayaan.
Sa panahon ng Kanyang ministeryo madalas magbanggit ang Panginoon ng banal na kasulatan. Kaya hindi tayo dapat magulat na makakita ng mga talata sa Lumang Tipan na binanggit ng Tagapagligtas sa Bagong Tipan. Ngunit isang araw nagulat ako nang mabasa ko ang unang talata ng Mga Awit 22: “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Hindi ko naisip na maaaring nagbabanggit ang Tagapagligtas ng mga sagradong kasulatan nang sabihin Niya ang mga salitang iyon sa Kanyang pagdurusa sa krus (tingnan sa Mateo 27:46). Ang kaisipang iyan ay nauwi sa malalim na espirituwal na pag-unawa.
Halos lahat tayo ay minsan nang nagtanong ng, “O Diyos, nasaan kayo?” (D at T 121:1). Ang tanong na iyan ay kadalasang pumapasok sa aking isipan sa mga sandali ng kawalang-katiyakan o kapighatian.
Dahil diyan ang mga salita ng Tagapagligtas ay tila pahiwatig ng tanong na: Ang Kanya bang pagsamo ay dahil sa kawalang-katiyakan—maging pag-aalinlangan? Ibig sabihin ba nito may katanungan na hindi masasagot ang aking Tagapagligtas, na pinakamakapangyarihan at nakaaalam ng lahat ng bagay, sa mismong sandaling iyon na nakasalalay ang aking kaligtasan sa Kanyang kapangyarihang magbigay ng lahat ng kasagutan at mapagtagumpayan ang lahat ng bagay?
Ang pagbasa ng awit na ito ay nagturo sa akin na, bagama’t ang mga salitang ito ay tunay na nagpahayag ng matinding kapighatian ng kaluluwa sa “kawalan ng pag-asa dahil pinabayaan Siya ng Diyos,” na maaaring inasahan na Niya ngunit hindi lubos na naunawaan, ang mga ito ay hindi pahiwatig ng pag-aalinlangan.1
Ang mismong pagtawag sa Kanyang Ama sa pinakamatinding oras ng Kanyang pangangailangan gamit ang mga salita sa mga banal na kasulatan ay hindi lamang katibayan ng pananampalataya kundi isang malaking pagkakataon para magturo. Bagama’t ang Mga Awit 22 ay nagsisimula sa tanong, ito ay pagpapahayag ng malaking pagtitiwala na hindi nagpapabaya ang Diyos:
“Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo: sila’y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
“Sila’y nagsidaing sa iyo at nangaligtas: sila’y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya” (mga talata 4–5).
Gamit ang mga karanasan ng mang-aawit bilang pahiwatig ng pagdurusa ng Tagapagligtas, ibinadya sa awit ang panlalait (mga talata 7–8), ang di matwid na paglilitis at pagpapahirap (mga talata 11–13), ang Kanyang paghihirap at pagdurusa (mga talata 14), Kanyang pagkauhaw (talata 15), ang pagkasugat ng Kanyang mga kamay at paa (talata 16), at pagpapalabunutan at pagpunit-punit ng Kanyang mga kasuotan (talata 18).
Bagama’t unang talata lamang ang binanggit ng Tagapagligtas, ang natitira sa awit ay isa pang patotoo na Siya ang ipinangakong Mesiyas, na sa Kanyang pagdurusa natupad ang propesiya, at na lubos Siyang nagtiwala sa Kanyang Ama.
Ang pagkaunawang ito ay nagbigay sa aking kaluluwa ng nakapupuspos na katiyakan na hindi nawalan ng kabuluhan ang aking pananampalataya. Gayunpaman ang higit pang nakaaantig kaysa kaalamang hindi nag-alinlangan si Jesus at nagtagumpay ay ang patotoo sa awit na iyon sa mga panahong nagtatanong ako kung pinababayaan ako ng Diyos o kapag nag-aalala ako na hindi Niya narinig ang aking pagsamo.
“Kayong nangatatakot sa [Diyos] ay magsipuri sa kaniya; kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
“Sapagka’t hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati [na si Jesus]; ni ikinubli man [ng Ama] ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang [si Jesus ay] dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig” (mga talata 23–24; idinagdag ang pagbibigay-diin).