Nahihirapang magpasiya ang kapatid kong lalaki kung totoo nga ang Simbahan. Paano ko siya matutulungan?
Suportahan siya; kailangan niyang madama na mahal siya—hindi pinipilit—ng kanyang pamilya. Pag-isipang tanungin siya kung ano ang kanyang mga problema at duda. Patapusin siya sa pagsasabi sa iyo ng lahat ng problema niya bago ka tumugon. Marahil ang mga problema niya ay pakikisama o personal, sa halip na tungkol sa pananampalataya. Maaaring hindi mo maibigay ang lahat ng sagot na hangad niya, ngunit matitiyak mo sa kanya na malulutas ang mga ito.
Pagdasalin siya kasama mo tungkol sa kanyang mga pag-aalala at hikayatin siya na personal ding ipagdasal ang mga ito. Maging sensitibo sa katotohanan na may ilang tao na naghihintay nang mas matagal bago makatanggap ng sagot kaysa iba, lalo na kung kailangan nilang pag-isipan mismo ang mga ito. Maaari mong basahin sa kanya ang tungkol sa panalangin at pagtatamo ng patotoo mula sa Alma 32, 3 Nephi 17, o Moroni 10. Gayundin, maaari mo siyang hikayating kausapin ang inyong mga magulang, bishop o branch president, o iba pang matatapat na miyembro ng Simbahan na nakaranas ng gayong mga problema.
Kapag nagkainspirasyon, magpatotoo sa kanya. Ipaalam sa kanya kung ano ang damdamin mo tungkol sa ebanghelyo.
At sa huli, alalahanin na ang Espiritu ang sumasaksi sa katotohanan. Para magtamo ng patotoo o matanto na may patotoo na siya, dapat matuto ang kapatid mo na kilalanin ang Espiritu Santo. Maaaring matagalan ito, at hindi ito maipipilit. Maaaring buong maghapon mong sabihin sa kanya ang mga katotohanan, ngunit sa makabuluhan lamang na pakikipag-ugnayan sa Espiritu siya magtatamo ng patotoo.
Ipagdasal siya at hikayatin, suportahan siya at pakinggan, ngunit tandaan na malaya siyang magpasiya. Buong talino siyang magpapasiya sa pagsunod sa patnubay ng Espiritu.