Taludtod sa Taludtod
Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13
Naniniwala Kami
“Ang saligang [ito] ng ating pananampalataya ay isa sa mga pangunahing pagpapahayag ng ating relihiyon. Dapat natin itong pagnilayin nang paulit-ulit. Kung gayon, tuwing matutukso tayong gumawa ng anumang masama o hindi tapat o imoral, pilit na papasok sa ating isipan ang dakilang pahayag na ito ng pamantayan ng ating pag-uugali na sumasakop sa lahat.”
Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), “Fear Not to Do Good,” Liahona, Peb. 2000, 5.
Malinis ang puri
“Ang seksuwalidad ng tao ay hindi lamang pisikal. Katunayan, ang kalinisang-puri at katapatan ay nagsisimula sa espiritu, hindi sa katawan. Ang mga ito ay pagpapahayag ng kalagayan ng ating espiritu. Kapag nakaayon ang ating espiritu sa mga katotohanan ng ebanghelyo, gusto nating ipamuhay ang matataas na pamantayan, at nakikita sa mga kilos natin ang hangaring iyan. Samakatwid, ang kalinisang-puri at katapatan ay higit pa sa hindi pakikipagtalik bago ikasal at pakikipagtalik sa iyong asawa lamang pagkatapos ninyong makasal. Ipinapakita nito ang uri ng ating espirituwal na buhay.”
Terrance D. Olson, “Truths of Moral Purity,” Liahona, Okt. 1999, 31.
Mapagkawanggawa
Ang maging mapagkawanggawa ay ang maging mabait at mapagbigay, ibig sabihin—gumawa ng mabuti. Sa Kanyang ministeryo si Jesucristo ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti, … sapagka’t sumasa kaniya ang Dios” (Mga Gawa 10:38). Kapag mapagkawanggawa ka sa buhay, palalakasin at pasisiglahin ka ng Diyos.
Payo ni Pablo
Tingnan sa Mga Taga Filipos 4:8, na bahagi ng sulat ni Apostol Pablo sa mga Banal sa Filipos.
Hangarin ang mga Bagay na Ito
Basahin ang bahaging “Libangan at ang Media” sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (pahina 17). Umaayon ba ang libangang pinili mo sa mga pamantayang ito at sa ikalabintatlong saligan ng pananampalataya? Isiping isulat sa iyong journal kung paano ka napagpala sa pagpili ng mabubuting uri ng media.
Marangal
“Ang kabutihan [kabaitan] ay ‘huwaran ng pag-iisip at pag-uugali na nakabatay sa mataas na pamantayan ng moralidad’ (Mangaral ng Aking Ebanghelyo, 136). Sakop nito ang kalinisang-puri at kadalisayang moral. Ang kabutihan ay nagsisimula sa puso’t isipan. … Ito ay libu-libong maliliit na desisyon at gawa na natipon. … Ang mabubuting babae at lalaki ay kapita-pitagan at may lakas ng kalooban. Sila ay tiwala dahil karapat-dapat silang tumanggap at magabayan ng Espiritu Santo.”
Elaine S. Dalton, Young Women general president, “Pagbalik sa Kabutihan,” Liahona, Nob. 2008, 78–80.